Alaala

Alaala (Photo Credit: workingwomenaustralia.com.au)
Alaala (Photo Credit: workingwomenaustralia.com.au)
Alaala (Photo Credit: workingwomenaustralia.com.au)

5:00 am

Nakita ko na naman si Mama, abala sa pagluluto ng aming almusal. Kasabay ng paghimig nang hindi sakto, subalit may pagpupursiging bigyan ng kahulugan ang isang musikang nagtataglay ng magandang melodiya at damdamin.

Sa kabilang banda, naroroon si Papa; namamalantsa. Humihimig ng isang kundimang paulit-ulit ding naglalaro sa aking kamalayan.

Tuwing umaga, ganoon ang naririnig ko; magkakaibang himig, ngunit pare-pareho ang nais ipahiwatig – PAG-IBIG.

6:30 am

Sama-sama kaming nakaupo sa hapag-kainan, ako naman ang magdarasal. Kahit kaunting almusal lamang ang aming kakainin, masaya naming pinagsasaluhan ang pagkaing biyaya ng Panginoon. Madalas magkuwento sina Mama at Papa tungkol sa kanilang kabataan. Madalas din nila akong paalalahanan. Ako naman, tagapakinig lang. Parati nilang kinukumusta ang aking pag-aaral, sana raw ay nag-aaral akong mabuti.

7:00 am

Inaasikaso na ako ni Papa, ibinigay na niya ang plantyado kong yuniporme. Si Mama naman, ipinaggagayak na ako ng aking baon sa eskwela. Pareho silang may malaking papel na ginagampanan sa buhay ko, pareho silang mahalaga.

7:30 am

Magkasabay na kami ni Papang umalis ng bahay. Siya ay papasok na sa trabaho, ako naman ay sa iskuwela. Dinagdagan na naman niya ng kaunting barya ang aking baon.  Salamat, Papa.

8:00 am

Simula na ng klase namin, mag-uumpisa na ang oras na tanging sarili ko lamang ang laging naiisip. Kung paano umiwas sa galit ni teacher, kung kailan dapat sumagot sa tanong, kung paano ipasa ang pagsusulit, kung kailan dapat makipaglaro, at kung paano makisama sa mga bagong nakasasalamuha. Sa madaling sabi, abala ako sa eskwela. Sina Mama at Papa? hindi ko alam, siguro’y abala rin.

11:30 am

Naghihintay na ako sa labas ng paaralan sa pagdating ni Mama; siya kasi lagi ang sumusundo sa akin tuwing uwian. Lagi niya akong inuunahang bitbitin ang mabigat kong bag, hahawakan niya ako sa likod, at sasabihin niyang “basang-basa ka na naman ng pawis”. Medyo pagalit niya iyong binibigkas, sa tonong alalang-alala na baka magkasakit ako dahil sa sarili kong kapabayaan.

Pupunasin niya ang pawis ko, lalagyan niya ako ng bimpo sa likod, at pupulbuhan ang buong katawan. Pagkatapos niyang gawin ang lahat nang iyon, yayayain na niya akong umuwi. Ako naman, hihilahin ko muna siya sa tindahan upang bumili ng palamig. Wala siyang magawa kundi pagbigyan ako, dahil mahal niya ako.

12:00 noon

Kami lang ni Mama ang magkasabay na magtatanghalian, mamaya pa kasing ala-sais ang uwi ni Papa. Pagkatapos naming kumain, agad na akong lalabas ng bahay upang makipaglaro sa aking mga kalaro. Pagagalitan naman ako ni Mama, laro daw lagi ang nasa isip ko. Magmumukmok ako sa kuwarto dahil hindi niya ako napagbigyan, lalapit siya sa akin at ipaliliwanag ang dahilan kung bakit niya ako pinagbabawalan. Hindi ko naiintindihan, pero lagi niyang sinasabi na “maiintindihan mo rin ang lahat paglaki mo.”

1:00 pm

Patutulugin na naman ako ni Mama.  Ito ang pinakaayaw ko sa lahat; ang matulog sa tanghali. Para sa akin kasi, ito na lang sana ang libreng oras ko para gawin ang mga bagay na gusto ko, tapos pagbabawalan pa ako.

4:00 pm

Paggising ko, may merienda nang nakalatag sa aming mesa: tinapay, pansit canton at juice. Ipinagluto na naman ako ni Mama, alam niya kasing gutom ako paggising ko.

4:30 pm

Pinayagan na ako ni Mama na lumabas ng bahay, maaari na akong maglaro.

5:00 pm

Tinatawag na agad ako ni Mama upang pumasok sa bahay, at maglinis ng katawan, parating na raw kasi si Papa maya-maya lang. Ako naman si matigas ang ulo, hindi ko siya susundin. Magbibingi-bingihan na lang ako. Patuloy pa rin akong magtatatakbo sa labas, upang langhapin ang simoy ng aking pagkabata. Kahit ilang ulit ko nang narinig ang pangalan ko na winiwika ni Mama, deadma lang, nag-eenjoy pa ako.

6:00 pm

May tumigil na jeep sa tapat ng bahay namin, alam kong si papa na iyon. Mabilis akong tumakbo upang umuwi; alam ko kasing pagagalitan ako ni Papa kapag nakita niya ang aking hitsura. Pero sa halip na magalit siya, kinarga niya ako.

