Ang Alamat ng My Husband’s Lover

my h

Dahil sa kakaibang tema ng kuwento, pumapatok ngayon ang palabas na My Husband’s Lover. May dala raw na pagkasabik sa bawat eksena na tila lumalaro sa iyong isipan kung ano nga ba ang susunod na mga pangyayari.

Maraming nanonood at laman ng usap-usapan sa eskuwelahan, sa opisina, sa palengke at sa bawat sulok ng kalye. Ito rin ay umani ng papuri dahil sa di matatawarang pagganap ng mga karakter sa palabas. Higit sa lahat, ang kuwento ay nagdudulot ng tanggal-pagod matapos ang buong araw na pagtratrabaho o ang nakakapagod na biyahe pauwi galing sa eskuwela.

Tulad sa kahit anong usapan, maraming kritiko ang bumabatikos at hindi nagugustuhan ang palabas dahil sa mga usapang sekswal. Marami raw sa atin ang nabighani sa kuwento na tila nakalimutan natin kung ano nga ba ang dulot ng tunay na konsepto ng palabas.

Ito raw ay nagpapakita na maaari ka pang umibig kahit ika’y mayroon ng asawa, isang uri ng palabas sa telebisyon na maaaring maging dahilan sa pagdami ng bilang ng hiwalay na mga pamilya.

Higit sa lahat, Ito raw ay nagpapakita ng relasyong kabaklaan na maaaring tumanim sa utak ng mga kabataan at maging sapat na impluwensiya upang subukan ang ganitong uri ng relasyon.

Ang tanong daw nila’y kung ikaw ay may anak na batang lalake, hahayaan mo ba siyang mapanood ang ganitong klase ng mga palabas? Hindi ka ba matatakot na baka isipin ng iyong anak na tama ang makipagrelasyon sa kapwa lalake?

Hanggang sa ngayon ay may iilan pa rin ang hindi tanggap ang homo-sekswalidad sa lipunan, para sa lahat, babae at lalaki pa rin ang dalawang uri ng pagkatao.

Ano ang magiging reaksyon mo kung makikita mo na nakahiwalay na ang banyo para sa mga bakla? Magugulat ka ba kung hiwalay na rin ang pasukan sa Mall para sa mga tomboy? Na iba na rin ang pila sa MRT para sa mga bakla?

Sa totoo lang ay wala namang kaso ang lahat ng ito, ang hinihingi lamang nila ay pantay na pagtingin ng walang halong panlalait at pangkukutya. Na hindi ituring na iba o salot sa lipunan na walang alam gawin kundi ang manguha ng lakas.

Ito ba ang dahilan kung bakit marami pa rin sa mga homo-sekswal ang hindi kayang lumantad sa publiko? Tulad nila Vincent at Eric, marami ang patuloy pa ‘ring nakakulong sa sarili gawa ng mga taong nakapaligid sa kanila, marami pa rin ang ‘di malaya para sa mas ika-sisiya ng mga taong mahal nila.

Tulad ng karamihan, ang nakikita lamang ng mga kritiko sa palabas na My Husband’s Lover ay ang pagtataksil at ang maling uri ng pagmamahalan. Pero dapat nating tandaan na minsan ay kailangang ipakita ang kamalian upang hindi tularan ng iba.

Kung ating susuriin, ang palabas na ito ay nagpapakita ng napakagandang aral para sa lahat ng mga manonood. Huwag mong hanapin ang kulay itim sa whiteboard, minsan ay kailangan mo lamang tignan ang mga malinis na bahagi upang ang mga bagay ay lubos na maunawaan.

Para kay Lallie, ang pagsasakripisyo dala ng pagpapahalaga sa pamilya
Para kay Eric, ang pakikipaglaban para sa tunay na nararamdaman
At para kay Vincent, ang pagpapahalaga sa integridad ng isang tao

Ang magmahal ng iba para sa ikaliligaya ng iba ay hindi madaling gawin
Lahat tayo ay minsan ng nagdesisyon para sa ikaliligaya ng pamilya
Lahat tayo ay minsan ng nakipaglaban para sa ating tunay na nararamdaman
Lahat tayo ay minsan ng piniling maging malungkot para sa ikaliligaya ng ibang tao

Tulad nila, bawat isa sa atin ay dumaan na sa ganitong bahagi ng ating buhay. Ang homo-sekswal na pagmamahalan ay walang pinagkaiba sa kung anong alam nating tama.

Ang pagiging bakla o tomboy ay hindi isang sakit at lalong hindi ito nagagamot. Hindi ito isang desisyon o isang bagay na maaaring piliin. Ang mahalaga ay ang paggamit ng tama sa kung anong klase ng pagkatao ang ibinigay sa atin upang makuha natin ang respeto ng lipunan.

Don’t worry beh, carry mo ‘yan!

http://ompongdilat.com/blogpix/kuwentongalamat/myhusbandslover.jpg

Leave a Reply

Your email address will not be published.