Ampon… Anak

Photo Credit: www.123rf.com

Photo Credit: www.123rf.com

“Dinah, bahala ka na kay Miggy.

Makikipagsapalaran ako sa malayong lugar para sa kaniya” umiiyak na pahayag sa akin ng aking matalik na kaibigan na si Lucy.

Kamamatay lang noon ng kaniyang asawang Filipino-Chinese, namatay ito sa isang aksidente. Siya ang sinisisi ng pamilya ng kaniyang asawa sa pagkamatay nito. Pinalayas sila ng kanilang anak na si Miggy sa kanilang tinitirhan dahil pag-aari iyon ng kaniyang mga byenan. Maliit pa noon si Miggy, tatlong taon lamang at kalahati.

Tumira sila sa bahay namin sa loob ng anim na buwan dahil wala silang mapuntahan. Naipasya ni Lucy na magpunta sa Taiwan at iwanan sa akin si Miggy. Sa loob ng anim na buwan ay napamahal na sa akin ang bata, ngunit hindi ko rin kaya ang responsibilidad na maging taga-alaga. Ngunit, hindi ko matanggihan ang aking kaibigan. Awang-awa din ako kay Miggy.

Nang aalis na si Lucy patungong Taiwan ay halos mapiga ang puso ko sa awa sa aking kaibigan at kay Miggy.Ayaw halos bumitaw ni Miggy sa kaniyang ina. Sapilitan ko na lamang siyang inagaw dahil kailangan ng mag-check-in ni Lucy. Hilam na hilam sa luha ang mga mata nito nang pumasok sa pintuan. Nagwawala naman sa kaiiyak si Miggy.

Lumipas ang isang taon, wala na akong nabalitaan pa kay Lucy. Tila nalimutan nito na may anak siyang naiwan at dapat suportahan sa Pilipinas. Sinubukan kong magtanong sa agency subalit wala silang masabi. Ang pangako niya na magpapadala sa bata ay hindi natupad kaya kami ng aking mga magulang ang umako sa responsibilidad.

Hanggang sa Mama na ang tawag sa akin ni Miggy. Masyadong natuon ang aking atensyon sa kaniya kaya hindi na ako nakapag-asawa kahit na may mga nanligaw sa akin. Tinanggap ko na sa aking sarili na si Miggy ay anak ko at ako ang ina ni Miggy.

Napakasarap na pagkagaling ko sa pagtatrabaho ay sasalubungin ako ng aking ampon at anak. Yayakapin ako nang napakahigpit at maglalambing ng pasalubong. Napakasarap din na kapag masakit ang aking ulo ay siya ang nagpapahid ng vicks vaporub sa aking noo at sintido.

Mabait na bata si Miggy at kahit minsan ay hindi namin napalo. Habang lumalaki siya ay lalo siyang gumagandang batang lalaki. Naging “pride” siya ng aming pamilya. Napakagaling din niya sa klase. Lagi siyang nakatatanggap ng ribbon tuwing katapusan ng school year.

Napakalaki na nang damdamin at pag-ibig na patuloy kong ibinibigay sa aking ampon at anak. Kapag maysakit siya ay alalang-alala ako at ako ang gusto niyang magbantay sa kaniya. Lagi Ko siyang pinagmamasadan kapag natutulog ito. Akala ko habang buhay na kaming ganito…….

Labintatlong taong gulang na si Miggy nang kapagdaka’y dumating si Lucy. Nagulat pa kaming lahat nang biglang humimpil sa tapat ng aming bahay ang isang pulang kotse. Lumabas dito ang isang babaeng nakasalaming de kulay; si Lucy. Halata ang pag-asenso sa kaniyang gayak.

Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin, biglang dinunggol ng kaba ang aking dibdib. Paano kung kuhanin na niya si Miggy. Tama ang aking hinala.

“Dinah, salamat sa pag-aalaga n’yo kay Miggy. Narito na ako ngayon para kuhanin siyang muli” medyo nahihiyang sabi ng aking kaibigan.

“Ano? Pagkatapos ng maraming taon, basta mo na lamang siyang kukuhanin?” galit na nasambit ko.

