Anak, Patawad

grandfather and grandson

Habang pinapakinggan ko ang sikat na awitin ni Ka-Freddie na Anak ay hindi ko napigilang umagos ang aking mga luha. Napakaganda kasi ng lyrics nito, lalo na ang unang stanza ng kanta, ngunit lahat ay kabaliktaran naman na nangyari sa buhay ko.

Nang isilang ako sa mundong ito,siguro ay hindi masaya ang Nanay ko, kasi nang magkaisip na ako ay lagi nalang siya nabubuwesit sa akin. Konting pagkakamali ay pinapagalitan na ako.

“Sana pinatay nalang kita!”

Iyon ang pinakamasakit na mga salitang narinig ko kay Nanay. Siguro napakalaki ng galit niya sa aking Ama, na ni-minsan noon ay hindi ko nakita. Hindi ko rin sinubukang tanungin si Nanay kung nasaan ang aking Ama.  Takot na takot akong mapalo. Iba kasi ang ugali ni Nanay o sadyang may kakaiba talaga sa kanya, na para bang hindi normal ang kaniyang kinikilos o ugali minsan.

Lagi akong binu-bully sa klase, kesyo wala raw akong Tatay at anak daw ako sa biyak na kawayan o ang Tatay ko raw ay nalunod sa sabaw ng tutong. Bumaba ang mga grado ko sa eskuwela dahil sa pangbu-bully, at naging mahiyain na akong humarap sa ibang tao.

Sa kabila ng pag-ayaw sa akin ng mundo at ng sarili kong Ina, ay mayroong mga tao pa rin ang nagpakita ng pagmamahal sa akin. Ang aking Lola at dalawa kong Lolo. Naabutan ko pa kasi ang Tatay ng Lolo ko. Panganay na anak si Lolo, bata pa siya nang mabuntis niya si Lola. Nakakatawa nga eh, mama at papa rin ang tawag ko sa mga magulang ng Nanay ko at Lolo na ang tawag ko sa Tatay ng Lolo ko. Apat silang magkakapatid ang Nanay ko, siya ang panganay at pakiwari ko’y ako ang bunso nila. Kinse-anyos lang kasi nang mabuntis si Nanay. Bata pa man ako noon ay hindi naman ako nalilito sa pamilya na meron ako.

Noong nasa elementarya pa ako, bago ako pumasok ay dadaan muna ako sa Lolo (Tatay ng lolo) ko. Magkapit-bahay lang kasi kami. Binibigyan niya ako lagi ng isang piso at mayroong mga kakanin pang pabaon niya sa akin. Lagi niya akong pinapaalalahanan na magpakabait ako, at hayaan ko nalang daw sa tuwing nagagalit sa akin si Nanay. Minsan ay natanong ko kay Lolo kung nasaan ang tunay kong Ama. Nasa malayong lugar daw ito at malapit na itong bumalik sa amin. Sa tuwing sinasabi iyon sa akin ni Lolo ay sobra ang aking pananabik, na kahit paulit-ulit akong nagtatanong at paulit-ulit niya itong sagot sa akin.

Isang araw, umaga noon at nagbibihis ako ng aking uniporme. Sumigaw si Nanay at tinawag ako. Pakihinaan ko raw yong apoy sa niluluto niyang lugaw. Pagkatapos kong makapagbihis ay nagtungo na ako sa kusina. Kumukulo na ito dahil umaalsa na iyong takip ng kaldero. Tinangka kong buksan ito, ngunit hindi ko namalayan na nawala na sa balanse ang kaldero mula sa pagkapatong nito sa malaking lata ng pintura na ginawang kalan. Nahulog ang kaldero at natapon ang laman. Inabot pa ang aking isang paa sa kumukulong lugaw. Napasigaw ako sa hapdi, ngunit biglang napalitan ng takot ang aking naramdaman nang makita kong parating na si Nanay na parang nanalisik ang kanyang mga mata. Galit na galit siya nang makita niyang natapon ang lugaw. Dinampot niya ang palayok at pinalo niya ito sa aking ulo. Tanga raw ako. Bobo. Buwesit na bata. Malas daw ako sa buhay niya.Umiyak ako at nanginig sa takot. Wala pa naman sila si mama at papa sa mga sandaling iyon. Nagwawala siya ngunit hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Pansin ko na may ibang mga bata ang nakarinig sa Nanay ko kaya sumisilip sila sa loob ng bahay namin.Maya-maya ay narinig kong may tumawag sa pangalan ko at ng Nanay ko. Si Lolo pala.

“Myrna, huwag mo naman saktan ‘yong bata,” sigaw ng lolo ko na nasa labas.

“Huwag po kayong makialam, karapatan kong disiplinahin ang batang ito. Ikaw? Wala kang karapatang mangialam!” Iyon ang sagot ng Nanay ko sa Lolo ko.

Hindi na ako nakatiis at kumaripas ako ng takbo palabas. Sinalubong naman ako ng Lolo ko at sumama ako sa bahay nila.

