#AlDub

aldubTipikal na araw lang iyon para sa regular na segment na All For Juan, Juan For All Bayanihan of the People ng longest running noon time show na Eat Bulaga nang mahagip ng kamera si Alden Richards habang nagniningning ang mga matang nakatitig kay Yaya Dub.
Si Yaya Dub o Maine Mendoza sa tunay na buhay ay isang tipikal na kabataan lamang na sumikat sa youtube mula sa kanyang pagdadumbsmash o ang panggagaya sa mga linya mula sa mga personalidad sa telebisyon. Ang AlDub ay mula naman sa pinagsamang pangalan nina (Al)den at Yaya (Dub). Nagsilbi itong simbulo sa pagbubukluran o relasyon ng dalawa.
Napansin agad ni Joey de Leon ang kanilang kakaibang chemistry kaya mula roo’y nagsimula ang karera nina Yaya Dub at Alden bilang mga love team. Nagkaroon sila ng parte sa All For Juan, Juan For All Bayanihan of the People na tinawag namang Kalyeserye.
Bukod kina Alden at Yaya Dub, kabilang din sa Kalyeserye ang tatlong Lola na sina Lola Nidora (ginagampanan ni Wally Bayola), Lola Tinidora (ginagampanan ni Paolo Ballesteros) at Lola Tidora (ginagampanan naman ni Jose Manalo). Tulad sa isang palasak na kuwento ng pag-ibig, ang tatlong Lola ang nagsilbing kontrabida sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub.
Sa loob ng maikling panahon, umani ng mga papuri ang Kalyeserye mula sa mga kababayan natin dito sa Pilipinas lalo na sa mga OFW. Social media ang naging lunsaran ng mga tagahanga ng Kalyeserye upang ipahayag ang kanilang mga saloobin at makibalita sa mga susunod na kabanata sa kuwento ng pag-iibigan nina Yaya Dub at Alden.
Likas na sa ating mga Pilipino ang paghanga sa mga love teams, muli itong ipinakita ng mga Pilipino sa paghanga sa AlDub. Tumingkad ito nang magkaroon ng nakabibilid na milyun-milyong mga tweets ang mga pakulo ng Kalyeserye. Lalo pa itong nagningning nang punuin ng AlDub ang mga mall shows at magkaroon ng mga kabi-kabilang endorsements.
Sa loob lamang ng limang buwan, nagkaroon ng parte sa prestihiyosong Philippine Walk of fame ang AlDub; isang pagkilalang iginagawad sa mga personalidad sa showbiz na nagkaroon ng malaking ambag sa industriya.
Penomenal ang nagawa ng AlDub sa industriya ng showbiz; ang industiya ngayon kung saan dominante ang mga banyagang panoorin tulad ng mga Koreanobela, Chinobela at kung anu-ano pang mga panooring mula sa mga banyaga.
Ang Kalyeserye kung saan napanonood ang AlDub ay naging panawagan ng mga Pilipino sa kanilang pananawa sa mga panooring hindi sa atin. Mga panooring pinagsawaan na rin ng mga banyaga. Nagustuhan ng mga Pilipino ang Kalyeserye dahil tunay na mga Pilipino ang mga gumaganap, hindi mga banyaga, tunay na nagsasalita ng ating wika hindi dub lang at tunay na mga mukhang Pinoy ang kanilang mga nakikita.
Wala namang bago sa istorya ng Kalyeserye, tipikal na kuwento lang din ito ng mga nag-iibigan na pinipigilan ng mga taong nakapaligid sa kanila. Pinipigilan ang pag-iibigan ng dalawa di lamang sa usapin na matatanda na ang tatlong Lola at wala na silang makakasama, hindi rin ito dahil sa hindi nila naranasan ang magmahal at mahalin.
Ang Kalyeserye ay paggiit sa kultura ng mga Pilipino hinggil sa pagpasok sa relasyon, sa pamiya at pakikitungo sa kapwa. Ipinakita ito ng Kalyeserye sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpapaalala ng mga Lola kay Yaya Dub na wag basta-basta maniwala sa mga matatamis na salita, na wag basta-basta pakukuha sa patxt-txt, palike-like at kung anu-ano pang mga bagong pakulo ng mga makabagong kabataan. Matingkad itong ipinakita ng segment sa karakter ni Wally Bayola na Lola Nidora.
Tinangkilik din ang Kalyeseyre dahil sa pagpapatawa ng mga Lola. Nakadagdag sa kanilang pagpapatawa ang pagkaalam ng mga manonood na hindi sila mga tunay na babae o mga transgender na nagdadamit ng mga pangmatanda at minsan pa nga’y mga damit pangdalaga.
Pinanonood ang AlDub dahil sa ibang atake sa pagpapatawa ng tatlong Lola lalo na ni Wally Bayola. Pagpapatawang di na rin bago. Aminado si Wally na ang kanyang karakter ay reimbensyon niya sa mga kontrabidang sina Bella Flores at Jacklyn Jose.
Patok na patok ang Kalyeserye lalo na sa mga kababayan nating mga OFW. Sila ang mga nagpapaulan ng mga milyun-milyong tweets at like sa facebook. Patok sa kanila ito dahil sa konsepto ng magkalayong pag-iibigan. Nakikita ng mga kababayan nating mga OFW ang kanilang mga sarili kina Alden at Yaya Dub na hindi makapagpahayag ng kanilang mga nadarama sa kanilang mga minamahal dahil sa layo nila sa isa’t isa.
Pinanonood ito ng mga OFW dahil ipinakikita ng Kalyeserye ang mga kaugalian ng mga Pinoy; mga kaugalian tulad ng sa pagkikipagrelasyon, sa pagpapamilya at pakikitungo sa kapwa.
Kapag nakapanonood ang mga kababayan nating mga OFW ng Kalyeserye, tila nagagawa at nasasabi na rin nila ang kanilang mga nais sabihin sa kanilang mga minamahal na malayo sa kanila. Kapag nanonood ng Kalyeserye ang mga kababayan nating OFW, para na rin silang nasa Pilipinas. Naigigiit nila ang kanilang pagiging Pilipino at pagmamahal sa ating bansa.
Ang AlDub ay di lamang palabas sa telebisyon, itinatanghal nito ang pagiging Pilipino natin. Selebrasyon ito ng ating paggiit sa pambansang pagkakakilanlan na pilit binubura ng mga banyaga.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.