Ama Namin

Praying intently / the man communes with his God / desperate for his love

Tumutunog ang kampana, senyales na mgsisimula na ang misa. Sakto at nagkakantahan pa lamang ang koro ng pambungad na awitin habang ang pari ay naglalakad pa lamang ng marahan patungo sa altar. Sinabayan ko sila sa balkonahe ng simbahan patungo sa mga unahang upuan, kung saan ninanais kong umupo at pumwesto ng sa gayon marinig ko ng maigi ang sermon at misa ng pari. Gayundin upang paniwalain ko ang sarili ko na mas malapit sa altar siguro ay mas maririnig NIYA ng mas malinaw ang aking mga dasal.

Habang nagsisimula ang pari sa kanyang panimulang mga talata, ay siya namang ikot ng aking ulo sa  mga taong aking nakasalamuha ngayon na sabay sabay nagsisimba. Kaming lahat ay naririto, nagkakaisa sa layunin upang magbigay pugay at pasasalamat sa KANYA subalit hindi mawala sa isip ko  na heto nga kami nagsisimba at handang makinig ng misa, ngunit sa kung paano kami ay magkakaiba ng pananamit, ng ayos ng buhok, meron pang iba na umpisa pa lang eh, napipikit na ang mata, at meron din todo bigay sa pagbirit habang sumasabay sa awit ng koro, ay siya ding magkakaiba ang bawat dalangin namin at hinaing sa KANYA.

Sa pagsimula ng sermon ng pari, ay siya ring pagsimula ng aking pagdarasal.  Sa kung paano ang iba ay tahimik na nakikinig, ay siya namang pagtakbo ng utak ko at pagkausap sa KANYA. Sa pagkakataong ito hindi ko pinoproblema ang ekonomiya ng Pilipinas o ang digmaan sa Marawi. Hindi ko pinagdarasal ang world peace o ang pagbabagong buhay ng mga pari na napapariwara . Isa lang naman ang problema ko, ang dahilan ng pagdarasal ko…

“Panginoon, unang una po sa lahat nagpapasalamat po ako sa mga biyayang aking natatanggap. Sa panibagong araw na inyong ipinagkaloob sa akin. Patawarin nyo po ako sa aking mga kasalanan. Sa kabila ng paulit-ulit ko pong paggawa eh, sana po mapatawad nyo po ako, at inyong tulungan upang hindi na muling makagawa ng mga bagay na magpapasama ng loob ninyo.

Panginoon, sa araw-araw ko pong pagdarasal eh, paulit-ulit nalang po ang aking kahiligan. Hindi pa rin po ako nagsasawang hilingin ang mga ito. Higit na lalo ang paghiling ko sa inyo, na sana dumating yung panahong mahalin nya din ako.  Dinarasal ko po ito, kahit na alam kong, bago ko pa ito sabihin sa inyo eh alam nyo na po ang nararamdaman ko. Subalit sinabi ko na rin po mula sa bibig ko dahil baka po s a milyon-milyong taong nananalangin sa inyo eh, hindi nyo napansin na minamahal ko pala siya, na may pagtingin ako sa kanya kung kaya hindi nyo po siya naibibigay sa akin.

Unang –una po alam kong magulo ang pinasok kong sitwasyon. Meron po siyang karelasyon sa ngayon, subalit hindi po yun dahilan para hindi ko siya mahalin. Umaasa po akong darating ang panahong makikita nya din ang pagmamahal na inaalay ko sa kanya. Tulad po ng sa kung paano ninyo kami minamahal. Sa kabila ng pagmamahal namin sa mga makamundong mga bagay; pera, karangyaan, kapangyarihan, hindi nyo pa rin po kami sinusukuang mahalin. Ay siya rin pong hindi ko pagsuko sa nararamdaman ko sa kanya.  Na sa kabila ng lahat, umaasa pa rin po akong darating ang panahong makikita nya din ako at mamahalin

Hindi po ako ganun kasamang tao para hilingin sa inyo na sana magbreak po sila para magkaroon ng tyansa na mahalin nya rin ako. Dahil alam ko pong hindi sa ganyang paraan kayo gumawa ng milagro.  Kung kaya ang hiniling ko lang po ay sana bigyan nyo po ako ng mahabang pasensya para antayin ang panahong matutunan nya din akong mahalin.

Sa ngayon po, hinihiling ko rin na sana, palagi nyo po siyang bantayan at proteksyunan. Ilayo nyo po siya sa mga bagay na makapagdudulot ng masama sa buhay nya. Ilayo nyo po siya sa panganib. Gabayan nyo po siya at huwag po ninyong pababayaan.  Mahal na mahal ko po siya Panginoon.

Naniniwala po akong, pinagtagpo ninyo kaming dalawa, subalit hindi ko po alam kung pinagtagpo niyo po kami para magkasama o para may matutunan lang sa isa’t isa. Pero sa kabila po ng kung ano mang dahilan iyon. Pinananalangin ko pa rin po na sana ipagkaloob po ninyo kami sa isa’t isa para magmahalan.

Sabi  po  ninyo “whatever you ask in prayer, you will receive, if you have faith.” Kung kaya eto po ako pinanghahawakan ang sinabi ninyo. Umaasa na mapakikinggan ninyo ang aking panalanging dumating yung panahon para kami ay magmahalan.”

Panginoon, kung dumating man po ang panahong inaasam ko at pinapangarap, pinapangako ko po sa inyo na mamahalin ko po siya at aalagaan. Araw- araw ko pong ipararamdam sa kanya na siya ay mahalaga sa akin, at biyaya ninyo sa akin. Kung dumating man po ang araw na iyon, ihaharap ko po sya sa inyo upang inyo kaming basbasan para sa habang buhay na pagmamahalan.”

Tanaw ko ang aking mga katabi nang bigla silang nagsitayuan sa kanilang mga upuan, tapos na pala ang sermon ng pari. Bigla na rin akong tumayo at sumabay ng bigkas ng apostles creed. Maya’t maya pa ay nagbigkas na ang pari ng “sabay sabay nating bigkasin ang panalanging turo ni Kristo sa atin”

Parang koro ang mga tao sabay sabay nagkakaisa sa pagbigkas ng “AMA NAMIN: Our Father, Thou Art in Heaven, Hollowed be Thy Name. Thy kingdom come, Thy will be done…”

Oo nga, napagtanto ko, turo nga pala ni Hesus ay ipagpaubaya sa Diyos Ama kung ano man ang  kanyang plano para sa atin.  Huwag natin siyang pangungunahan, at tayo’y nakakatiyak na ibibigay niya kung ano man ang makabubuti para sa atin.

Bago pa magsimula ang komunyon, nagpahabol ako ng dasal:

“Panginoon,  pasensya na po sa napaka-selfish kong dasal kanina. Salamat po at binigyan ninyo ng linaw ang aking pag-iisip. Na kayo po ay may greater plan para sa akin at sa kanya.  Kung saka-sakali man pong hindi siya ang inilaan ninyo para sa akin, sana po, bigyan nyo ako ng kakayahan upang ako’y makapag-move on.  At pinapanalangin ko na rin po na sana siya ay alagaan ng taong inilaan mo para sa kanya ng higit pa sa pagmamahal na iniaalay ko sa kanya.”

“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santo.” Sabay senyas ng tanda ng Krus. Alinsunod sa turo ng banal na simbahang Romano Katolika. -end

 

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.