After Ondoy

Mahigit isa’t kalahating taon na ang nakakalipas mula ng dumaan ang bagyong Ondoy na nag-iwan ng malaking pinsala at nagbago sa buhay ng karamihan sa ating mga Pilipino.

Isa ako at ang aking pamilya sa mga biktima ng bagyong Ondoy. Nilamon ng tubig baha ang kalahati ng aming bahay. Halos lahat ng kagamitan namin ay walang nailigtas. Nagpapasalamat nalang kami at sa kabutihang palad ay wala naman nasawi o nasaktan sa amin.

Araw ng sabado, September 26, 2009, tumutulong ako sa aking kaibigan na maglipat ng bahay sa gitna ng kalakasan ng walang tigil na ulan. Isang tawag ang aking natanggap mula sa aking nanay, tinanong nya ako kung maaari daw ba akong umuwi ng maaga dahil nagsisimula ng pumasok ang tubig sa loob ng bahay namin, natatakot sila na baka tumaas pa daw iyon dahil magbubukas ng tubig ang dam. Sabi ko sa nanay ko na hindi ako sigurado kung makakauwi ako ng maaga dahil may trabaho ako na inaasahan ng araw na iyon, kaya’t sinabihan ko nalang ang nanay ko na iakyat nalang nila ang mga gamit na maaring mabasa at patayin ang main switch ng kuryente. For the record, dalawang beses ng pinasok ng baha ang bahay namin noon, ang pinakamataas na inabot ng tubig noon ay hanggang tuhod ko lang, at yung sumunod naman ay hanggang paa lang kaya medyo kampante pa ako.

Ilang minuto pa lang ang lumilipas ay bigla akong nakatanggap ng text mula naman sa aking pamangkin, sabi niya na lampas tao na daw ang tubig sa amin at sila nalang ng mama niya ang nakaligtas. Dahil mapagbiro ang aking pamangkin ay hindi ko sineryoso ang text message nya, ngunit sa isang banda ay naisip ko din na baka nga seryoso na iyon kaya kinumpirma ko sa nanay ko ang lagay nila. Mabilis na nakapag-reply sa akin ang nanay ko at doon ko lamang nalaman ang totoo, ang tinutukoy pala ng aking pamangkin na “sila lang ang nakaligtas” ay dahil wala na silang nailigtas na gamit dahil sa bilis na pag-apaw ng tubig. Nagsimula na akong mangamba, gustong gusto ko ng umuwi ng malaman ko na ganun ang nangyari sa amin, gusto ko ng ipakansel ang trabaho ko kahit hindi na sapat ang pera ko, buti na lamang at nagtext sa akin yung ate ko at sabi nya na kinansela na daw ng kliyente ang trabaho namin at sa kapit bahay nalang daw muna sila nakituloy pansamantala habang lubog ang bahay namin sa tubig baha.

Hindi ko kayang hayaan nalang ang pamilya ko sa sinapit nila at gusto ko din malaman ang lagay ng bahay namin. Alas-4 ng hapon ng medyo humina ang ulan at agad akong nagpaalam sa akin kaibigan, hindi sapat ang pera ko noon kaya’t naghiram na din ako sa kanya ng kaunting pang-gastos at ng payong. Hindi ko alam ang mga nangyayari sa labas ng mga panahon na iyon, ang tanging nabalitaan ko lang ay buhol buhol na daw ang trapik sa EDSA dahil sa baha at mahihirapan daw akong makasakay. Bahala na, basta’t kailangan kong makauwi, yan nalang ang tumanim sa isipan ko ng mga oras na yun.