“Anak ko siya Dinah, ako ang may higit na karapatan sa kaniya” marahan subalit mariing sangga ni Lucy

“Paano kung hindi ko ibigay?” naghahamong sagot ko.

“ Kung ganoon ay magkikita tayo sa korte” sagot nitong bahagya pang itinaas ang ulo.

Nagulat ako sa inasal ng aking kaibigan. Ganito na lang ba? Matapos akong mag-invest ng pagmamahal, basta na lamang bang kukuhanin. Ang lupit naman ng tadhana. Mahal ko si Miggy, Mama ang tawag niya sa akin at anak ang tawag ko sa kaniya.Ipinaglaban ko siya sa korte pero sa huli ay natalo ako. Iba pala talaga ng karapatan ng isang Ina.

Sapilitang binawi sa akin ang aking ampong anak. Nagpipipiglas si Miggy at ayaw sumama sa kaniyang ina, pero wala kaming nagawa. Pinanigan ng batas si Lucy. Dinala siya ni Lucy sa Amerika. Nakapag-asawa pala si Lucy ng isang sundalong Amerikano na nakilala sa Taiwan. Naging maayos ang kaniyang buhay at nakapagpatayo ng sariling negosyo sa Amerika. Umuwi siya sa Pilipinas dahil pumayag na ang kaniyang asawa na kuhanin si Miggy.

Naiwan akong luhaan, inisip kong magpakamatay na lamang. Napakahirap pala na mawala sa iyo ang anak na iyong minamahal. Kahit na hindi ko siya kadugo ay mahal ko siya nang higit pa sa aking buhay. Sa huli ay pinilit ko pa ring magpakatatag. Inasahan ko na lamang na babalik din si Miggy. Ilang taon din na wala akong nabalitaan sa kaniya. Parang mamamatay ako sa paghihintay, hanggang sa naglaho ang aking pag-asa.Tinanggap ko na nakalimutan na ako ng aking ampong anak.

Lumipas ang mahabang panahon. Mas lalong naging malungkot ang aking buhay dahil sumakabilang- buhay na ang aking mga magulang, naiwan na akong nag-iisa at baon na lamang ang mga ala-ala.

Kagagaling ko noon sa trabaho, kahit pagod ako ay nagtungo ako sa puntod kung saan nakalibing ang aking mga mabulang. Nag-alay ako rito ng bulaklak at panalangin, muli kong naramdaman na basa na naman ang aking mga mata. Pamaya-maya ay naramdaman ko na ako ay hindi nag-iisa.Kinusot-kusot ko ang aking mga mata. Halos hindi ko makilala ang lalaking nakatayo sa aking harapan.

“Mama” tawag nito sa akin.

“ Miggy, Anak” at patakbo ko siyang niyakap.

Nagyakap kami nang mahigpit. Pareho kaming hindi makapagsalita. Muli kong natitigan ang aking ampong anak at napakalaki ng kaniyang ipinagbago. Tumangkad ito at lumaki ang katawan, ngunit bakas pa rin sa kaniya ang batang inalagaan at minahal ko.

“Mama, sorry, ngayon lamang ako nakauwi. Matagal ko kasing pinag-ipunan ang plane ticket,” sabi nito sa akin.

“Mahalaga anak ay nadalaw mo ako. Masaya na ako na naaalala mo pa rin ako”

“ Mama kita, hindi kita maaaring makalimutan. Bente uno anyos na po ako Mama at nakahiwalay na ako ng tirahan kila Mommy Lucille at Uncle Frank. Dala ko po ang petition letters ko para sa inyo. Kukuhanin ko po kayo Mama,” pang-aalo nito sa akin.

Niyakap ko siyang muli nang mahigpit.

Magkasama na kami ngayon ni Miggy dito sa San Diego, California. Nag-asawa na rin siya ng isa ring Pinay at may isa na ring anak. Ako ang nag-aalaga ng kanilang anak na ngayon ay dalawang taong gulang pa lamang. Nagkaayos na rin kami ni Lucy at nagkapatawaran sa isa’t-isa. Masaya na ako at kontento sa aking buhay. Nadarama ko bawat araw ang pagmamahal sa akin ng aking Ampon……… Anak.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.