“Ako Lang Ba Ang Mag-isa?”

Ang pagsakay sa biyahe kung saan hindi mo alam ang patutunguhan ay masasabi kong parte ng pagpaparaya ng puso mong sinukuan na ang lahat – lahat ng sakit, pait at lungkot na dulot ng pagmamahal na napunta lang sa kawalan – kawalan ng gana, kawalan ng amor, kawalan ng kompiyansa para ipagpatuloy anuman ang naumpisahan ninyong dalawa.

Dati, sa pagkakaalala ko, dalawa pa tayong sakay sa dyipni, o bus, o motorsiklo, o pedicab. Dalawa pa tayong sabay baba at pupunta sa mga lugar na paborito nating puntahan. Sa simbahan. Sa parke. Kahit diyan lang sa tabi-tabi. Masaya, dahil kasama ka.

alone photo
Photo by Pexels (Pixabay)

Pero ngayon, mag-isa na lang ako. Walang kasama. Walang katabi. Walang kausap. Wala ring ka-chat. Nakatunganga. Ninanamnam ang pagiging mag-isa.

Pero ano naman ang masama sa pagiging ‘mag-isa’? Ano naman ang paki’ mo kung ang laging itinatanong sa ‘yo; “Bakit Single ka pa rin?”

“Bakit nga ba?”

Makatanong nga? Bakit nga ba laging big deal ang pagiging Single? Ako lang ba ang mag-isa? Hindi naman ‘ata. Ang katabi mo kanina sa dyipni, mag-isa rin. Bumaba ako sa eskina at may nakasalubong akong Ale, mag-isa rin. At habang binabagtas ko ang daan papunta sa amin, nakita ko kasamahan ko sa trabaho sa loob ng 7-Eleven, ‘ayun kumakain ng ice cream, mag-isa rin.

“Ang daming NAG-IISA. Nakakapagtakang hindi alam ng iba?” O, baka kapareho mo rin sila – pinagkaitan  ng tadhana na lubusang maging masaya, dahil  sa dating pag-ibig, siya ay kinawawa.                                                                 

“Bakit ganun?”      

Sa unang pagkikita, tinginan ay kay lagkit lagkit. Nang magkahiwalay, hindi na halos mapagdikit. Kahit isang sakong glue pa gamitin para pagdikitin ulit ang mga damdamin, pero mapupunta lang sa ganitong ending: “Hindi na kita kayang mahalin…”; “May iba na akong mahal.”; “Hanggang dito na lang…”; “Buntis siya…” at marami pang ibang alibi na ayaw mo nang marinig. Dahil nakakapanginig (ng kalamnan…Grrr!)

“Ahhh…’nimal ka…! Tanging maisisigaw mo na lang!” Sabay mapapailing. Akalain mo ‘yun?! Nagmahal ka ng isang animal? Masyadong garapal at pinagmukha pang kasalanan mo ang lahat kaya nawala ang kanyang pagmamahal?

Akala mo dumating na sa buhay mo ‘yung okay ka na, wala ka nang mahihiling pa. Akala mo ‘singtibay ka na ng Heritage Tree na lagi mong nadadaanan sa may bandang Liloan, anumang bagyong dumating, hindi ka na panghihinaan. Akala mo manhid ka na sa lahat ng sakit na puwede mong maramdaman, lalo na ‘yung sakit na tumatagos sa’yong puso at kalamnan, hindi kayang gamutin ng BiogesicAlaxan. ‘Yung klase ng sakit na nag-aalboroto, parang sasabog na Bulkang Mayon o Pinatubo! Akala mo hindi ka na apektado, pero ‘yung totoo, sasabog na ang mundo mo. Hindi lang ang mga mata mo ang hilam sa luha. Sa loob ng puso mo, bumabaha na rin lampas-ulo. Hindi ka na makahinga, sa maling akala.

“Masakit masaktan at mabigo. Lalo na ‘yung iparamdam sa’yo na wala kang ibang makakapitan kundi sarili mo.”

Ano ba ang naging kasalanan mo para saktan ka ng ganito? Nagmahal ka ng tapat, pero hindi pa rin sapat. At sa pagkakamali ng iba, lagi kang “may pagdadaanan.” Mapa-kaliwa man o kanan, harapan man o talikuran, wala kang kawala – Lagi pa ring may makulit na magtatanong sa’yo ng pauliut-ulit.

“Bakit Single ka pa rin? Ang lungkot  naman ng buhay mo.”

Bakit ikaw – masaya? Nakapag-asawa ka ngang maituturing, pero ikaw ba’y may “happy ending?” Hindi nga ba iniwan ka rin, ipinagpalit sa kabit? At ikaw naman, ‘Dong, ang lakas mong mang-alaska, nasaan na ngayon si Misis? ‘Di ba ipinagpalit ka rin sa mas bata at machong Papa?

Hindi lahat ng buhay may asawa, masaya.

Hindi rin lahat ng Single, malungkot.

“Ang buhay ay hindi natin dapat ibinabase sa tingin sa atin ng mga matang mapanghusga. Importante natuto tayo sa mga leksyong dala ng  masalimuot na buhay pag-ibig. At sa kabila ng pagkalugmok at  pagkabigo, pinili nating maging totoo sa ating mga sarili at muling hinarap ang ikot ng mundo ng walang takot.

alone photo
Photo by Pexels (Pixabay)

At sa iyong paglalakad, isa lang ang iyong hangad. Mapayapang buhay.  Masayang puso. Kompyansang isip. Hindi marunong mainip. Kahit dilat ang mga mata’y, nakatuon sa panaginip. Malay natin, kung saan ka papunta, makakasalubong mo na pala siya. Bigla na lang kayo mabubonggo. Sabay mahihilo. Sabay magkakatawanan,  hudyat ng umpisa patungo sa walang hanggang paalam?

Masyado pang maaga para managinip, pero hindi malayong mangyari. Dahil ang taong inilaan para sa ‘yo, kusang darating kahit hindi mo pa hintayin.

Single ka pa rin, dahil wala pa siya. Hindi pa nagku-krus ang inyong mga landas.                                                                  Darating man siya o hindi, Siya lang ang nakakaalam.

Pero, kapag lumingon ka, malay mo may mga mata palang kanina pa nakatingin sa ‘yo. Mga matang nagtatanong – Ikaw ba’y akin? O, ako’y iyo?                             

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420