Anak, pag tanda ko aalagaan mo ba ako?

Karamihan sa mga magulang ngayon iniisip nila na “May mag-aalaga kaya sa akin pag tumanda na ako?”

“Sino kayang mag-aalaga sa ‘kin?” at “Aalagaan kaya ako ng mga anak ko?”

“May maglilinis ba ng katawan ko pag mabaho na ako at amoy lupa?”

“Lalapitan man lang at hahagkan kaya ako?”

“Huhugasan kaya nila ang popo o ihi ko?”

“Susubuan din ba nila ako ng pagkain?”

“May masipag kayang alagaan ako sa isang araw?”

“Maalala pa kaya nila ako?”

Maraming tanong (???)  ang nasa isip ng ating magulang kung may mag-aalaga ba sa kanila.

Responsibilidad nga ba talaga ng mga anak ang alagaan ang magulang nila?

Oo, siyempre! Dapat lang!

Dapat ring masarap sa kalooban  at bukal sa loob mo na alagaan ang magulang mo.

Lalo na at galing sa puso ang pag-aalaga at pagmamahal mo sa kanila.

Oo, mas mabigat na responsibilidad pa sa sanggol ang pag-aalaga ng isang matanda.

May mga pagkakataon na maiiyak ka sa inis, na parang ayaw mo nang alagaan ang magulang mo.

Lalo na kung sa araw-araw ay  ganun at ganun lang ang ginagawa mo.  Paulit-ulit lang.

Lalo na kapag nagiging pasaway o nagse-secondchidhood  na ang isang matanda, ang pagsilbihan ang magulang mo ay tila ba napakahirap. Isang  big challenge, ‘ika nga.

Pero dahil  mahal mo ang  magulang mo kahit nahihirapan ka, kahit amoy lupa na siya o napakakulit, masungit, mapanghi, tatanggapin  mo ang hamon.

Mamahalin mo siya na parang sanggol. Dahil sa lakas mo na lang siya aasa.

Kapag tila napapagod o gusto mo nang sumuko, balikan mo lang sa isip ang pagmamahal at pag-aaruga nila sa iyo, tiyak na lalakas kang muli.

Madarama mo  ang lubos lubos na saya sa dibdib lalo na’t makikita mo ang ngiti nila ng pasasalamat…habang kaya pa nilang ngumiti.

 

Ngunit ‘di lahat ng magulang ay may mga anak na handang pagsilbihan at alagaan sila sa kanilang pagtanda..

Hindi lahat ay nagiging mapalad na kinakalinga ng kanilang anak.

Nakalulungkot dahil may mga anak na tila ang tingin nila sa kanilang magulang na tumanda na ay wala nang silbi!! (‘Wag naman sanang ganun!)

Masakit isipin na may mga ganoong anak na wala nang panahon o pasensya upang maalagaan ang kanilang magulang.

Na kailangan pa ng iba upang may mag-alaga sa matatanda.

 

Sa aking murang edad, naranasan kong mag-alaga ng matanda na hindi ko naman kaanu-ano.

Masarap rin sa pakiramdam… kahit pa hindi ka niya tunay na anak o apo. Kahit hindi siya ang nagpalaki sa iyo.

Na ‘di pala kailangang kadugo mo o kamag-anak mo ang isang tao para malaman mo kung kaya mong alagaan ito.

Naisip ko lang… para na rin akong nag-alaga ng aking magulang. Kung nakaya kong mag-alaga ng ibang matanda, magulang ko pa ba ang hindi ko kakayanin?

Kaya’t nung minsan na natanong ako ng aking Nanay, “Anak, pag tanda ko aalagaan mo ba ako?”

Mabilis ang aking naging sagot. “Opo naman, Ma!”

Kung ibang tao nga, naaalagaan ko nang may saya sa dibdib, siya pa ba ang hindi?  ^_^

Siya na walang sawa ang pagmamahal sa aming magkakapatid. Siya na gagawin ang lahat ng makakaya para sa aming pamilya.

Siyempre, aalagaan ko siya, sila ni Papa. Aalagaan namin sila ng aking mga kapatid. Dahil sa pagmamahal.

At huwag nating kalilimutan… lahat tayo ay patungo sa pagtanda.

Balang araw, ako naman siguro ang magtatanong sa aking magiging anak…

“Anak, pag tanda ko aalagaan mo ba ako?”

 

#DFBI    #DefinitelyFilipino   #DFBloggersIntl

 

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.