Napakadaming tao sa kalye ng dumating ako sa EDSA, parang may nagwewelga, halos lahat ay naglalakad na lamang dahil hindi na gumagalaw ang mga sasakyan, basang basa din ng ulan ang karamihan. Nagulat ako sa nakita ko ng umakyat ako sa over pass para tumawid sa kalye, nagmistulang ilog ang parte ng EDSA malapit sa Munoz Market papuntang Balintawak, umapaw na pala ang tubig sa may tulay, napakalawak ng sinakop ng baha at hanggang bewang ang tubig nito. Pagtungtong ko sa kabilang kalye ay sinubukan ko na munang mag-antay ng bus patungong Novaliches ngunit kahit isa ay wala, nag-desisyon na akong maglakad ng kaunti, madami akong kasabay sa paglalakad, iba’t ibang klase ng tao, may bata, matanda, estudyante, trabahador, babae, lalaki at kung ano ano pa. Lakad lang ako ng lakad hanggang sa marating ko ang isang tulay na nilamon na din ng rumaragasang tubig. Madaming tumatawid, kapit kamay ang mga tao, tulong tulong kahit hindi magkakakilala. Hindi ako makakauwi sa amin kung hindi ko lulusungin ang baha, kaya nilagay ko na ang mga gamit ko na nasa bulsa sa aking bag, sinuot ko ang bag ko sa aking harapan upang mahawakan ko itong mabuti at hindi mabasa, naka-short naman ako at sapatos noon kaya walang problema sa pambaba, dahan dahan akong naglakad palapit sa baha, unti unti kong nararamdaman ang malamig na tubig na kulay putik na pumapasok sa aking sapatos, tuloy pa din ang lakad, wala ng dahilan para tumigil, inisip ko nalang noon na yung mga matatanda ay kayang tumawid, mas lalo na ako. umabot na hanggang tuhod ko ang tubig, kinakapa ko nalang ang nilalakaran ko at sinusundan ang ibang tao sa aking harapan upang hindi ako mapahamak. Halos sampung minuto din ang inabot ng malampasan ko ang baha. Wala pa ding dumadating na sasakyan kaya naglakad nalang ulit ako, nagpahinga lang ako ng saglit ng may makita akong tindahan, nag-yosi nalang muna ako dun at nagtext pansamantala.

Humihina at lumalakas ang ulan, sabay pa nito ang pabugso-busong malakas na hangin, mabuti na lang at hindi nasira ang payong na dala dala ko. Nagsimula na ulit akong maglakad habang naninigarilyo, mahigit isang oras na akong naglalakad papunta sa isang alternate route na posibleng makasakay ako, ngunit ng malapit na akong dumating doon ay binulaga ako ng isang napakalawak at malalim na baha, walang tao na naglalakas loob na tumawid doon, isang bus din ang na-istranded at halos kalahati nito ay lubog sa tubig. Sumilong nalang muna ako sa gilid ng isang building kung saan madami ding tao ang nag-papahinga, may nakatabi pa nga akong mag-iina na may dalang bagong panganak na sanggol na na-istranded din. Nagsimula na akong makaramdam ng ginaw, medyo basa na din kasi ako kahit na may gamit akong payong, nagsisimula na din ang aking bewangdahil sa kakalakad at pagbitbit ng mabigat kong bag.

Kailangan kong makauwi, yun ang objective ko. Naisip ko na bumalik nalang at huwag ng isugal ang buhay ko sa malalim na baha, may isa pa kasing daan doon na patungo din sa alternate route, long way nga lang iyon. Wala ng iba pang paraan para maka-uwi, nagbaka-sakali nalang din ako na baka may dumaan doon na pwede kong masakyan. Inabot na ako ng dilim sa paglalakad, may mga ilang lugar akong nadaanan na walang kuryente, may mga tao naman na nakatambay lang at nanonood sa mga naglalakad, may mga nakita din akong mga naglalakad na nakukuha pang mag-biruan sa daan, ngunit mas madami pa din ang bakas sa mukha ang pagod. Humihinto lang ako sandali sa paglalakad kapag hinihingal na ako o kaya kapag natatanggal ang sintas ng sapatos ko. Natutuwa ako tuwing tumutunog ang cellphone ko, doon ko nalang iniisip na ay kasama pa din ako kahit sa text nalang o tawag, dahil kahit paano ay nakakalakas ng loob.

