“Ako Budoy!”

Hindi ako mahilig manood ng mga teleserye sa telebisyon dahil nasanay naman ako noong estudyante pa ako na walang telebisyon sa apartment. Medisina ang course ko kaya bawal ang kahit anong bagay na maghahati ng aking atensyon, at isa na dito ang telebisyon. Sa totoo lang, ayoko nung may mga sinusubaybayan kasi mahirap pag isang gabi mo lang na hindi napanood, parang huling huli ka na agad sa mga pangyayari. Kailangan mo pang tanungin kinabukasan ang mga kaibigan mo na nakapanood ng episode na yun. Ang isa pang problema, dahil abala pati ang mga kaklase ko sa pagaaral at sa pagsusunog ng kilay, hindi rin nila napapanood at hindi rin sila interesado sa mga teleserye. Nakakabitin tuloy kung sisimulan ko! Pero simula noong natapos na ako sa pag-aaral, hindi ko na pinalampas ang mga teleseryeng ito. Isa ko sa mga naadik na tagapanood na nagpupuyat, masubaybayan lang ang mga pangyayari sa mga teleseryeng ito. Isa sa mga paborito ko si Budoy.:)

Halos kakatapos lang ng palabas na to, napaisip na naman tuloy ako…

“Ako Budoy!” Hanggang sa pagtulog ko parang naririnig ko pa rin ang mga katagang ito. Parang paborito kong kanta na pinapakinggan kanina, yung kanta ng Dave Matthews na “Crash into me” at “Where are you going”, na LSS ata ako. Kahit binabasa ko pa lang ngayon ang “Ako Budoy!” na linya ni Gerald Anderson, ang hindi ko makalimutan ay kung paano nya ito sabihin – mataas ang tono, magiliw, puno ng buhay. Sasabayan pa nya ng malikot na galaw ng mga braso at kamay, at ang paminsan-minsang pagkamot sa ilong at pisngi. Siguro nakakarelate ang mga “Kapamilya” na nagbabasa nito ngayon.

“Ako Budoy!”. Isang simpleng palabas pero malalim ang pinaghuhugutan. Isang paalala na hindi kailangang maging “normal” o “average” na tao para makaintindi ng tunay na nangyayari at hindi rin kailangan na maging isang “normal” o “average” na tao para kumilos. Hindi kailangang gawing komplikado ang isang bagay kung simple lang naman ang solusyon.

“Ako Budoy!”. Minsan kailangan maging isang katulad ni Budoy para malaman kung ano o sino ang mahalaga para sayo. Dito mo maiintindihan na konti lang pala ang kailangan mo, na hindi materyal na bagay ang kailangan ng isang tao para sumaya, para mabuhay. Maraming pangangailangan ang isang tao, pinagaralan pa nga nating lahat malamang yun nung tayo ay nasa elementarya pa – tubig, pagkain, bahay, damit. Pero merong isang bagay na kailangan talaga natin. “Hindi ito nabibili, pero mahal”, kuha mo?:)

“Ako Budoy!”. Paikot-ikutin man ang istorya, gawing mataas ang IQ ng bida o hindi, ang pinakamensahe ng teleseryeng ito ay ang pagmamahalan ng mga miyembro ng pamilya. Dahil kung buo at masaya ang isang pamilya, wala ng tayong ibang hahanapin pa, wala ng away, wala ng inggitan.

“Ako Budoy!”. Oo na, ikaw na si Budoy. “Ako Khristian!”

About khristiansan.ph