Ang aking tinubuang lupa

(Photo Credit: en.wikipedia.org)
(Photo Credit:  en.wikipedia.org)
(Photo Credit: en.wikipedia.org)

TAPOS na ang araw ng kalayaan. Pero kailanman ay tila wala nang katapusan ang mga suliranin na pasan-pasan ni JUAN DELA CRUZ.

Kung ang ibang bansa, patuloy ang pag-unlad. Tayo namang mga Pilipino, patuloy na nalulugmok sa matinding kahirapan. Kaya marami sa atin, tulad ko, ang nangingibang-bansa na lamang. Umaasa na kahit mahirap at masalimuot ang buhay-abroad, ay pilit pa rin tayong nakikipagsapalaran para mabuhay at mabigyan ng magandang buhay ang ating pamilya. Bagay na mahirap masumpungan sa sarili nating bansa. Hindi nga ba’t maraming Pinoy ang walang trabaho dahil sa kakulangan ng oportunidad na mabigyan sila ng maayos at magandang trabaho? Paano naman kasi, sa rami ng mga madudugas na Politiko, lumalaki tuloy ang unemployment rate sa ating bansa. O diba? Only in the Philippines!

Kaya minsan tuloy, sumasagi sa isip ko, dapat ko pa bang ipagmalaki ang aking bansa?

Kaliwa’t kanan kasi ang kurapsyon sa ating bansa, ang walang katapusan at hayagang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng ilan sa ating mga Politiko. At nariyan din ang walang patid na pagtaas ng mga bilihin, kriminalidad at ang lumalalang kahirapan. Hindi nga ba’t nakawawala ng gana kapag laging ito ang laman ng balita sa araw-araw? Kahit saan ka magawi, nagdudumilat ang katotohanan na miserable na ang ating bansa. Na wala ka nang ibang makikita at maririnig kundi mga negatibong bagay na paulit-ulit na lang. Kaya paano ka pa magiging proud sa iyong bansa? Paano mo pa itatayo ang sarili nating bandila kung kapwa mo Pinoy mismo ang yumuyurak at umaapi sa’yo? At higit sa lahat, paano mo pa bibigkasin sa ‘yong sarili ang mga katagang “I’m Proud to be Pinoy!”; kung alam mong ang ating gobyerno pa mismo ang nagpapahamak sa ilan nating mga kababayan?

Nakalulungkot isipin na ang aking tinubuang lupa ay tuluyan nang tinubuan ng mga Politikong makasarili, gahaman at hayok sa salapi’t yaman. Ang aking mahal na Pilipinas ay tila unti-unti nang nawawalan ng magandang imahe sa buong mundo. Masakit para sa akin bilang isang dugong Pinoy. Pero tayo ba mismo ay pinagmamalasakitan ng ating gobyerno? Iniisip ba nila ang kapakanan at kaligtasan ng bawat mamayang Pilipino? Hindi, diba? Dahil hanggang ngayon, sarili pa rin nila ang inuuna at ang tanging hangad ay ang magpalapad ng bulsa at magpakasasa sa Pera ng taumbayan.

Hanggang kailan tayo magtitiis sa ganito kabulok na sistema sa ating gobyerno? Hanggang kailan tayo magsasawalang-kibo na lang sa baluktot na gawain ng ilan sa mga nakaluklok sa puwesto? At hanggang kailan tayo mananatiling nakalubog sa kumunoy ng kahirapan?

Ibig kong muling masilayan ang aking tinubuang lupa. Pero hangga’t isa ako sa mga Pinoy na nakararanas pa rin ng matinding kahirapan, alam kong mananatili pa ako rito sa banyagang lugar para magbanat ng buto na malayo sa piling ng mga mahal sa buhay. At hangga’t alam kong wala akong nakikitang magandang oportunidad sa sarili kong bansa, mananatili akong isang OFW na punong-puno ng pangarap at ambisyon sa buhay.

At kung dumating man ang araw na muli ko nang masisilayan ang sarili kong bayan, nawa’y may masumpungan pa rin akong mga positibong bagay para masabi ko pa rin sa sarili ko ang mga katagang…..”I’M PROUD TO BE PINOY!”

Sinulat ni: Orlie Ferrer Jacob ng DFBI Family

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!