Ang Babae ng Aking Buhay

Maria Clara (Photo Credit: Pinterest)

Noong una kitang masilayan, wala akong pakialam. Wala kang dating sa akin, siguro dahil hindi pa kita lubusang nakikilala at hindi pa ako marunong magmahal. Sabi nila, wala ka raw katulad, ikaw raw ang tipo ng babae na pinag-aagawan. Ikaw ang tipo ng babae na nasa iyo na ang lahat. Gusto kong maniwala pero mas gusto ko munang pag-aralan ka.

Unti-unti kong pinasok ang buhay mo. Pinakialaman kita. Sinundan. Inalam ang iyong kalikasan; nakaraan, kasalukuyan at ang iyong posibilidad na haharapin. Sa paglipas ng mga araw na pagmamanman, namumulat na ako sa katotohanang iba ka nga. Maraming maganda sa iyo: mukha, katawan, pag-iisip at puso. Ikaw ang tipo ng babae na hindi papalitan at hindi iiwan.

Kaya naglakas-loob akong manligaw sa iyo dahil matagal-tagal na rin naman tayong magkaibigan. Hindi ako nahirapan kahit na maraming kalaban, dahil isa akong tunay na lalaking may paninindigan at pangarap; hindi lamang para sa sarili kundi para sa mga taong naniniwala sa aking kakayahan at sa mga taong lubhang nangangailangan. Ang isa pang rason ay boto sa akin ang lahat kaya siguro napasagot kita agad. Naging akin ka at ako’y sa iyo. Pinakasalan kita, nagkaroon tayo ng kontrata sa bayan at sa Diyos. At sa gabi ng pagiging ganap nating mag-asawa ay nakita ko ang mga pinakatatago-tago mong pilat sa likod ng iyong magagara at mamahaling kasuotan. May mga sariwa pang nagdurugo at nagmamantika. Mahal, kapiraso pa lang pala ang alam ko sa iyo.

Umiyak ka sa harap ko. Nagtapat ka ng iyong nakaraan. Ang mga pang-aabuso ay iyong ibinunyag. Kabilang pa ang mga panggagahasa, ang pagkalbo sa iyo ng sarili mong kaanak, ang pagbaril, ang pagsaksak, ang paglason, ang paggarote, ang paglibing ng buhay, kung saan nakuha mo pang bumangon dahil gusto mo pang mabuhay upang humanap ng tunay na pag-ibig. Nakita ko hanggang sa iyong mga sulok-sulok ang mapa ng pang-aapi, pagnanakaw, panlilinlang, kasunduang ikaw ang talunan, at ang huwad na mga pangako. Sinalo mo ang mga bala, ang mga saksak, ang mga hampas ng tubo at pukol ng bato, kaya ako nagmura, Mahal. Putang-ina nila!

Sa puntong iyon ay inakala mong nagsisisi na ako sa aking pinasok kaya nagtanong ka: “Mahal mo pa rin ba ako?” Hindi ako sumagot. At nagsimula ka nang umiyak. Ang mga luha mo ang bumura ng iyong mga kolorete sa mukha. Pinahid mo ito ay lalong naglawa. Lumitaw ang mga hukay na nilikha ng minsan kang sabuyan ng asido at pasabugan ng paputok sa mukha ng iyong nakaraang pag-ibig. Na inakala mong dumating upang bigyan ka ng mas magandang buhay at pangalan, sapagkat noon ay isa ka lamang ordinaryong babae na masaya nang pinagmamasdan ang mga bituin at buwan, subalit mga pasakit lamang ang iniwan. Madalas kang malinlang sa matatamis na salita at pangako, Mahal. Kaya marami kang naging kasintahan, maging babae ay iyong pinatulan.

Pero oo, tatawagin pa rin kitang mahal sa kabila ng iyong pagbabagong anyo at nakaraan. Itutuloy ko ang pangako kong walang hanggan. Tanggap ko kung ano ka na ngayon, at tutulungan kitang mabuo muli sa pamamagitan ng handog kong pagmamahal.

