Ako ay Nagtatrabaho Para sa Pamahalaan ng Pilipinas

374505_395320830546808_172172564_n

Isa akong bente dos ayos na babae, isang Certified Pubiic Accountant at ako ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang ahensya ng gobyerno kung saan madaming mga scientist. Tuwing sinasabi ko sa mga kaibigan ko kung saan ako nagtatrabaho ay tinatanong nila kung bakit ko piniling magtrabaho sa gobyerno gayong mas malaki daw ang challenge na puwede kong kaharapin sa private practice. Bukod sa challenge na hinahanap ko, mas malaki din daw ang sahod na puwede kong makuha kung sa pribadong kumpanya ako nagtuloy ng career ko. Pero bakit ko nga ba piniling magtrabaho dito?

 Sa totoo lang ay wala akong kamag-anak na nagtatrabaho sa gobyerno o kakilala man lang sa institusyong kinabibilangan ko ngayon. Nag walk-in lang ako rito dahil sabi ng kaibigan ko, may bakante daw na posisyong pwede sa akin. Noon ay nagtatrabaho ako sa isang pribadong kumpanya bilang isang Internal Auditor at wala naman talaga akong balak magresign, sinubukan ko lang dahil panay ang kulit sa akin ng kaibigan kong iyon. Noong nasa panel interview na ako, tinanong ako ng isang interviewr, bakit ko daw gustong magtrabaho sa gobyerno?

Ang sabi ko naman, gusto ko po kasi na ibalik ang pabor na binigay sa akin ng pamahalaan noong ako ay nag-aaral pa (dahil scholar ako ng bayan noon) at para na rin sa security of tenure na tinatawag nila. Noon kasi ay napakabilis ng turn over ng empleyado sa mga pribadong kumpanya at nakakalungkot isipin na ganun ganun na lang kung magpalit ng empleyado.

 Upang paikliin ang kwento, natanggap ako nang walang backer at dumaan ako sa tamang proseso. Naisip ko, hindi din naman pala ganoon kasama ang ibang ahensya ng pamahalaan natin. Noong nagsimula na akong magtrabaho ay doon ko nakita na hindi naman pala lahat ng ahensya ng ating pamahalaan ay tiwali. Mayroon pa rin palang mga nasa matuwid na daan na sinasabi nila at masaya ako na nakabilang ako sa institusyong ito. Masaya ako sa mga bago kong kasama na kahit mga tito at tita ko na ay parang pamilya ang turing sa akin. Minsan masarap isipin na hindi ka lang nagtatrabaho para sa sarili mo, mayroon ding ibang taong puwedeng makinabang sa mga ginagawa mo sa mabuting pamamaraan.

Minsan masyado nang masama ang tingin natin sa isang bagay kaya nilalahat na natin, pero minsan, mayroon pa rin palang natitirang mabubuting taong nagtatrabaho para sa kapakanan ng iba. Ako si SELYA at proud akong magtrabaho para sa pamahalaan ng Pilipinas.

Para sa inyong karagdagang kaalaman !

https://www.facebook.com/pages/scienceph/395312020547689