Natunton ko din ang alternate route, natuwa ako dahil madaming dumadaang sasakyan, may mga bus, dyip, taxi at FX, nag-antay lang muna ako saglit at baka sakaling makasakay ako, ngunit sa kasamaang palad ay wala pa ding masakyan kaya’t minabuti pang maglakad nalang ulit ako. Unti-unti ng nababawasan ang mga kasabay kong maglakad, ang iba kasi sa kanila ay nakauwi na. Alas otso na ng gabi, hingal, pagod at nananakit na ang binti at bewang ko sa paglalakad, madami na naman dumadaan na pwedeng masakyan kaya’t napagdesisyunan ko ng mag-antay nalang at makipag-unahan. Halos 30 minutos din akong nag-antay bago ako makasakay sa isang FX, mabuti nalang at may huminto mismo sa harapan ko at may bumabang pasahero. Laking ginhawa ng makaupo ako, nagkwekwentuhan ang mga pasahero tungkol sa bagyo at sa baha, narinig ko sa isa na nagsara na daw ang SM North EDSA ng maaga dahil pinasok daw ng tubig ang loob ng basement nito at nabasa daw ang mga paninda, sabi naman nung isa na lahat daw ay nagsara na ng maaga dahil nasa State of Calamity na daw ang buong Metro Manila. Naalala ko tuloy ang pamilya ko, kumusta na kaya sila? sana safe silang lahat at nakapag-hapunan na. Nakaramdam ako ng antok at dahan dahan na naka-idlip ako sa biyahe dahil sa pagod.

Naalimpungatan ako ng biglang may tumawag sa akin cellphone, yung isa ko palang kapatid na hindi na nakatira sa amin, kinumusta ako kung ano daw ang lagay namin, sinabi ko sa kanya ang lahat ng nangyari, nag-aalala din daw sya, ngunit hindi sya makakauwi dahil nasa Naga siya ng araw na iyon at martes pa siya makakabalik ng Manila. Pagkatapos kong makausap ang kapatid ko ay napansin ko na nasa ibang lugar na kami, wala pa lang madaan ang sasakyan dahil sarado pa din ang mga daan papuntang Bayan dahil sa baha, ilang minuto din kaming paikot-ikot hanggang umabot kami sa Fairview at doon nalang kami nakalampas sa trapik. Mainam na sa Fairview kami dumaan dahil mas madali para sa akin ang makauwi mula doon. Pagbaba ko sa FX ay madali naman akong nakasakay ng dyip, halos lahat pa din ng taong kasabay ko ay mga pagod, konti nalang at makakauwi na din ako. Matapos ang biyahe ko sa dyip ay dumaan muna ako sa isang convenience store upang bumili ng tinapay at inumin, naisip ko kasi na nakituloy nalang sa kapit-bahay ang pamilya ko at nakakahiya kung doon pa din ako makikikain.

Kinain ko nalang ang binili kong tinapay habang naglalakad, tumigil na din ang ulan ng mga oras na iyon, ngunit sobrang dilim sa paligid dahil walang kuryente, ang tanging ilaw lang na makikita mo ay ang ilaw na nanggagaling sa mga sasakyan at mga kandila sa loob ng bahay. Palapit na ako ng palapit sa amin, hindi ko alam kung ano ang aking aabutan. Nakasalubong ko ang isa namin kapitbahay na kapatid ng Ate ko sa INC, sabi niya na nandun daw sa bahay nila ang pamilya ko, nagpasalamat ako sa kanya at tumungo sa kanilang bahay, kinahulan ako ng aso pagdating ko sa bahay nila, tinawag ko ang Ate ko at agad naman siyang sumilip sa may bintana, nagulat siya ng makita nya ako, binuksan nya ang pinto at tumuloy na din ako sa loob ng bahay, hindi daw niya inaasahan na uuwi ako, nasilip ko sa loob ng kwarto ang aking Nanay na gising pa at pinapaypayan ang dalawang bata na mahimbing ng natutulog, inalok ako ng Ate ng pagkain ngunit sabi ko ay kape nalang at kumain na din naman ako, umupo muna kami sa harap ng hapag-kainan at ikinuwento ng Ate ko sa akin kung ano ang nangyari.

