Ako si Juana, Wa na Silbi, Wa na Nagmamahal!

woman-70-years-old-evicted
Photocredit: thewe.cc

Ako si Juana, 55 taong gulang at dating OFW.

Lumaki ako sa paniniwala ng aking mga magulang na ang mga babae ay hindi na kailangan pang magsikap sa pag-aaral dahil mag-aasawa rin naman pagdating ng araw; kaya wala akong maipagmamalaki sa buhay maliban sa aking kabutihang loob.

Nakapag-asawa ako at nagkaroon ng tatlong anak. Dalawang babae at isang lalaki. Ipinangako ko sa aking sarili na sila’y hindi lalaki na katulad kong walang natapos kaya ninais kong sila’y bigyan ng magandang kinabukasan.

Naging OFW ako sa edad na bente-singko. Lima, tatlo at isang taong gulang pa lamang ang mga anak ko noon. Sabi ko sa aking sarili, mas mabuting bata pa lamang sila ay paghandaan na ang kanilang kinabukasan kaya naman ako’y pumayag sa alok ng kababata na mangibang bansa. Sa Saudi ang aking naging destinasyon.

Bagong dating pa lamang ako noon sa abroad nang biglang nagbago ang aking asawa. Minasama niya ang aking pag-alis, naghanap siya ng iba at iniwan sa aking mga magulang ang aming tatlong anak. Unang pagsubok na hindi ko alam kung paano ko nalagpasan dahil ako noon ay pinagmamalupitan pa ng aking amo. Hindi ko kasi naiintindihan kaagad ang kaniyang mga inuutos. Nawawala kasi ako paminsan-minsan sa sarili dahil sa aking pagkasabik sa aking mga anak.

Lumipas ang mga araw, nag-aaral na ang aking mga anak sa elementarya. Nauubos ang aking katiting na suweldo sa pagpapadala buwan buwan sapagkat ang mga kapatid ko ay nagrireklamo sa pagtira ng aking mga anak kasama ng aking mga magulang. Minsan, pati ang kapatid kong may sariling pamilya ay humihiram sa akin at hindi na ibinabalik. Ang katwiran niya, tulungan ko sila kahit papaano dahil nasa abroad naman ako at malaki naman ang suweldo ko.

Matagal-tagal bago ako umuwi sa Pinas. Tuwing ika-5 taon kung ako ay magbakasyon. Noong maliliit pa ang mga bata, nakikita kong kinikilala pa nila ako bilang kanilang ina ngunit sa aking pangalawang uwi at sila’y 15, 13 at 11 taon na, nararamdaman kong malayo ang kanilang loob sa akin. Umiiyak ako sa tabi sa tuwing ako’y kanilang dinadaan-daanan lamang sa pagpasok nila sa eskuwela. Para sa akin, okay lang dahil ito marahil ang kapalit ng aking paglayo sa kanila – ang paglayo rin ng kanilang kalooban sa akin.

Doble kayod ang aking ginawa sa araw-araw upang may maipadala sa amin. Nakakahiya mang aminin ngunit tumanda ako sa abroad na walang ipon. Lumaki na kasi ang pangangailangan ng pamilya ko at ang masakit pa, hindi nakatapos ang aking mga anak dahil maagang nagsi-asawa. Nawalan yata ng saysay ang aking pagsisikap para sa kanila. Ang inakala kong magbibigay ng magandang buhay sa amin ay ang magdudulot pala ng lalong pagkakawatak namin.

Namatay ang tatay kong hindi nakaranas ng kasaganahan sa buhay dahil kulang na kulang ang aking kakarampot na suweldo. Mabuti na lamang at ang aking mga amo’y naging mabait sa akin dahil nakita marahil nila ang aking sobrang pagtitiis. Pinayagan nila akong magkaroon ng day-off at hinayaang maglinis ng bahay ng kanilang kamag-anak kapalit ng kaunting halaga pandagdag sa aking kita.

Gusto ko na kasi tulungan ang nanay ko na nag-alaga ng kanyang mga apo habang wala ako. Siya na lamang ang aking aalagaan dahil ang asawa at mga anak ko ay kinalimutan na ako. Hindi nila nakita ang pagsasakripisyo ko sa kanila. Hindi nila alam kung gaano ako nagtiis aa paghahangad kong sila’y magkaroon ng magandang buhay.

Hindi alam ng aking mga mahal sa buhay na ako’y may karamdaman mula nang ang edad ko’y tumuntong sa kwarenta. Doon ko nalaman na mayroon akong sakit sa bato. Kinalaunan, nalaman kong ito pala ay sanhi ng sakit kong diabetes. Bawal na akong mapagod, kontrol na ang pagkain ko at dapat maingat sa aking trabaho.

Hindi ko inalintana ang aking karamdaman dahil nanghihinayang ako sa aking kikitain sa mga part-time kong trabaho. Kayod ako nang kayod upang makaipon. Nang makaipon, nagpatayo ng maliit na tindahan para kay inay ngunit naubos din ang laman dahil nang nalaman ng aking anak na lalaki, kinuha nito ang kita. Hinayaan ko na lamang ang aking anak dahil natatakot akong marinig kong muli ang kanyang panunumbat kung bakit nasira ang aming pamilya. Ang pag-alis ko raw kasi ang dahilan.

Kaya kong tiisin ang paghihirap sa ibang bansa para sa aking mga mahal sa buhay. Kahit na wala akong ipon kung nakikita kong masaya sila ay masaya na rin ako. Mali bang hindi ko sinabi sa kanila ang tunay na kalagyan ko? Hindi ba dapat, naiintindihan din nila ang aking paglayo? Mali bang maghangad ng magandang buhay para sa kanila? Mali bang tiisin ko ang lahat ng hirap upang mapasaya sila?

Siguro mali nga ako sa paniniwalang pagmamahal ang ginawa kong sobrang pagbibigay sa kanila. Mali nga marahil ang pagpadala ko sa kanila bawat buwan ng aking kabuuang suweldo kaya ako ay umuwing bigo nang biglaang pagkamatay ng aking ina.

Sa kanyang paglisan sa katandaan, naramdaman kong ako’y nanghihina na rin. Sa mahigit dalampung taong pagtatrabaho sa loob ng bahay, pagod na ang katawan ko. Siningil na ako ng aking sobrang pagbabanat ng buto sa ibang bansa. Ito ako ngayon, nag-iisa dahil wala na akong perang pinapadala sa aking mga anak at mga kapatid. Wala na akong silbi dahil mag-isa kong binubuhay ang aking sarili. Wala akong pera sa pagpapagamot ng sakit ko. Malala na pala ang aking diabetes at kailangan ko ng dialysis ngunit saan ako kukuha ng pantustos nito?

Wala na akong halaga para sa mga taong inalayan ko ng buong buhay ko. Sana bago ako lumisan sa mundong ito, marinig ko man lamang sa kanilang mga bibig ang salitang salamat kasabay ng yakap na hindi ko man lamang nakuha mula sa kanila.

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws