Ang aking nanay.

PS: Ito ang masasabi ko sa lahat ng nanay sa mundo. 🙂

Ang ating mga ina ay matatawag ding mga ilaw ng tahanan. Sila ang nagbibigay liwanag sa ating mga simpleng tirahan. Hindi sila kahit kailan ma’y maikukumpara sa Meralco, sapagkat ang liwanag na kanilang ibinibigay ay di hamak na mas maliwanag pa sa ibinibigay ng Meralco, at hindi sila nagpapadala ng mga “Disconnection Notice” sa ating mga bahay kasi wala silang hinihinging kabayaran o anumang materyal na kapalit. Ang tanging hiling ng ating mga ina ay pagmamahal mula sa kanyang pamilya, mga anak at kabiyak.

Ang ating mga ina din ay ang mga haligi ng mga haligi ng ating tahanan, haha ang tibay na ng bahay natin niyan. Sila ang nagbibigay suporta sa ating mga ama. Pagmamahal ang pinaka-matibay na pundasyon na maaari nilang iparamdam at ibigay sa ating mga ama. Kung wala ang ina, hindi magiging tunay na masaya ang isang pamilya. Mga bayani ding maituturing ang ating mga ina, dahil isinusugal nila ang kanilang mga buhay para lang mailuwal ang kanilang mga anak, wala si Jose Rizal kung hindi dahil sa kanyang ina diba?

Kung minsa’y hindi rin naman nila maiwasang hindi magalit. Minsan, diyan nila naipapakita kung gaano nila kamahal ang kanilang mga anak. Gusto lamang nila tayong mapunta sa tamang landas at hindi maligaw sa maling direksyon. Alam ko, makukulit ang ating mga nanay. Ganyan talaga sila, minsan parang pang comedy. Wala nang magagawa diyan. Nung minsan nakauwi na ko ng medyo late sa bahay galing school, sabi ng nanay ko,

Nanay: Hoy! bakit ngayon ka lang dumating? San ka galing ha? Naglakwatsa ka na naman no? Puro ka nalang lakwatsa lakwatsa, ayusin mo nga yang pag-aaral mo!


Ako naman, eh talagang naglakwatsa nung gabing yun, kaya hindi na ko nagsalita at dumiretso na ko sa kwarto ko. Kinabukasan, gusto kong makabawi sa nanay ko kaya umuwi ako ng maaga, sabi ng nanay ko,

Nanay: Oh? bakit ang aga mong dumating? San ka galing ha? Nagcutting ka siguro no? Baka naman hindi ka na pumapasok at gala ka na lang ng gala? Ayusin mo nga yang pag-aaral mo!


Haha, natawa ako sa harap ng nanay ko nung sinabi niya yan. Haha, minsan makulit, pero laging nandiyan para sayo. Ganyan lahat ng ina, nanay, mommy, mom, mama, ermat, mudra, o kung ano pa man.

Ganyan ang aking nanay, the best. 🙂

 

About Ang Propesiya