Alkansyang Baboy

Mahigpit ang pagkakayapos ni Pinang sa kanyang alakansyang baboy habang humagulgol ng takbo sa madilim at makipot na eskinita. Hinabol kasi siya ng mga baranggay kagawad nila.

Bakit nga ba siya hinahabol ng mga kagawad? Umatras tayo ng ilang hakbang sa ating kuwento.

Si Pinang ay siyam na taong gulang, naglalako ng sampaguita sa daan daan, sa mga humihintong sasakyan at maging sa simbahan sa kanila. Ang kanyang ina ay may TB at ulila na siya sa ama. Nag iisang anak lamang siya kaya sa murang edad niya ay namulat na siya maagang pagbabanat ng buto. Kusa na siyang nagtrabaho upang mabuhay silang mag ina.piggy-bank1

Bata pa lamang siya ay namulat na siya sa kahalagahan ng pag iimpok. Nasa edad na pito siya ng magsimula siyang mag ipon at ito ay nag simula ng minsan sa kanyang paglalako ng sampaguita ay nakita niya ang tinitindang babasaging alakansyang baboy sa bangketa.

Mula sa tagpong iyon sumagi sa kanyang isip ang tagubilin ng kanyang ina na pag iimpok at mula rin tagpong iyon napagpasyahan niyang bilhin ang alakansyang baboy at magsimula ng mag ipon.

“Mag iipon ako para kay Inay, para pang pangpagamot niya, para makakain kami ng masarap sa birthday niya at sa pasko.”

heto ang mga kataga ni Pinang na ang pag iipon niya ay tanging inaalay lamang niya sa kanyang ina.

Dugo at pawis, hirap at sakripisyo ang naging puhunan niya sa bawat pag bebenta niya ng sampaguita. Masaya na siyang maka tabi ng limang piso paminsan minsan upang may ma ihulog sa alakansyang baboy at ito ay kung maganda ang bentahan niya ng sampaguita.

Madalas ay bitbit ni Pinang ang alakansyang baboy habang siya nagtitinda. Madalas kasi ang nakawan sa kanilang lugar na kahit ultimong kakarampot ng pera ay hindi papatawarin. Matagal tagal na rin niyang binusalan ng barya ang kanyang alakansyang baboy kaya hinding hindi siya makakapayag manakaw o makuha ito ninuman. Para sa kanyang inay ito kaya iingatan niya itong mabuti at sa kanyang kamay ay ligtas ito.

“Ginabi na ako ng husto, kailangan ko nga palang magpunta sa baranggay para iabot kay Chairman ang sampaguitang order niya para sa pamisa niya sa mga santo niya bukas.”

kakatok na sana siya ng pinto ng marinig niya ay usapan sa loob ng opisina ni Chairman kausap ang kanyang mga kagawad.

“O mga bata, paldo na naman tayo dahil nandito na ang budget natin. Hinay hinay lang sa pag gasta ah mga bata.”

“Yes Chairman” sagot ng mga kagawad. At sila ay nagtawanan. Tawa ng mga animoy mga buwaya.

Sa pagbukas ng pinto ni Chairman nagulat siya ng makita si Pinang.

“Ka… Ka… Kanina ka pa dyan Pinang?” tanong ni Chairman kay Pinang.

“Hindi po Chairman kararating ko lang po.”

“Narinig mo ba ang pinag uusapan namin.”

“Ang alin po?”

“Ah wala! Akin na ang sampaguita at makakaalis ka na!”

inabot ni Pinang ang sampaguita at siya ay nag mamadaling umalis.

Habang naglalakad papauwi sa kanila maraming bagay ang gumugulo sa kanyang isip.

Hindi lang pala isang tsimis ang kumakalat sa aming lugar tungkol sa nawawalang pondo ng aming baranggay. Totoo palang nawawala ito at ninanakaw pala ito nila Chairman. Kaya pala walang maipakitang gamot sa aming health center dahil sa pagnanakaw nila. Marahil kung hindi nangyari ito hindi maghihirap ang kalugar ko pati na si Inay dahil makakainom siya ng gamot.

Padaan na siya ng eskinita ng maramdaman niyang may sumsunod sa kanya. Ang mga kagawad ni Chairman. Kumaripas ng takbo si Pinang dahil alam niya ang pakay ng mga kagawad.

“Huminto ka! Huminto ka!” sigaw ng mga tanod habang hinahabol si Pinang sa madilim at makipot na daan. Wala ng tao dun kaya kahit mag sisigaw sila ay walang makakarinig.

Takbo pa din ng takbo si Pinang akap akap ang alakansyang baboy. Halos magkadulas dulas na siya kakatakbo. Hanggang sa masubsob siya at mabitawan ang alakansyang baboy. Ito ay nabasag kaya nagkalat ang mga barya kanyang inipon.

Dali dali niya itong pinagdadampot habang umiiyak na ang tanging nasa kanyang isip ay kanyang ina.

Isang malakas na hampas ang dumapo sa likod ni Pinang.

Pak! Pak! Pak!

“Kailangan mo ng manahimik para hindi mabulgar ang aming sikreto” pagkabigkas nito ng isa sa mga kagawad ay isa uling palo sa likod ni Pinang ang dumapo sa kanya na nagpahadusay sa kanya sa lupa.

Habang nakahandusay si Pinang ay pilit siyang gumagapang para damputin ang mga sumabog na barya mula sa kanyang nabasag na alakansyang baboy habang sinasabi ang mga salitang ito…..

“Mga magnanakaw kayo! Mga magnanakaw kayo! Mga magnanakaw kayo!” paulit ulit na sigaw ni Pinang na tuloy sa pag gapang habang ang mga kagawad naman ay pagpatuloy ang paghampas gamit ang yantok sa likod ni Pinang.

“Sorry utos lang ni Chairman”

PAK!

isang napakalakas na hampas sa ulo ang tumapos sa buhay ni Pinang matapos ang huling katagang iyon na binitawan ng isa sa mga kagawad ni Chairman. At ng malagutan na ng hininga si Pinang may iniwang karatula ang isa sa mga tanod, pinatong sa duguang katawan ni Pinang.

HUWAG PAMARISAN ANG MAGNANAKAW NA ITO!

at sila ay umalis habang si Pinang ay nakahandusay sa madilim na eskinita, wala ng buhay, hawak hawak sa kanyang kaliwang kamay ang mga baryang sumabog sa alakansyang baboy. Mga baryang pinaghirapan niya ng matagal tagal.

At ang buhay ni Pinang ay nagwakas sa isang iglap sa kamay ng mga kawatan, nagwakas dahil sa mga ganid, mga suwapang sa pera, mga nagpapasasa sa pinaghirapan ng iba. Sila ang mga totoong alakansyang baboy na bumubusal ng pera, perang hindi kanila, perang ninanakaw nila sa kaban ng bayan na pinaghirapang tulad ni Pinang na mumuhunan ng dugo’t pawis alang alang sa kanyang ina.

About x