Alamin ang mga lugar sa ibang bansa na ipinangalan sa ilang Filipino

Image from Freepik

Malaking parte ng mga lugar dito sa Pilipinas ang nakapangalan base sa mga tanyag na Filipino tulad ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), Quezon City, Bonifacio Global City, Lapu-lapu City, at marami pang iba.

Ngunit sa iba’t ibang panig ng mundo, mayroon ding mga kalye, monumento, at estatwa na nakapangalan sa mga Filipino na naging kilala sa lugar na iyon.

May mga monumento ni Rizal sa Japan, Belgium, Andorra, at Estados Unidos. Sa California naman ay may street na nakapangalan kina Lapu-Lapu, Bonifacio, at Tandang Sora.

Habang sa Korea naman ay may nakatayong mataas na Philippine Monument bilang pagpaparangal sa katapangan ng bansa noong Korean War.

Ang mga lugar at monumento na ito ay ipinangalan sa mga bayaning Filipino na nakipaglaban para sa kalayaan.

Ngunit mayroon ding mga ilang Filipino personalities na nakilala sa ibang larangan na pinarangalan sa ibang bansa sa parehong paraan.

Victoria Manalo Draves Park

Noong 2006, isang two-acre park ang itinayo sa San Francisco sa California na mayroong natatanging pangalan na Filipino, ang Victoria Manalo Draves Park.

Image from Google Maps

Ang park na ito ay ipinangalan sa unang Filipino-American na nakipag kompitensiya sa Olympic Games sa London noong 1948.

Ito ay si Victoria Manalo Draves, anak nina Teofilo Manalo mula sa Bataan at Gertrude Taylor na isang Englishwoman.

Nakakuha si Victoria ng dalawang gold medals sa springboard at platform diving — ang unang babae na nakatanggap ng parangal na iyon.

Itinayo ang park sa lugar kung saan dating nakatayo ang eskuwelahan na pinasukan ni Victoria, ang Franklin Elementary School.

Pilita Street

Image from Google Maps

Sa Australia unang naging tanyag at sumikat ang singer na si Pilita Corales noong 1959.

Nakapagtanghal siya sa Sydney, Darwin, at Melbourne kasama ang actor-magician na si John Calvert.

Naging instant hit si Pilita noong lumabas siya sa mga television shows sa Australia dahil na rin sa mga kanta niyang Filipino, Spanish, at English.

Nagkaroon siya ng kontrata sa Astor Records kung saan mas lalo siyang nakilala at naging unang female recording star sa Australia na naka-score ng hit sa pop charts dahil sa kanta niyang “Come Close to Me.”

Dahil sa kaniyang mga naging tagumpay at kasikatan, ipinangalan kay Pilita ang isang kalye sa Forest Hill District sa Victoria, Australia noong 1970s.