Ang Aking Paghihiganti

(Photo Credit: godisheart-ph.blogspot)
(Photo Credit:  godisheart-ph.blogspot)
(Photo Credit: godisheart-ph.blogspot)

Minsan, napakalaking motibasyon para magtagumpay ang paghihiganti.

Nakikinig ako noon sa dingding sa pinag-uusapan ng matatanda sa kabilang silid. Naroon ang aking Tiyo Fermin na siyang panganay sa magkakapatid gayundin si Tiyo Fred na siyang pangalawa; bunso sa kanila ang aking ina. Dalawang Linggo pa lamang ang nakalilipas nang mamatay ang aking mga magulang sa isang aksidente. Nagdadalamhati ako subalit dinadaig ng pag-aalala sa aking kalagayan ang anumang lungkot na nararamdaman ko.

Naiisip ko kung paano na ako ngayon ? Labindalawang taong gulang pa lamang ako, batam-bata at hindi alam ang gagawin sa buhay. Pinag-iisipan ko kung kanino pipisan.

“ Bata pa si Boyet, sa akin muna siya” Tinig iyon ni Tiyo Fermin.

“ Maganda iyan Kuya, pero paano nga pala ang mana ni Boyet?” sabad naman ni Tiyo Fred

“Eh makabubuting pamahalaan ko muna, dahil bata pa naman iyan. Kapag nasa hustong gulang na edi tsaka ko ibibigay” sagot naman ni Tiyo Fermin

“O sige, ikaw na ang bahala kay Boyet Kuya” pamamaalam ni Tiyo Fred

Ganoon nga ang nangyari, kinuha ako ni Tiyo Fermin. Ngunit, noong una lamang siya mabuti sa akin. Dumating ang panahon na ginawa na niya ako utus-utusan. Pinagpapastol niya ako ng kaniyang kalabaw at minsan ay hindi na nakapapasok sa eskwela. Sa sofa lamang ako natutulog dahil kalabisan ako sa bahay. Pito kasi ang anak ng Tiyo Fermin at hindi naman ganoon kalaki ang bahay. Gayunpaman ay masaya na rin ako, at least may maituturing akong pamilya.

Buhay pa rin naman ang lola ko sa Ama, subalit hindi ako ibinigay ng Tiyo Fermin sa kaniya dahil mahirap lang ang buhay ni Lola; hindi raw ako kaya nitong buhayin. Kinukuha nga ako noon lalo na noong namatay ang mga magulang ko;subalit ayaw nga akong ibigay ni Tiyo Fermin.

Katatapos ko noon ng Hayskul, inaasahan ko na pag-aaralin ako ni Tiyo sa kolehiyo. Minsan ay kinausap niya ako.

“ Boyet, hindi na kita mapag-aaral sa kolehiyo. Alam mo naman nagsisipag-aral ang mga pinsan mo”

Nasaktan ako, subalit nagpaliwanag ako ng malumanay

“Salamat po Tiyo sa pagpapaaral sa akin sa hayskul. Tiyo, gusto ko po talagang mag-aral, maari po ba na linangin ko iyong lupa na minana ni Nanay para may maipon akong pampaaral?”

Ano? Lilinangin, bakit kaya mo na ba?” sagot ni Tiyo na bahagya ko pang ikinagulat

“ Kakayanin ko po Tiyo, kahit patanim-tanim lang ng gulay. Pasasaan po ba at makaiipon din ako” sagot ko naman

‘’Nakita kong tumalim ang mga mata ni Tiyo” At may gana ka pa palang kuhanin ang lupa na iyon? Sa tingin mo ba ay may natira pa doon. Kwentahin mo nga ang nagastos ko sa pagpapalamon sa iyo at sa ipinampaaral ko sa iyo. Kulang pa ang halaga ng lupa mo?”

Hindi ako nakaimik. Ibig sabihin pala ay may kabayaran ang pagpapatira sa akin ni Tiyo at ang lupa palang mana ni Nanay iyon. Napaiyak ako, lumabas ako at tumungo sa bahay ni Tiyo Fred. Doon ay ipinagtapat ko sa kaniya ang sinabi sa akin ni Tiyo Fermin.

“ Tiyo, tulungan n’yo po ako na mabawi ang lupa ni Nanay, iyon na po ang ala-ala nila sa akin” pakiusap ko kay Tiyo Fred

“ Naku Boyet, hindi ko akalain na magagawa iyan ni Kuya. Paano kaya natin makukuha iyan ay nakasama pa ang titulo ng lupa sa lupain ng Kuya Fermin. Paano kaya kung hindi na niya ito ibigay. Ngunit, huwag kang mag-alala. Kakausapin ko siya.” Pang-aalo ni Tiyo Fred

Nag-usap silang magkapatid subalit naging matigas si Tiyo Fermin. Hindi na raw niya ibibigay sa akin ang lupang mana ng aking Ina. Pinalayas na rin niya ako sa kaniyang tahanan. Mabuti na lamang at kinuha ako ni Lola.