Mula noon ay hinayaan na muna nila ako na manatili sa bahay ng Lolo. Walang imik naman si Nanay. Hanggang sa matapos ang isang linggo, lumipas ang isang buwan ay hindi na ako bumalik kina Nanay. Hindi naman ako pinabayaan ng Lolo lalo na ang pag-aaral ko. Ramdam kong mahal na mahal niya ako. Hanggang sa nagkasakit si Lolo. Noong una ay ubo lang, hanggang sa nilagnat at tuloy-tuloy na ang pagbagsak ng kanyang katawan. Matanda na rin kasi si Lolo. Ang problema ay ayaw niyang magpadala sa health center. Lumipas ang mga araw ay lalong lumala ang kanyang sakit. Sobra akong nalungkot sa kanyang kalagayan. Tanging pagpunas nalang sa katawan ni Lolo gamit ang basang towel ang naitulong ko sa kanya.

“Karma na yan kay Manong,” ‘yan ang nadinig ko minsan sa aming mga kapit-bahay, ngunit hindi ko naman naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyon.

Hanggang isang araw ay sinundo ako nila Mama at Papa sa eskuwelahan. Kailangan ko raw makauwi agad at hinahanap ako ni Lolo. Nang makauwi na ako ng bahay ay dumeretso na ako sa kuwarto ng Lolo. Ang lalim na pala ng kanyang mga mata. Lumapit ako agad sa kanya at nagtanong kung ano ang kailangan niya.

“Anak, patawad, patawarin mo ako, anak ko,” sabi ng Lolo sa akin.

“Lolo, si Potyok po ito, si Potyokoy po, nandito na po ako, Lolo.”

“Potyok, anak ko, anak ko patawad.”

Hindi ko naintindihan si Lolo sa mga sandaling iyon. Tinatawag niya akong anak na imbes Potyokoy ang tawag niya sa akin dati, at bakit siya humihingi ng tawad sa akin eh, wala naman siyang kasalanan. Pinababa muna nila ako ni Mama at Papa. Nasalubong ko si Nanay sa may hagdan. Hindi rin ito mapalagay. Tumitig siya sa akin, at ilang segundo ay parehong pumatak ang aming mga luha.

“Bilisan mo, huwag ka ng magmatigas pa,” sabi ni Papa kay Nanay.

Pumasok agad si Nanay sa kuwarto. Bumalik ako at sumilip sa pintuan na kung saan nag-aagaw buhay noon si Lolo. Wala akong ibang narinig na sinasabi ng Lolo kundi ang salitang patawad. Maya-maya pa ay humagulhol na si Nanay. Umaalingawngaw sa buong bahay ang tinig ni Nanay. Wala itong sinasabi, umiiyak lang ito. Iyak na parang nagpanginig sa buo kong katawan. Alingaw-ngaw na tila tumatagos sa buo kong pagkatao. Hindi ko alam ang naramdaman ko sa mga sandaling iyon. Nanghina ang mga tuhod ko. Napaluhod ako habang nakakapit sa hamba ng pintuan, at tinatawag ko ang Lolo ko.

Isang umaga, nakahanda na ako. Hawak-hawak ko na ang maleta ko. Nakita kong nakatayo si Nanay sa pintuan at nakatanaw sa labas. Huminto ako nang nasa likod na ako ni Nanay at bago makalabas ng bahay. Nagpaalam ako sa kanya na aalis na ako. Noong una ay wala talaga siyang imik. Hanggang sa tuluyan na akong nakalabas ng bahay.

“Anak!”

Biglang umalsa ang aking kaluluwa sa aking narinig, lumingon ako kay Nanay.

“Anak, mag-iingat ka doon. Ingatan mo ang sarili mo. Alam kong hindi ka pababayaan ng Panginoon, at ng-, Lo-Lolo mo.”

Bumilis ang pintig ng puso ko. Biglang dumaloy ang aking mga luha na hindi ko na napigilan pa. Bumitiw ako sa pagkakahawak sa maleta ko. Nag-iyakan kami ni Nanay habang pinag-mamasdan namin ang isa’t isa. Ilang segundo pa ay hindi na namin matiis na mayakap ang isa’t isa. Iyon ang unang pagkakataon na nayakap ko ang sarili kong Ina. Ang sarap pala sa pakiramdam. Sa mga sandaling iyon, lubusan ko ng naintindihan kung bakit ganoon si Nanay dati. Alam ko ang matindi niyang pinagdaanan.

“Anak, patawad.” Narinig ko na naman ang mga katagang ito, ngunit alam ko sa puso ko, na nawala na ang lahat ng kirot sa aking dibdib.

Mahal na mahal ko si Nanay.

Mahal na mahal ko si Lolo.

About adbent

BISDAK..! Isang OFW sa Gitnang Silangan... Pagsusulat ang tanging libangan upang mapawi ang pangungulila at kalungkutan..