Achluophobia (Kapitulo Uno)

“PUTSA, KAHIT KELAN TALAGA…” habang mahinang pinapalo ng dalawang kamay ni Mon-Mon ang manibela. Pangalawang beses na niyang sinasabi ang litanyang ‘yun. ‘Yung huli e mga fifteen minutes na nakakalipas. Si Weng-Weng ang tinutukoy niya, late na naman kasi sa usapan. Alas-siyete ang call time dito sa Recto, pero mag-a-alas-otso na wala pa ring anino ni Weng. Siya na lang ang kulang, lalarga na kami.

Nasa driver seat si Mon-Mon (siya may dala ng kotse, pulang Vios), nasa tabi naman niya ko. Nasa likod naman si Mia at Sisa na kanina pa busy sa mga cellphone. Bukas ang mga bintana, nagyoyosi kasi si Mia. Nakabukas ang radio, Energy FM ang station. Puro pam-party ‘yung tugtog. Halos magkakasunod kaming dumating bago mag-alas-siyete. Nauna si Mon-Mon, sumunod ako, si Sisa tapos si Mia. Ayun nga, wala pa si Weng-Weng. Mainit na tuloy ‘yung ulo nitong katabi ko.

Ako lahat nagbansag ng mga palayaw nila. Si Mon-Mon, Raymond talaga pangalan niya. Kaso ‘yung boses niya kasi parang kengkoy na anime. Naalala ko sa kanya si Mojacko kaya Mon-Mon na tinawag ko sa kanya. Pero kahit comedy boses niya, siya lang ang hindi hampas-lupa sa’min. Meaning, siya lang ang may kaya sa buhay. Ikaw ba naman naka-kotse, ‘di ba? Tsaka ni minsan hindi ko pa nakitang lukot o may dumi porma nun. Napagkakamalan ko tuloy minsang bading.

Si Mia naman, Melanie. Hawig niya kasi si Mia Khalifa, ‘yung idol kong porn star. Kahawig niya talaga, kulang na lang magsuot siya ng salamin at lumaki pa ng onte ‘yung dyoga niya (malaki na ‘yung dyoga niya para sa height niyang 5’5). At eto sikreto lang, crush ko siya since first year. Pero tangina turn off ‘yung bisyo e. Sarap sana kausap kaso amoy nicotine ang hininga minsan. Boses-ambulansiya naman si Wendy kaya tinawag ko siyang Weng-Weng. Ang liit-liit na tao kasi, ang lakas-lakas ng boses. Kung makipag-usap akala mo nasa Divisoria mga kausap.

Si Sisa? Sherly talaga pangalan nun. Paano kasi, minsan parang wala sa sarili at out of this world ang mga sinasagot ‘pag kinakausap kaya tinawag ko tuloy siyang Sisa. Hindi mo alam kung high o lutang lang talaga. Ayun, awa ng Diyos, tropa pa rin nila ako. Tawag tuloy nila sa ’ken Cesar-Asar. Lakas ko daw kasi mang-asar.

Pero kung tutuusin, hindi talaga kasali sa tropahan si Mon-Mon at Sisa. Nagkataon lang na napasama sila sa grupo namin para sa thesis. Kami lang talagang tatlo nila Mia at Wendy ang close friends. Magmula first year hanggang second year magkakasama na kami. Nung third year na kami, dun na namin nakakasama sila Mon-Mon at Sisa. Ewan ko ba dun sa dalawang ‘yun, parang may mga virus kasi. Walang gaanong kumakausap at tumu-tropa sa kanila kaya tawag ng mga kaklase ko sa kanila mga losers. Sabagay, every time na magsasalita kasi si Mon-Mon tuwing recitation, laging nagtatawanan. Para daw kaming nasa isang episode ng anime pag nagsasalita siya. Si Sisa naman hindi alam ang trip sa buhay. Matalino sana, kaso parang krung-krung minsan. Basta, ‘yun na ‘yun.

Magkaka-klase kami sa psychology sa PUP (Sta. Mesa chapter!). Pare-parehong graduating. Pero pare-pareho ding delicates. At late na naming nalaman ‘yung tungkol dun. Bakit? Si Mon-Mon ang may kasalanan. Nabanggit kasi sa’min ni Prof. Alsima (prof namin sa research psychology) ‘yung tungkol sa mga multo-multo. Meron kasi kaming isang kaklase na hindi nakapasok kasi nakulam daw. Hindi ko na alam ‘yung buong detalye kasi ‘yung nanay na mismo ang kumausap sa prof namin. Tapos hanggang sa naging topic na nga namin ‘yung mga tungkol sa kulam, mambabarang, aswang tsaka multo. Naniniwala daw kasi si prof sa ganun. May third eye daw kasi siya. Tapos nagkuwento-kuwento na din siya ng mga na-experience niya sa campus.

Meron daw sa CR ng lalake pati sa library. Tapos nung tinanong si Mon-Mon kung naniniwala daw ba siya sa ganun. Hindi daw kasi hindi siya nakakakita o nakakaramdam. Ewan ko kung pano lumaki ‘yung issue, basta bigla na lang nagkaron ng debate. Buong section biglang naging interesado sa topic. E sakto’ yung thesis namin nun e medyo related sa mga paranormal issues (naalala ko tuloy ‘yung visit namin sa NCMH sa Mandaluyong). Dun na nabanggit ni prof na medyo tagilid ng two percent ‘yung thesis namin. So ayun na nga, lalong uminit ‘yung issue. Puta, sinimulan sa kulam-kulam tapos ending, malalaman mong babagsak ka pala sa thesis? Edi ganto na nga nangyari.