Ang sama-sama ng aking loob. Bakit naman inangkin ni Tiyo ang lupa na ala-ala ng aking mga magulang sa akin. Sa loob ng halos limang taon ay nakita kong ginamit niya ang lupa. Naroong pagtamnan ito ng pakwan at milon. Naroong pag-alagaan ng manok at baboy, napakinabangan na niya ito ngunit ngayon ay inaangkin na niya. Nasa dalawanlibong metro kwadrado rin ang lupang iyon. Malaki-laki rin ang mapagbibihan kung ipagbibili ito.

Salamat na lamang at naroon si lola, pilit niya akong inaliw

“ Huwag kang mag-alala Apo, kung anuman ang nawala sa iyo ay papalitan ng Diyos iyon. Hayaan mo at magsisikap tayo para makapag-aral ka”

Naging kasa-kasama ako ni lola sa pagtitinda ng mga gulay, pangingisda ng dalag sa bukid at ito rin ay aming ipinagbibili. Nakita kong madiskarte si Lola, lumapit siya kay Mayor at nakiusap na ako ay pag-aralin ng pamahalaang pambayan. Nakapag-enroll ako sa kolehiyo sa unang semestre.

Ngunit ang ahas kong Tiyuhin na si Tiyo Fermin ay pilit na hinahadlangan ang aking magandang bukas. Para bang ayaw niya akong matuto. Pumunta pala ito kay Mayor at ako ay siniraan nang siniraan. Malaking pamilya sina Tiyo Fermin at marami silang botante, iyon siguro ang dahilan kaya itinigil ni Mayor ang aking suportang pinansyal. Nasaktan ako lalo na at nabatid ko ang ginawa ng Tiyo Ko.

Ngunit hindi sumuko si Lola,nakaisip siya ng paraan. Kahit na hindi nakapag-aral si Lola ay nakaiintindi ito at nakasusulat sa Ingles. Nangulekta siya ng mga magazine galing sa Amerika.Kapag may nakita siyang pangalan at address ay susulatan niya ito at nakikiusap na sponsoran ako sa pag-aaral. Hindi ko alam kung ilan daang sulat ang naipadala ni Lola sa kung sino-sino. Malaki na rin ang nagastos niya sa pagpapadala ng sulat.

Nagulat kami nang isang araw ay isang Amerikana ang sumagot sa liham ni Lola. Siya raw si Mrs. Chapman. Iyon ang simula, pinag-aral ako nang nakilala naming si Mrs. Chapman. Para hindi na naman mahadlangan ng aking Tiyuhin ang aking mga balakin ay pinilit akong dalhin ni Lola sa Maynila.

Mahirap ang buhay sa Maynila. Mainit at laging nagmamadali ang mga tao. Ngunit masaya ako, iniisip ko na darating ang panahon babawiin ko kay Tiyo ang aking lupa. Ipakikita ko sa kaniya na hindi niya kayang hadlangan ang kinang ng aking bituin. Nagkukutkot twina ang aking loob at namamahay sa aking puso ang kagustuhang maghiganti.

Kumuha ako ng kursong nursing, iyon ay sang-ayon na rin kay Mrs. Chapman. Nagsikap ako sa pag-aaral ay nakakuha ako ng mataaas na mga marka. Makalipas ang apat na taon ay nagtapos ako ng kurso. Kumuha ako ng pagsusulit at ako ay nakapasa at naging ganap na nars.

Naiisip ko, malapit na akong gumanti. Malapit ko nang mabawi ang inagaw sa akin!

Nagulat ako nang minsan ay sinulatan ako ni Mrs. Chapman. Inaanyayahan niya akong pumunta sa Amerika. Sinamantala ko ang pagkakataon, hindi naglipat- taon at ako ay nakarating sa Amerika. Doon ay nakapagtrabaho ako sa isang malaking ospital ng mga Hudyo. Unti-unting gumanda ang aking buhay. Nakabili ako ng bahay at kinuha ko si Lola para naman matikman niya ang magandang buhay.

Narito! May pera na ako, binalak kong umuwi sa Pilipinas at balikan ang tiyuhin kong ganid. Ipakikita ko ang wagas na paghihiganti. Inayos ko ang aking papeles para bumalik sa Pilipinas. Isang araw bago ang aking pag-alis ay kinausap ako ng masinsinan ni Lola.

“ Apo, talaga bang buo na ang pasya mo? Nabalitaan ko na maysakit daw ang Tiyo Fermin mo at kanser daw ito. Naisanla na raw sa bangko ang lahat ng ari-arian nito at ngayon ay nasa bahay na lamang at hinihintay ang kaniyang kamatayan. Apo! Mas makabubuti siguro na patawarin mo na lamang sila.”

Hindi ako nakapagsalita sa sinabi ni Lola. Naisip ko na kahit naman pala hindi ako gumanti ay nakararanas na pala ng karma ang tiyuhin kong ganid. Subalit hindi! Gusto ko siyang pamukhaan. Ipakikita ko sa kaniya kung ano na ngayon ang bata na kaniyang inagawan at minaltrato.

Lumapag ang eroplano sa NAIA, tumuloy ako sa isang First Class Hotel. Plano ko na sa kinaumagahan tutuloy sa aming probinsiya.

Nagkaroon din naman pala ng pagbabago sa aming probinsiya. Ang mga bahay na nipa noon ay naging mga yero na. Nagkaroon na rin ng hayskul sa aming barangay. Pumunta ako sa bahay ng Tiyuhin ko. Lumang-luma na ito at nakagiray pa. Halatang-halata ang pagdarahop dito. Nakilala ako ng aking Tiyahin at ng isang pinsan ko. Gulat na gulat sila.

Itinuro nila sa akin ang higaan kung saan nakaratay ang Tiyo Fermin. Dumilat ito ng maramdaman na may lumapit sa kaniya. Payat na payat siya at halos buto’t balat na. Tataas bababa ang dibdib nito na tanda na ito ay humihinga pa. Nagulat ito ng ako ay makita.

“Ikaw ba si Boyet?” Tanong nito at ako ay tumango

“Anak, matagal na kitang hinihintay. Hiniling ko sa Diyos na bago man lamang ako mamatay ay makita kita upang makahingi ako sa iyo ng kapatawaran. Patawarin mo ako sa mga ginawa ko sa iyo” pakiusap ng aking Tiyuhin

Napaiyak ako. Kanina lamang ay gusto ko siyang pamukhaan. Subalit maghihiganti pa ba ako? Sobra-sobra nang biyaya ang ipinagkaloob ng Diyos sa akin. Higit pa sa bagay na nawala. Panahon na siguro upang ako ay magpatawad at pakawalan ang aking mga hinanakit. Ginagap ko nang mahigpit ang butuhang palad ni Tiyo Fermin tanda ng aking taos- pusong pagpapatawad.

Namatay si Tiyo, dalawang linggo matapos kaming mag-usap. Yumao siyang mapayapa sang-ayon sa aking pinsan. Ang paghihiganti na inaasam ko ay hindi ko na naituloy, bagkus ay tinubos ko sa bangko ang lupain ng aking Tiyuhin para naman may maiwan siya sa kaniyang mga anak. Tinubos ko rin ang lupang mana ng aking Ina. Ngunit, sa halip na ito ay aking bawiin ay ibinigay ko na lamang sa aking mga pinsan. Hindi matapos-tapos ang kanilang pasasalamat at paghingi ng tawad sa akin.

Bumalik ako sa Amerika na taglay ang payapang damdamin. Ngayon na napakawalan ko na ang aking hinanakit ay wala nang hadlang upang hindi lumigaya ang aking buhay. Nag-asawa ako ng isang babaeng maka-Diyos at kami ay biniyayaan ng dalawang anak na babae. Maligaya ako dahil hanggang ngayon sa edad na nobenta’y dos ay malakas pa rin si Lola. Ngayon ay alam ko na, ang daan tungo sa maligaya at matiwasay na buhay ay makikita sa pagpapatawad at pagpapakawala sa anumang hinanakit sa ating puso. Sana ay madama n’yo rin ito. God bless!

Akda ni: Rachel Batican- Astrero ng DFBI Family

3 Comments

  1. 1. Kailan ka nagsimulang mag blog at ano ang naging insparasyon mo para ipagpatuloy ito?

    2. Bakit wikang Filipino ang madalas mong gamitin sa paggawa mo ng artikulo? Bakit hindi ibang wika?

    3. Sa iyong palagay, mas naangkop ba ang wikang Filipino sa pagbblog? Bakit?

    4. Bilang isang blogger sa isang Filipino blog site, nakikita mo bang pinahahalagahan pa ang wikang Filipino? Paano mo nasabi?

    5. Ano ang naibibigay sa iyo ng paggamit ng wikang Filipino bilang isang blogger?

    Sana po mapaglaanan nyo kami ng oras, salamat po! Godbless!

  2. Magandang araw po mam! Naghahanap po ako ng mga blogs na gumagamit ng wikang Filipino at nakita ko po ang inyong mga articles na ginamitan po ninyo ng malawak na pagtatagalog. Kung pwede po ninyo sana sagutin yung mga tanong ko para sa midterms project po namin. Salamat po!

Leave a Reply

Your email address will not be published.