Anak ng Tinapa

(Photo Credit:antifornicator.com,  Johann Espiritu)
(Photo Credit:antifornicator.com, Johann Espiritu)

“Anak ng tinapa itong mga damuhong are. Pagkalalakas ng katawan ay nakahilata eh tanghali na!” sigaw ni Lola habang kami ay ginigising

Naiinis ako, alas sais pa lamang naman ng umaga eh ginigising na kami. Bakasyon naman at walang pasok hindi pa kami hayaang makapagsapad.

Gayunpaman ay gumising na rin kami ng aking mga kapatid. Umpisa na naman ng tila tren na pag-mamando ni Lola. Kapag hindi niya nagustuhan ang trabaho namin ay siguradong maririnig namin ang salitang “ Anak ng Tinapa”

Minsang nakabasag ako ng pinggan ay napasigaw si Lola “Anak ng tinapang bata ito ah, antik ang pinggan na iyon ay nabasag lamang ng walang ingat mong mga mga kamay.” Natatakot ako noon dahil baka abutin ako ng buntot-pagi ni Lola. Iyon kasi ang pamalo niya sa amin. Nakuha pa raw iyon sa Leyte. Napakalaking isda raw ang pinanggalingan niyon. Ipinampapalo rin daw iyon sa kinukulam. Gayunpaman ay hindi naman ako pinalo. nakarinig lamang ako ng labindalawang “Anak ng Tinapa!”

Minsan, habang nanonood si Lola ng TV,  pinapatalsik noon si Erap sa Malacanang.

Anak ng tinapa, itong mga taong ito kala mo marurunong bakit patatalsikin si Erap e first crush ko iyon” narinig kong sabi ni Lola. Nakasupalpal pa sa bibig nito ang itim na tabako subalit ang sindi ay ipinasok sa loob ng bibig. Napatawa ako aba’t uso na pala sa kapanahunan ni Lola ang pagkakaroon ng crush.

Dahil sa lagi kong naririnig ang salitang “Anak ng Tinapa” kaya siguro nasasabi ko na rin ito. Minsan na nasa klase ako at nalimutan ko ang aking aralin ay bigla kong naisigaw “Anak ng Tinapa”

Napatingin sa akin ang buong klase. Tinitigan ako nang matalim ng guro namin si Mrs. Soriano. Tila Miss Talapia itong naiinis sa aking nasabi.

Anong pinagsasabi mong Anak ng Tinapa, nagmumura ka ba?”

Saan sa mundo mo nalamang nanganganak ang tinapa?” sunod-sunod na tanong nito

Eh Madam, sori po, hindi naman po mura iyon eh, expression lang. Saka, kahit paano galunggong po kasi ang tinapa kaya nangangak iyon ng galunggong din” sagot ko naman na nahihiya

Sumigabo ang halakhakan sa buong klase hanggang sa tinuktok ni Miss Talapia ang mesa

Pinilit kong paglabanan na baggitin iyon ngunit tuwing nasa bahay ako ay “Anak ng Tinapa” ni Lola ang aking naririnig. Minsan nga ay napapanaginipan ko na ito. Kunsabagay hindi naman nga mura, pero mukhang salitang kanto.

Totoo palang ang naririnig ng bata na sinasabi ng matatanda ay maaring madala niya kaya ngayon kapag ako’y nabibigla ay nasasabi kong “Anak ng Tinapa”

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.