Akin Ka Na Lang Muli (Part 2)

(photocredit:crazyazzwomen.blogspot.com )
(photocredit:crazyazzwomen.blogspot.com )
(photocredit:crazyazzwomen.blogspot.com )

Matapos ang pagtatagpong iyon  sa internet ay naging magkatext mate si Lualhati at si Alain.

Mas madalas ang pagtitext ni Alain. Parang nagrereport nang bawat galaw niya. Kung saan pupunta kung ano ang ginagawa at gagawin pa. Madalas din siyang paalalahanan ni Alain tungkol sa pagkain sa tamang oras. Kapag hindi nagrereply si Lualhati ay nagmimiscall ito.

Naging magaan ang buhay kay Lualhati. May hingahan na siya ng sama ng loob. Ngunit kahit na ganoon ay patuloy pa rin siya sa normal na gawain sa kanyang buhay. Mas pinilit niyang intindihin ang pagkukulang ng asawa at mas pinag-ibayo niya ang pagsisilbi dito.

Pinakita niyang mahal na mahal niya ito sa kabila ng kung ano man ang ugali nito.

Ngunit talaga yatang sinusubukan ang kanilang pagsasama. Minsang umuwi ng lasing ang kanyang asawa. Nagdadabog itong ginising si Lualhati. Agad agad naman nitong pinaghainan ng pagkain ang asawa.

Lumipat ito sa kuwarto ng mga anak dahil sa nakasanayan niya ng kapag lasing ito ay hindi siya tinitigilan hanggang hindi siya nasasaktan.

Hindi niya sukat akalaing kahit sa harap ng mga anak siya ay aabusuhin ng asawa. Nagsumbong siya kay Alain at sinabi nito sa kanya na kinabukasan ay magkita sila. Ang galit sa dibdib at paninibugho ay nagsilbing mitsa para pumayag si Lualhati.

Kinaumagahan, matapos asikasuhin ang mga anak, gumayak si Lualhati at umalis. Kung dati ito ay diretso sa institusyong pinapasukan ay tumuloy ito sa sakayan ng bus.

“Papunta na ako dyan”, text nito kay Alain.

“Maghihintay ako”, sagot naman ng lalaki sa kanya.

Makalipas ang kalahating oras ay narating nito ang lugar ng tagpuan. Hindi na siya kailangan maghintay dahil nakita niya agad ang lalaking katagpuan. Napaiyak siya ng makita ito, nakaramdam siya ng awa sa sarili ngunit nakakita siya ng kakampi.

Inalo siya ni Alain at sinabihang umangkas sa motorsiklo. Hindi na siya nagtanong kung saan sila pupunta ang alam niya lang ay gusto niyang makatakas sa sitwasyon at sa pakiramdam niyang impyernong kinasasadlakan ng panahong iyon.

Pumasok sila sa isang lugar na hindi niya inaakalang pagdadalhan sa kanya ni Alain.

Isang motel.

Ngunit hindi siya umimik o kaya ay magreklamo. Wala siya sa tamang pag-iisip ang gusto niya lang ay tumakas.

Nang araw na iyon nag-iba ang lahat. Si Alain ….si Lualhati……nagkasala.

Pagpasok nila sa loob ng kwartong iyon, hindi takot ang naramdaman ni Lualhati  kundi isang kanlungan. Isang moog na kung saan siya ay ligtas sa kung ano pa man.

Binuksan ni Alain ang aircondition. Naramdaman ni Lualhati  ang malamig na hangin na dumantay sa kanyang kalamnan. Binuksan niya ang telebisyon at naupo sa dulo ng kama. Tumabi sa kanya si Alain at sinabing magpahinga muna siya. Alam kasi nito na wala na naman siyang tulog dahil sa nangyari kinagabihan.

Parang isang batang inakay ni Alain si Lualhati  para ito ay mahiga. Niyakap niya ito ng ito ay nakahiga na. Hinaplos haplos ang buhok na parang nagpapatulog ng isang bata. Wala silang imik sa bawat isa. Naramdaman ni Lualhati  ang kakaibang pakiramdam. Ligtas siya kay Alain. Parang ito ang kanyang tamang lugar. Sa bawat haplos nito sa kanya naramdaman niya ang pagmamahal, isang haplos na kahit kailan hindi niya naramdaman mula sa kanyang asawa.

Tuluyang dinala sa duyan ng katahimikan ang kaluluwa ni Lualhati. Ang dating takot na nasa dibdib ay naibsan at siya ay nakapagpahinga. Ang bawat haplos ni Alain ay naging isang parang gamot. Gamot na pawiin ang kanyang pangungulila. Tuluyan na siyang nakatulog.

Ang haplos na nagpatulog sa kanya ay siya ring gumising sa kanya. Tanghali na at kailangan na nilang kumain.

Masaya silang nagsalo. Hindi na kailangang ungkatin pa ang nangyari kinagabihan.

Matapos silang kumain, lumabas sa verandah si Alain para manigarilyo. Sinamahan niya ito. At sa pagitan ng hitit buga nito, naibulalas ni Alain ang katagang,

“Sana akin ka na lang, alam kong mabait kang tao”

Tiningnan ito ni Lualhati. Walang kurap. parang inaarok ang katagang kanyang narinig.

Hindi ito umimik ngunit kahit paano ay apektado sa mga narinig. Maya’t maya ay tinitingnan nito si Alain, tila ba nag-iisip.

“Bibigay nga ba ako sa kagustuhan niya o hindi? Ito nga ba ang aking magiging unang pagtataksil sa asawa?”.

Muli pumasok sila sa loob ng kuwarto at nanood ng telebisyon. Magkatabi silang sa upuan kung saan nakaakbay sa kanya si Alain. Naramdaman niya ang mainit nitong hininga sa kanyang leeg. Kinilabutan siya ngunit hinayaan niya ito.

Ang dantay ng kamay ni Alain sa kanyang kamay ang pumukaw sa kanyang naiibang pakiramdam. Nilingon niya ito at tiningnan. Bumaba ang labi nito patungo sa kanyang labi. At sa pagdikit ng kanilang mga labi, parang may sumabog na kwitis sa kanilang paligid.

Hinalikan siya ni Alain. Kakaiba sa marahas na halik na nakasanayan niya. Ang halik na binibigay sa kanya ngayon ay halik na punong-puno ng ingat. Hindi nakakasakit, hindi nakakatakot.

Pumikit siya at pinakiramdaman ito. Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit naghahangad siya ng sobra pa sa halik na iyon. Gusto niyang maramdaman ang pwede pang maibigay ni Alain sa kanya.

Kinarga nito si Lualahti papunta sa kama. iyon ang unang pangyayari sa buhay niya na may kumarga sa kanya. Nilapag siya nang dahan dahan, punong puno nang pag-iingat.

“Hindi kita sasaktan” bulong ni Alain sa kanya.

At tuluyan nang bumigay ang kakaunting hibla na nagdudugtong sa sagradong sumpaan na magiging matapat siya sa asawa.

Itutuloy…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.