“Basang-basa ka ng pawis, ang baho mo na”, sabay amoy sa kili-kili ko. Tawa na lang ako nang tawa dahil nakikiliti ako. Pumasok na kami ni Papa sa bahay, sinalubong kami ni Mama ng isang ngiti. Humalik si Papa kay Mama.

6:30 pm

Sabay-sabay na naman kaming kakain ng hapunan, may dalang ulam si Papa; paborito ko. Ako ulit ang magdarasal.

Muling kinumusta ni Papa ang aking pag-aaral.

“Perfect score ako, Papa”, pagmamalaki ko. Kinuha ko ang aking test paper bilang patunay sa aking sinasabi. Ginulo ni Papa ang buhok ko, na ang ibig sabihin ay proud siya sa akin.

7:00 pm

Binuksan ko ang aking bag, ipinakita ko sa kanila ang aking mga takdang-aralin. Tinulungan nila akong gawin iyon, itinuro ang tamang sagot, at ipinaliwanag kung bakit at paano. Salamat kina Mama at Papa, dahil sa gabay nila, mabilis kong naintindihan at natapos ang aking assignments.

8:00 pm

Sabay-sabay kaming nanood ng tv, kalahating oras lang daw kaming manonood dahil maaga pa ang pasok ko bukas. Hay! Sana makapanood naman ako nang mahaba-haba, para hindi bitin. Ang higpit nina Mama pagdating sa oras. Pero sabi ni Papa, kapag wala raw akong pasok kinabukasan, maaari daw akong magpuyat. Sige na nga.

8:30 pm

Hinatid na ako ni Mama sa kuwarto, matutulog na raw ako. Kahit medyo nagtatampo ako, sinunod ko na lang sila. Pero ilang saglit lang, paghiga ko, pumasok na rin si Papa. tinabihan nila ako sa kama, nasa gitna nila akong dalawa. kaunting kuwentuhan, at kulitan, mayroon ding malalakas na tawanan. Nang naubusan na kami ng mapag-uusapan, niyakap nila akong dalawa. Ngumiti ako saglit at pumikit.

__________________________________________________________________________________________________________

12:00 midnight sa kasalukuyan

Soot ang itim na damit, hawak ang isang basong tubig, nilibot ko ang buong bahay namin: kuwarto, sala, kusina at cr. lumabas din ako ng bahay, nilanghap ko ang malamig na simoy ng hangin. Kahit saang sulok nakikita ko sina Mama at Papa, nagluluto, namamalantya, naglalaba, naglilinis ng bahay, naghuhugas ng plato, nagagalit, pinagsasabihan ako, inaalalayan, pinatatawa, kinukulit, masaya sila ni Papa, masaya kaming tatlo, nakangiti, magkakasama, nagmamahalan. Kahit saang sulok, nananariwa pa rin ang nakaraan, ang aking kabataan, ang aking mga magulang.

Ilang taon nang wala sina Mama at Papa, hanggang ngayon, hindi pa rin ako sanay nang wala sila, nangungulila pa rin ako sa kanila. Siguro’y nasanay na lang ako na laging nandiyan sila. Nakatatak pa rin sa aking puso’t isipan ang laki ng naging papel nila sa buhay ko. Sila ang nagsilbing lungkot at ligaya ko, ang pinakamagaling na guro sa aking kabataan. Lahat ng turo nila’y tinandaan ko, lahat ng pangaral at paalala’y inaalala ko, lahat ng payo nila ang nagsilbing gabay ko. Kaya kahit wala na sila ngayon sa piling ko, ang kanilang mga salita ang nagsasabi at nagpapanatili sa kanila sa piling ko.

Ngayong isa na rin akong ina at may sariling pamilya, panahon na siguro upang ipagkaloob sa kanila ang aking natutunan sa aking mga magulang. Ipararanas ko sa kanila ang tunay na kahulugan ng isang pamilya. Ang tunay na pag-ibig ng isang ina.

Mag-aalas kuwatro na ng madaling araw, hindi pa rin ako makatulog dahil sa pag-iisip. Hindi ko na namalayan ang biglaang pagpatak ng aking luha. Naaalala ko na naman ang kanilang tinig, ang kanilang awit at himig. Kaya ngayon, ako naman ang aawit.

Back when I was a child
Before life removed all the innocence
My father would lift me high
And dance with my mother and me
And then
Spin me around ’till I fell asleep
Then up the stairs he would carry me
And I knew for sure
I was loved

If I could get another chance
Another walk
Another dance with him
I’d play a song that would never ever end
How I’d love love love
To dance with my father again.

Pumasok na ako ng kuwarto, tinitigan ko ang aking asawa’t mga anak. “Thank you Lord sa isang bagong pamilya.”

Iingatan ka
Aalagaan ka
Sa puso ko ikaw ang pag-asa
Sa ‘ting mundo’y
May gagabay sa iyo
Ang alay ko’y itong pagmamahal ko
May nag mamahal aakay sa iyo
Aking inay ikaw ang nagbigay
Ng Buhay ko
Buhay na kay ganda
Pangarap ko na makamtan ko na.

Pahabol : Ang kuwentong ito ay kathang-isip lamang, ito ay pagpapakita lamang ng kahalagahan ng isang pamilya, kahalagahan ng magulang sa anak at ng anak sa magulang. Maraming salamat po.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.