Ang Alamat ng Payong Ni Binay

The Dasmarinas ‘Payong’ Incident

Sa totoo lang, hindi na ako nagulat sa pinakabagong kontrobersiyang kinasasangkutan ni Mayor Junjun Binay at ang mga kawawang guwardiya ng Dasmarinas Village.

Hindi na bago sa bansang Pilipinas ang ganitong mga insidente ng ‘power tripping’ ng mga pulitiko at mga VIP kuno na nagpupumilit magdiyos-diyosan gamit ang kanilang mga hiram na kapangyarihan.

Hindi nga ba’t minsan ay isang anak ng dating Supreme Court chief Justice ay pumatay ng mga kawawang estudyante dahil lamang sa away sa trapiko.

Kamakailan lang din isang anak naman ng mayor, naharangan lang nang kaunti yung 4-wheel drive na sasakyan niya ng isang dyipni, minura na yung drayber at tinutukan pa ng baril.

Nasa kultura na yata ng karamihan sa mga Pilipino na magkaroon lang ng kaunting pera o kapangyarihan, aasta na kaagad na akala mo ay may utang na loob sa kanila ang buong mundo at kailangan silang tingalain at pangilagan…

Tsk, tsk, tsk…

Ang isang tunay na ‘public servant’ ay nagsisilbi (kaya nga servant eh, hindi master) at hindi siya ang pinagsisilbihan.

Aba’y dapat lang naman talaga dahil kahit baliktarin pa natin ang mundo, ang bayan ang nagpapasahod sa kanila, ang siyang nagluklok sa kanila sa puwesto at higit sa lahat, siyang pinanggagalingan ng kanilang hiram na kapangyarihan.

At inuulit ko, walang kapangyarihan sa ilalim ng demokrasya ang hihigit pa sa kapangyarihan ng taumbayan.
Iyan ang dapat na ipasok sa kukote ng mga arogante nating pulitiko.

Isang nakaiintrigang eksena sa video ng ‘Dasmarinas incident’ ay ang ‘payong’ ng butihing mayor. Makikita mo talaga ang pagkaugaga ng kaniyang mga alipores na protektahan ang kanilang mayor sa hamog ng malamig na gabi ng Disyembre.

Eh baka nga naman sipunin eh… anak ng pusang gala talaga!

Teka umuulan ba nang gabing iyon? Bakit ganun na lang ang pag-aalala ng mga alalay niya na payungan siya?
Hindi kaya may sakit si mayor???  …whatever!

Ang eksena ng payong ni Binay ay isang malaking simbolo kung gaano kalawak ang pagitan ng ordinaryong Pilipino at ng mga mayayamang pulitiko.

Habang karamihan sa atin ay nagkukumahog sa pagbabawas ng buwis, nakikita natin silang meayroong mga alalay para lamang magbukas ng kotse, humawak ng cellphone, tumanggap ng tawag at siyempre, magbukas ng payong!

At ‘yung buwis na pinagkukumahugan ng mga kawawang mamamayan ay siya ring ipasasahod sa kanila…b’wisit talaga!

At meayroon pa, tatlong sasakyan ang convoy?

Ilan ba ang bodyguard ni Mayor?

Ganun ba talaga kadelikado ang buhay niya para pasahurin natin ang mahigit yata sa sampung security at driver niya?

Kailan pa kaya tayo mamumulat, kaibigan?

Isipin ‘nyo na lang kung ganitong uri ng pamilya ang mauupo sa Malakanyang.

Mga lasing sa kapangyarihan na ang ego ay kasinlaki na yata ng solar system, o baka higit pa.

Good luck na lang sa atin.

At teka hindi n’yo ba napansin sa video na ang paborito nating senador na si Nancy ay pasimpleng may hawak na baril habang nakikipagdiskusyon ang kaniyang pinakamamahal na kapatid?

Kawawang Pilipinas!

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl