Ang Alamat ng Hotdog on Stick, Chapter 6 : Ang Alamat ng Quiapo

quiapoSabi nung manghuhula sa may Quiapo ay may tatlo raw klase ng duwende, may itim, may puti at may pula. Ikaw? Nakakita ka na ba? Nakaramdam ka na ba? Andiyan lang siya sa tabi mo nakatitig sa’yo! Oopps! Huwag kang lilingon at baka paglaruan ka! Huwag kang magtuturo at baka manuno ka! Hala ka!

 Eh pa’no ‘yan, pagtuturo pa naman ang pinasok ko. Naaalala ko pa nung mga panahong ang bilis kong makalimot sa bawat lesson. ‘Yung tipong naiintindihan mo naman pero pagdating ng test ay para kang sinapian ng kalabaw. ‘Yung halos manigas ka na sa kakanguso. Bakit nga ba ganun?

 ‘Yung tipong ang galing-galing mo sa lecture. Kinakalaban mo lahat sa paramihan ng maisasagot. Halos ipahid mo na ‘yung kili-kili mo sa mukha ng katabi mo. Pero pagdating ng graded recitation ay para kang nauutot dahil wala kang maisagot. Bakit nga ba ganun?

Sabi nila sa bawat lecture raw ay nakakaintindi naman ang lahat ng estudyante. Pero kalahati lamang sa mga ito ang tunay na nakakaunawa. At sa mga nakakaunawa ay kalahati lang rin ang tunay na nakakaalala. Paglipas ng panahon ay halos wala ng makaalala

Paano nga ba ang magturo?

Paano nga ba ang matuto?

Kailangan ba na magaling tayo magkabisa?

Kailangan ba na matulis ang ilong?

Kailangan ba na tirik ang mata?

Nung high school ako ay pinaka-ayoko ang magsulat ng lecture. ‘Yung tipong uubusin ang oras mo kakasulat sa notebook. Okay class, see you next meeting

Ayoko rin ng graded recitation. Ubos-oras kakatawag isa-isa habang ang titser ay kumakain ng ballpen. Natapos ang klase na di man lang naipaliwanag kung bakit may tinta siya sa labi. Okay class, 2nd batch next meeting

Ayoko rin ng libro, luma na kasi ‘yun. Babasahan ka lang na para kang kinekuwentuhan ni lola Basyang. Kapag walang magawa ay gagawin pa kayong sabayang pagbigkas. Natapos ang klase kakabasa at wala man lang naipaliwanag. Self-explanatory na raw! Okay class, quiz tayo next week.

Mas lalong ayoko ng class reporting. Di ko maintindihan kung para saan ba ‘to. Sabi nila, teknik daw ‘to ng titser kapag tinatamad maghanda ng lesson. O! sino gusto mag-report ng chapter one? Plus five. E’to oh, bili ka na rin ng belekoy para plus five pa ulit.

Ayoko rin ng kabisaduhan dahil nakakatulog ako. Akala ko kasi dati ay kailangan talagang tandaan ang bawat salita. Mali pala, kailangan ko lang unawain ang pinaka-konsepto kung saan nagmula ang unggoy.

Naniniwala ako na sa panahon ngayon ay hindi na uso ang tradisyunal na pagtuturo. Iba-iba kasi ang abilidad ng mga estudyante para matuto. Merong visual, merong auditory, merong kinesthetic. Meron ding pathetic, fanatic, papethic-pethics at walastick. Siyempre hindi mawawala ang mga talangka na gusto lang magtinda ng hotdog-on-stick.

Kaya nung nagturo ako ay binago ko ang lahat ng istilo. Ito ‘yung tinatawag na style Quiapo teaching. Hindi ako magpapasulat ng pagkahaba-habang lecture, gumawa kayo ng sarili niyong lecture. Hindi ako magpapa-graded recitation dahil ayoko maging subjective. Hinding hindi ako magbabasa at gagamit ng libro sa klase. Wala ‘ring class reporting ng buong chapter. At dahil wala akong binigay na lecture na isusulat, wala rin kayong dapat kabisaduhin. Lahat ng bagay na matutunan ay manggagaling sa pang-araw araw na lesson. Sa loob man o sa labas ng klase.

Tinanong ko ang isang estudyante…

Alam mo ba kung paano pumunta ng Quiapo mula sa eskuwelahan natin?

Hindi po!

Ganito, lumabas ka ng eskuwelahan at lumakad ka hanggang sa may kanto. Pagdating sa kanto ay tumawid ka sa kabilang kalye. Pumunta ka sa tamang hintayan ng jeep at sumakay ka ng biyaheng Quiapo. Sabihin mo lang sa drayber na ibaba ka malapit sa may Mercury. Pagbaba mo ay makikita mo na ‘yun, tumawid ka lang sa may underpass.

Eh pa’no kung naligaw po ako?

Huwag kang mag-alala, sundan mo lang ang turo ko at hindi ka maliligaw. Ikaw ang magsulat sa papel ng sinabi ko para mas matandaan mo.

E pa’no kung naligaw pa rin po ako?

Kahit may posibilidad na maligaw ka ay hinding-hindi kita sasamahang pumunta ng Quiapo

E pa’no po ako matututo?

Hanggang gabay lang ang kaya kong ibigay, kung maligaw ka man ay alam kong gagawa ka nang paraan para makarating sa dapat mong puntahan. Minsan, nakakabuti rin ang nagkakamali dahil natutunan mo kung ano ang tama. Maraming tao ang nabuhay sa tama, nagtagumpay na puro na lamang tama ang ginawa kaya’t nahihirapan tumanaw sa pinaggalingan dahil hindi alam kung ano ang pagkakaiba ng tama at mali.

Ganun po ba?

 Gusto mo bigyan kita ng iba pang klase ng daan papuntang Quiapo? Lumabas ka ng eskuwelahan at lumakad ka hanggang sa may kanto. Pagdating sa kanto ay tumawid ka sa kabilang kalye. Pumunta ka sa tamang hintayan ng jeep at sumakay ka ng biyaheng Quiapo. Sabihin mo sa drayber na ibaba ka sa Crossing. Pagdating ng Crossing ay sumakay ka ng MRT hanggang Taft station. Mula rito ay sumakay ka ng LRT hanggang Vito Cruz.

Mukha po yatang mas maraming sakay ‘yun? Ang layo

Malayo man ang pinaggalingan ng iba, magkaligaw-ligaw man ang ilan, naniniwala ako na lahat kayo ay makakarating sa dapat niyong puntahan, sundan niyo lang ang bawat palataandaan na kayo rin naman ang gumawa.

Ay teka-teka, bakit hanggang Vito Cruz lang, mali po yata ‘yun?

 Oo mali nga, tignan mo, natuto ka!

Marunong ka naman kasi, minsan kailangan mo lang magkamali para malaman kung ano ang tama.

 Ikaw, nakarating ka na ba sa Quiapo?

“The difference between school and life? In school, you’re taught a lesson and then given a test. In life, you’re given a test that teaches you a lesson”