Tanghalian pa lamang ay nagsimula ng tumaas ang tubig sa harap at likod ng bahay namin, kakatapos lang daw niyang magluto ng pagkain noon, sobrang bilis daw ng pag-apaw ng tubig, silang tatlo lang ng mga bata ang nasa bahay ng mga oras na yun dahil ang Nanay ko ay umalis dahil may trabaho, Nag-uusap lang sila sa cellphone noon kaya nasabihan din ako ng aking Nanay. Nagsimula ng mag-akyat ang Ate ko ng mga gamit na maaring mabasa noong papasok na ng bahay ang tubig, buti nalang at may double deck kami na kama at doon niya pinaakyat ang dalawang bata, ang isa kong pamangkin ay 2months old pa lang at yung isa naman ay 12yrs old. Ilang minuto pa lang ay pumasok na nga ang tubig sa bahay namin, flash flood daw, sabi ng Ate ko, may tubig na nagmumula sa harap, sa likod at sa loob sahig ng bahay namin, pinatay din ng kapatid ko ang main switch ng kuryente upang hindi sila makuryente, kinabahan na ang kapatid ko ng tuloy tuloy pa din ang pag-apaw ng tubig at halos umabot na ito sa bewang niya, doon na niya naisip na lisanin na ang bahay kasama ang mga bata. Pilit daw buksan ng Ate ko ang pinto ng aming bahay ngunit hindi ito mabukas dahil sa pressure ng tubig, sumigaw siya ng saklolo sa mga kapit bahay namin dahil posible silang malunod kung hindi sila makakalabas, buti na lamang ay may nakarinig sa kanyang kapit bahay namin at sumugod ito sa bahay, sinipa niya ang pinto at agad itong bumukas, dali dali niyang binuhat ang pinakabata kong pamangkin at yung isa ko naman pamangkin ay inalalayan ng Ate ko, sinagip din ng Ate ko ang aso namin na ulo na lamang ang nakalitaw dahil nakatali ito sa mga grills ng bintana at ang ibang gamit ng baby. Sa awa ng diyos ay nakaligtas naman silang tatlo at walang nasaktan.

Matapos ikuwento ng Ate ko ang nangyari ay sinamahan niya akong puntahan ang bahay namin, nagdala nalang kami ng kandila dahil sobrang dilim ng kapaligiran. Lumulubog sa putik ang paa ko sa harap ng bahay namin at pagbukas ko ng pinto ay bigla na lamang akong nanlanta sa itsura ng bahay namin. Napakaputik sa loob ng bahay namin, nagkabalibligtad ang mga gamit at nagmistulan itong isang tambakan, mabaho din ang loob ng bahay dahil sa tubig baha, ang tanging nakaligtas nalang ay ang mga gamit na lampas sa aking leeg dahil hanggang doon umabot ang tubig. Sabi ko sa Ate ko na ayaw kong iwan ang bahay at dito nalang ako magpapalipas ng gabi, mahirap na at baka may magsamantala pa sa bahay namin at pagnakawan kami. Pagod na din ang Ate ko kaya nagpaalam na siya sa akin at bumalik na sa kapit bahay para makapagpahinga. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na maiyak, napaupo na lang ako at nilabas ang sama ng loob. Matapos akong umiyak ay nahiga nalang ako sa sofa, pinatungan ko nalang ito ng plastik para hindi ako mabasa, naki-pagusap na muna ako sa aking mahal at pagkatapos ay sinubukan ko na din makatulog.

Hanggang ngayon ay hindi pa din kami tapos sa paglilinis, madami pa din kaming damit na kailangang labhan, may basura pa din kaming hindi pa naitatapon, madami sa mga gamit namin ang hindi na napakinabangan at ang loob ng bahay namin ay sinira ng baha. Ito ang mga pangyayari sa buhay natin na wala tayong pwedeng sisihin, wala tayong rason para magalit at ang tanging magagawa na lang natin ay tanggapin ang lahat, bumangon at magsimula ulit.

Minsan iniisip ko kung bakit kailangan pang mangyari ang mga bagay na hindi kanais nais sa buhay ng isang tao, mga pangyayaring napakabigat dalhin sa dibdib. Sabi nila, may dahilan daw kung bakit nangyari yun, may maganda daw na darating sa buhay mo kaya nagkaganun. Minsan hindi ko alam kung dapat pa ba akong maniwala sa mga sabi sabi. Siguro kaya nila nasasabi yun ay bilang pampalubag loob na lang…siguro nga yun ang ibig nilang ipahiwatid.

About DF Community

This article was submitted by the author above. All articles posted in this blog are views of their respective authors. All commentaries, letters or opinions submitted by the Definitely Filipino community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.