Napangiti ka, pagkuwa’y agad na naglaho ang isang bukol sa iyong leeg. Namangha ako sa aking nakita, nasa iyong ngiti ang gamot sa pagkasira. Hinawakan ko ang kamay mo. Inalalayan kita at dinamitan. Sa halip ay niyakap na lang nang mahigpit. Mahal, sinabi kong mahal na mahal kita. At biglang pumantay ang tatlong butas sa iyong mukha.

Sinabi mong gusto mong pagmasdan ang kalangitan, sisipatin mo kung may buwan at mga bituin pa ba ritong nagpapaliwanag, at hinila ko ang kurtina. Mahal, sa unang silay ng bilog na buwan ay mabilis na natuyo ang sugat sa iyong tuhod. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita, gumagaling ka sa pagsisilbing may kalakip na pag-ibig.

Ipinagpatuloy ko ang paggamot sa iyo, habang ang iba’y patuloy pa rin sa paggamit. At hindi ako papayag, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pag-ibig ay hindi kita pababayaan. Inilaban kita, ipinagtanggol, inilayo sa mga kalaban, inalagaan, at binigyan ng magandang buhay. Pangakong magbabalik ang dating ikaw.

Sa tuwing gagawa ako ng kabutihan sa iyo ay may isang sugat ang naglalaho sa iyong katawan. Subalit laging may magbabalik sa tuwing pipigilan ako ng ibang gamutin ka. Minsan ako ang kanilang hinihila pababa upang masaktan ka, dahil alam nilang kapag umiiyak ka ay kalamidad ang dulot nito sa iyo at lalo kang magdurugo. Pero hindi ako papayag, Mahal, handa akong mag-alay ng buhay sa iyo maibalik ka lang sa dati.

Lumaban ako. Pero mas marami na akong kalaban ngayon, hindi ko na ito kaya nang nag-iisa. May mga kaibigan din akong bumaliktad na kaya hindi ko na alam kung sino pa ang mga aasahan ko.

Mahal, dumating ang araw na ako naman ang sugatan sa pagtatanggol sa iyo. Halos wala ka nang sugat nang tingnan kita. Masaya ako sa iyong kinalalagyan ngayon, subalit ngayon ko lang nadiskubre na sa tuwing maglalaho ang mga sugat sa iyong katawan ay nalilipat pala ito sa akin. Ngayon ay hindi na ako makahakbang, hindi na ako makalaban. Duguan mo akong napagmamasdan sa lupang atin pero hanggang ngayon ay marami pa ring umaangkin.

Nakita na naman kitang umiiyak at mas malakas ito, Mahal. Mabilis na nagbalik ang sugat sa iyong mukha, sa leeg, sa braso, sa likod, sa katawan, sa hita, sa binti hanggang sa talampakan. Nabalot ka ng sugat mahal. Sumuka ka ng dugo. Nagtae ng dugo. Mahal, anong sakit itong bumabalot ngayon sa iyo? At ano ito’t nakapagtataka na hindi naglalaho ang mga sugat ko sa kabila ng iyong pagtangis. Anong kapangyarihan ng apoy ng araw ang tumutusta ngayon sa atin? Hindi ko na alam ang gagawin, Mahal. Ayaw kitang sukuan, pero kung ito na ang katapusan ay mamamatay akong nagtatanggol sa iyo.

Siya nga pala, bago ang lahat, ginawan kita ng isang awitin, sana magustuhan mo ito, hayaan mo’t kahit duguan ako ay pipilitin kong awitin sa iyo:

“Ang bayan ko’y tanging ikaw,
Pilipinas Kong Mahal.
Ang puso ko at buhay man
Sa iyo’y ibibigay.

Tungkulin kong gagampanan
Na lagi kang paglingkuran,
Ang laya mo’y babantayan,
Pilipinas kong Hirang.”

Parang isang mahika ang awit, Mahal, na nakarating sa karamihan, at ang mga tinig ay nagsama-sama’t mabilis na nakabuo ng panibagong hugis ng pag-asa. Napagmamasdan mo ba ang iyong mga taong natitipon ngayon na nagtatanggol sa iyo? Nakikita mo ba sila na nagmumula sa iba’t ibang kapuluan, Mahal? Halika, humawak ka sa kamay ko at iaangat kita.

Wakas!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.