AMALAYER?

Photo credit: mackjackandjill.com
Photo credit: Mackjackandjill)

Nahuli ko ang sarili kong nakatutok sa screen ng computer ko. Nakatingin sa larawan ng taong mahal na mahal ko na nakapost sa  Facebook page niya.

Biglang bumalik sa isip ko ang mga nangyari sa akin sa Pinas sa mga nakalipas na buwan nung kasama ko pa ang mga importanteng tao sa buhay ko. Napagtanto ko na wala namang kakaibang nangyari maliban sa isang tagpo na tumatak sa isip ko.

Magtatatlong buwan na  ang nakalipas buhat nang umalis ako ng Pinas.  Ganoon din kahaba ang panahon na ‘di ko nakita ang isang taong napakaimportante sa akin. Siya ay masasabi kong minahal ko nang lubusan. Minahal higit pa sa aking sarili. Alam niya ‘yon.

Ngunit dumating ang punto na kailangan kong magdesisyon. Desisyon na alam kong magbabago sa buhay naming dalawa. Mahirap. Masakit. Kailangang magsakripisyo. Tiwala at pagmamahal lamang ang pinanghahawakan sa isa’t-isa.

“Babe, gusto kong mag-abroad”.

“Ha? Seryoso ka, babe?  ‘Di nga.”

“Oo, seryoso.  Mukha ba akong clown ngayon?”

“’Di naman. Pinag-isipan mo na ba yan? Paano na ako? Paano na tayo?”

“Oo, napag-isipan ko na. Alam mo naman sitwasyon ko, ‘di ba? Kailangan ko munang tulungan ang pamilya ko.  At para na rin sa atin ‘to. Alam kong kaya natin ‘to.”

Tumulo na lang ang kanyang luha.

‘Mahal na mahal kita, babe. Masakit at ‘di ko alam paano ihandle ang ganitong sitwasyon; bueno alam kong makabubuti ‘to para sa ating lahat. Hihintayin kita, babe.”

“Salamat, babe. Mahal na mahal din kita. Masasanay din tayo. Basta dapat may komunikasyon tayo lagi. Walang bibitiw, babe, ha.”

Pilit ko pinipigilang umiyak. Ayaw kong ipakita sa kanya na para bang ‘di ko kayang panindigan ang desisyon ko. Oo, sobrang sakit ang tagpong iyon lalo na sa kanya.   Alam kong parte lang ng buhay ang pagsubok at handa akong harapin ‘yon.

Dumating ang araw na kailangan ko nang lumisan. Isang pinakamalungkot na araw sa aming buhay.   ‘Di ako makatitig sa kanya nang diretso. Ayaw ko makita sayang nahihirapan dahil sa desisyong alam kong medyo unfair sa kanya.

Ngayon nga ay ‘di ko na siya kasama. Lagi naming itinatanong sa isa’t-isa kung KAYA pa namin.   Kung OKAY lang ba kami.   At lagi naming sagot ay OO.

Bigla akong napahinto sa aking paggunita. Tumambad kasi sa akin ang isang link mula sa isang kaibigan.  May titulong “THE RUDE PASSENGER”. Isang eksena sa LRT station sa pagitan ng isang pasahero at babaeng security guard.  Pinanood ko upang malaman ang buong istorya.

Napagkumpara ko ang mga pangyayari sa buhay ko at ang laman ng vidyo.

Ako din pala ay dapat magtanong ng AMALAYER?

Kasi sa tatlong buwan na lagi akong tinanatong kung OKAY LANG AKO. Ang sagot ko ay OO.

Pero ang totoo – HINDI.

About remarkjombee

a son, a brother, a friend and a registered accountant who wishes everyone to have nothing but LOVE in their hearts.