Ako ay Isang Magdalena at May Karapatan Din

 

“Isa kang salot dito sa ating lugarMAGDALENA, ikaw ang nagdadala ng malas, ang kapal naman ng iyong mukha.”

Ito lagi ang naririnig kong pangungutya sa akin sa tuwing ako ay dadaan sa isang maliit na iskinita papunta sa aming bahay.  May mga kapitbahay akong nagtutumpukan tuwing umaga sa tindahan ni Aling Sela.

Madalas iyan, ako ang kanilang pulutan sa kanilang panlilibak. Naririndi na ako sa ganitong eksena. Lagi na lamang.

Ang ginagawa ko, nginingitian ko na lang sila at alam kong lalo silang naaasar.

Lyka ang tawag sa akin sa bar na pinagtatrabahuan ko, isa akong GRO (guest relations officer) para naman sosyal. Pero kung mapanlait ang tatawag sa akin, pokpok o salot ang aking maririnig.

Oo, nagbibigay ako ng aliw sa mga parokyano sa mini bar na iyon para magkapera at nang may maibili ako ng pagkain at iba pang pangangailangan ng aking pamilya.

Panganay ako sa apat na magkakapatid, Labing-siyam na taon gulang. Sa aking murang edad na desisiyete ako ay napasabak na sa ganitong trabaho. Wala akong ibang mapupuntahan eh, hindi man lang ako nakatapos kahit ng elementarya. Pang-apat na baitang lang ang aking natungtungan. Paano’y walang-wala ang aking mga magulang; ‘ika nga, mahirap pa kami sa daga. Kaya wala akong tsansang mag-aral.

Ayaw ko ring makipisan ulit sa aking mga kamag-anak sa kabilang bayan para lang makapasok sa paaralan dahil minsan ko na itong ginawa noon dahil pangarap ko talagang makapagtapos ng pag-aaral.  Ngunit ako ay pinagsamantalahan ng aking tiyuhin na asawa ng kapatid ni Nanay. Nang isumbong ko ito, ako pa ang pinagbintangan malandi at haliparot ng aking tiyahin. Niluray na nga ang aking pagkababae, ako pa ang may kasalanan.

Umuwi akong luhaan at wasak ang aking pangarap. Lagi akong umiiyak sa aming bahay nang mga panahong iyon. Wala namang magawa ang aking mga magulang dahil sila rin ay mga mangmang. Ayaw kong hanggang sa isang sulok na lang ako ng aming bahay at magmumukmok. Sinubukan ko uling magbakasakaling makapag-aral. Nagpaalam muli akong hahanap ng pamilyang kukupkop sa akin upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral kahit man lang makatapos ako ng Mababang Paaralan. Masaya na ako.

Inirekomenda ako ng isang kapitbahay na maging katulong sa isang pamilyang nasa middle class ang pamumuhay. Sa una, maganda ang kanilang trato sa akin, kahit labinglima na ang aking edad, ipinaenrol ako sa grade 5. Ako lang ang matanda doon sa aming klase. Lagi akong tinatawag na “Kalabaw” dahil nga malaking bulas daw ako at dalagang-dalaga na tingnan.

Isang gabing malakas ang ulan, ako ay himbing na himbing sa aking maliit na silid nang hindi ko namalayang nakapasok na pala ang amo kong lalaki. Tinakpan ng isang malaking tuwalya ang aking bibig upang hindi ako makasigaw. Nakuha rin nito ang aking pagkababae sa pangalawang pagkakataon. Sinampal pa ako matapos niyang makaraos dahil ang bata ko pa raw ay hindi na ako birhen. Umiyak na lamang ako sa isang sulok at  nagpaalam ako kinabukasan  sa aking among babaeng mabait sa akin.

Sa pangalawang beses ay umuwi akong sadsad sa lupa ang pakiramdam, walang kasing-pait ang aking naging kapalaran. Iniisip ko tuloy kung bakit ako pinarusahan nang ganito kasakit. Lalo pang gumuho ang aking mundo nang malaman kong ako’y nagdadalang-tao dahil sa kahayupan ng aking amo. Walang masabi ang aking mga magulang kundi ang umiyak at tanggapin ang masaklap na nangyari sa akin.

Sa aming lugar, ako lagi ang pinagtsi-tsismisan dahil daw ang bata ko pa at ang landi ko na dahil nabuntis ako nang wala sa oras. Hindi naman nila alam na ako ay biktima ng panggagahasa. Pamilya ko lang ang nakaaalam. Mga bingi kaming lahat sa mga panlalait at panghuhusga. Nilulunok ko na lang ang hiya at pride ko. Wala na ako nun. Ipinagpatuloy ko ang aking pagbubuntis. Hindi ko kailanman naisip ang ipalaglag ang bata. Kasalanan ito sa Panginoon.

Malusog kong naisilang ang aking anak. Kahit ito ay bunga ng kawalang-hiyaan, mahal na mahal ko ito. Sa kadahilanang may anak na ako at dagdag pakainin sa aming pamilya, kailangan ko nang kumilos upang makahanap ng trabaho. Kailangan ko ng pambili ng gatas ng aking anak.

Doon nga ako napadpad sa isang mini bar kung saan ako nagtatrabaho ngayon. Nagte-table sa mga parokyano, pahipo-hipo, pahalik-halik. Kapag napagkakasunduan ang presyo ay sumasama akong magpalabas. Kahit paano ay may pandagdag na rin ako sa aking gastusin.

Minsan isang buwan ng Marso noon, may nag-eensayo sa aming lugar para ipagdiwang ang Buwan ng kababaihan. May patimpalak sa pagsayaw sa plaza namin. Nagprisinta akong sumali sa pagsayaw. Kinausap ko ang kanilang lider.

” Hindi kami nagpapasali ng isang Pokpok, bayaran at mababa ang lipad dahil makasisira lang ito sa aming reputasyon.  Kahit maganda ang performance namin, pag nalamang kasali ka, malamang talo kami.”

Parang pinipiga ang aking puso at nag-unahan ang aking luhang dumaloy sa aking pisngi. Wala akong magagawa; iyon ang kanilang tingin sa akin. Hindi ko sila masisisi. Pakiramdam ko ay hindi ako kasali sa lipunan, pakiwari ko ay napakadumi ng aking pagkatao.

Napagtanto kong mahirap na nga ang aking kalagayan, mahirap na nga aking trabaho. Pero natitiis ko iyon. Ang mas masakit ay ang isiping salot ka lang sa lipunan at walang kuwenta.

Ngayon, buwan na naman ng mga kababaihan. Heto ako sa isang sulok ng aming bintana at nanonood ng mga nag-eensayo para sa muling patimpalak ng pagsayaw. Hindi na ako nagprisintang muli. Ayaw kong yurakan ng kapwa ko ang aking pagkatao. Kung may manghuhusga man sa akin, ito’y matatanggap ko galing sa mismong lumikha sa akin. Sa KANYA ako hihingi ng kapatawaran dahil alam kong SIYA lang ang makaiintindi sa akin.

Happy Women’s Month!

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.