Ako ang LEGAL na Naging ILLEGAL

(Photo Credit: Shutterstock)
(Photo Credit:  Shutterstock)
(Photo Credit: Shutterstock)

Back in 2008..

18 years old ako noon nang makilala ko si Dexter ( hindi niya tunay na pangalan). Matangkad, maputi, may dimples.  In short, guwapo siya. Sa una ay pinagsusungitan ko si Dexter dahil allergic ako sa mga guwapo dahil karamihan sa kanila ay manloloko at ayaw ko sa mga lalaking bolero.

Pero hindi tumigil si Dex at patuloy pa rin siya sa pangungulit sa akin hanggang sa napilitan akong sagutin siya.

Oo, ako na ang choosy, pero sa totoo lang napilitan talaga ako noong una. Di ko na maalala kung bakit at paano ko siya sinagot, pero naging kami noong 18th birthday ko.

Open sa akin si Dex at isang araw ipinagtapat niya sa akin na may anak na siya. Syempre, nagulat ako. Matanda si Dex sa akin ng dalawang taon and he was 20 at that time and his son was 5 years old. High school siya noon nang mabuntis niya ang babae. Galit sa kanya ang mga magulang ng babae kaya hindi sila nagsama hanggang sa maghiwalay na nga sila.  Nagkaroon na rin ng bagong live-in partner ang ex niya.

Yung bata ay nasa ex niya at si Dex naman ay sumusuporta sa financial needs ng bata. Inisip kong makipagbreak kaagad kay Dex noon. Ginawa ko nga, pero umiiyak siyang nagmakaawa sa akin na mahal daw niya ako at wala na raw talaga sila ng ex niya. Kung ang bata daw ang problema, wala na daw siyang magagawa dahil nandiyan na yan at mahal niya ang anak niya.

Tinanggap ko ulit si Dex at ang idea na may anak na siya.

Masaya na sana ulit ang lahat hanggang sa magkaproblema si Ex niya at ang live-in partner nito.

Minamaltrato daw kasi ng live-in partner ni Ex niya ang anak nila at hindi kaya ni Ex niya yun.

Kaya pansamantalang tumira ang mag-ina sa bahay nila Dex.

Nasa Japan ang parents ni Dex at sila ng lola at tita lang niya ang nasa bahay. Madalas ay nasa trabaho ang dalawa kaya halos si Dex at si Ex niya at ang bata lang ang naiiwan sa bahay. Nagselos ako.

Noong mga panahong iyon ay mahal ko na si Dex kaya galit na galit ako noong doon tumira ang Ex niya. Ok lang sana ang anak niya, pero bakit kailangan pang isama ang nanay ng bata?

Kinausap ko si Dex at ang sabi niya ay nagwawala raw ang bata pag wala ang nanay niya. Doon na ako nagsimulang magduda. Alam kong mahal ako ni Dex, pero dumating ang punto na inaaway na ako ng Ex niya. Tigilan ko na raw si Dex. Nainis ako dahil lumalabas pa na ako ang may kasalanan samantalang siya itong umaagaw sa boyfriend ko; to think na wala sa sila nito.

Pero wala akong nagawa. Lumayo ako upang makaiwas sa gulo. Pero patuloy pa rin ang communication namin ni Dex.

Nasa probinsya ako nang mabalitaan kong buntis ulit ang Ex ni Dex at siya ang Ama.

Sa hindi malamang kadahilanan ay tinanggap ko pa rin si Dex. Iniisip ko na ang tanga ko naman at parang ako ang lumilitaw na kontrabida at kabit sa puntong ito.

Lumipas ang ilang buwan at nakipaghiwalay na ako nang tuluyan kay Dex.

Nabalitaan ko na lang na ikinasal na sila ni Ex niya at pumunta na siya ng Japan para doon magtrabaho.

Masakit man sa akin ang nangyari, marami akong natutunan sa kaganapang ito sa buhay ko.

May mga bagay talaga sa mundo na kahit ilang beses mong ipaglaban, hindi talaga mapapasaiyo.

Salamat, Dex ,sa pagmamahal, at sa mga ala-ala.

It was a great journey with you; it’s just so sad that it had to end.

Kung nasaan man siya ngayon, alam kong masaya na siya kasama ng pamilya niya at ang mga anak nila.

Balang araw ay bubuo rin ako ng sarili kong pamilya at magiging masaya kami.