Kinausap namin nang personal si prof. Siyempre puta damay-damay na e, gago din kasi ‘tong si Mon-Mon e. Kinuwento naman ni prof ‘yung reason kung bakit ganun nga daw ‘yung thesis. Parang kulang daw sa content at hindi convincing yung mga reason pati yung scope nung topic (paranormal versus supernatural ‘yung topic). Bakit ganun daw ‘yung topic namin. Ano daw nakain namin at ganun pa naisip namin, samantalang hindi naman daw pala kami naniniwala sa ganun. Edi syempre debate na naman. Pero kung tutuusin, si Mon-Mon, Mia at Sisa ang may kasalanan nun. Mga interesado sa multo-multo. E siyempre ako gusto ko lang naman pumasa kaya umoo na rin ako kahit parang ang weird-weird nung topic.

Kung saan-saan pa kami nagpupunta, kung ano-ano mga documentaries pinanuod at kung sino-sino pa ‘yung mga in-interview namin para dun. E ni isa sa’min wala namang may third eye, gago nga. Siyempre, kelangan mong magmakaawa at humingi ng ibang option para makapasa. Out of nowhere, nakaisip ng kakaibang idea si prof. Hindi ko alam kung seryoso siya o gusto niya lang kami pag-trip-an.

“If hindi kayo naniniwala sa mga supernaturals o multo-multo na ‘yan, i-try niyo mag-stay kahit two days lang sa bahay namin sa Bulacan. Bahay ng lola ko. Wala ng tumitira dun, matagal na.  Pinapaupahan namin ‘yun pero walang gusto mangupa. Dati meron kaso hindi nagtatagal. ‘Wag kayo mag-alala, hindi ‘yun obvious na haunted house. Maayos at malinis ‘yun. May maintenance kami dun na twice a month naglilinis. Once pa lang ako natulog dun, pero ‘yun na ‘yung una at huli. Hindi ko na ikukuwento kung bakit. Gusto kong i-document niyo lahat ng ginagawa niyo dun while staying. Pictures, videos, bahala kayo. Basta I need some proof na two days kayo nag-stay…”

“E prof, may mga dating estudyante na ba kayong pinapunta dun? O kami pa lang ang una?” tanong ni Mia.

“Wala pa, kayo pa lang. Naisip ko lang, tutal this is a part of your thesis so, why not try? After all, hindi naman kayo naniniwala ‘di ba? No worries, right?” habang pinapagulong-gulong nito ang sign pen sa mesa.

Naloko na. Ngayon lang ako nakakita ng ganung project. Hindi sa natatakot ako o ano, pero sa tono ng boses niya e parang natsa-challenge at the same time e naku-curious ako. ‘Yung mga huling sinabi niya ang talagang nagpa-convince sa’ken pumunta.

“Kung maka-survive kayo dun in two days, ako na bahala sa thesis niyo. And guess what? Magbibigay din ako ng reward, IF, makayanan niyo. Makukuha niyo diploma niyo, may twenty thousand pa kayo. Cash. Ibibigay ko ‘yung kalahati ngayon, pagkabalik niyo ‘yung kalahati. Kelangan niyo ng budget dun, pang-kain. ‘Wag kayo mag-alala at kumpleto sa gamit dun. Pagtiyagaan niyo na lang. May kuryente din dun, kelangan niyo lang buksan ‘yung switch box…”

‘Yung reward ang nagpa-convice sa’ken talaga. Kelangan ko ‘yun, graduation fee. Problema ko ‘yun nung mga nakaraan pa. Kaya pagkakataon ko na. Two days? Tsss, panis.

“Prof, pano kung may mangyaring masama sa’min dun? ‘Lam niyo na…” si Mon-Mon.

“Walang mangyayaring masama sa inyo dun lalo pa nasa loob lang kayo ng bahay. Unless gumawa talaga kayo ng kalokohan. Hindi ko na kayo sagutin ‘pag may nangyaring masama sa inyo…”

Ano ba puwedeng mangyari sa’min dun? Malasing? Bangungutin? Kuhanin ng mga duwende? Kotongan ng kapre?

Tinanong ko kung ano bang meron dun at dine-dare pa niya kaming mag-stay dun. Eto lang nasabi ni prof. “Baka lang magbago pananaw niyo sa mga kwento-kwento…”

Matapos ang maraming tanungan at mahabang-habang discussion, nakumbinsi na rin kami ni prof sa kakaibang project niya. Nagbilin ito sa’min ng mga dapat at hindi dapat gawin. Wala naman, mga house rules lang. After nun, binigay na sa’min ‘yung susi pati ‘yung contact nung maintenance. Lalabas na sana kami ng faculty ng nagpahabol pa siya.

“May isang kuwarto dun na naka-locked. ‘Wag niyo ng pag-interesang pasukin at wala din naman kayong makikita dun. Kwarto ‘yun ng lola ko. Kung ako sa inyo hindi ko na ‘yun pag-a-aksayahan pa ng oras…”

“LAPIT NA DAW SIYA,” pangalawang sindi na ng yosi ni Mia. Halos kakapitik lang niya ng upos sa bangketa ng magsindi ulit. Chain smoker talaga. Ewan ko ba dito, pabago-bago ng trip. Nung mga nakaraang buwan lang pinagyayabang niya ‘yung bago niyang vape. Healthy living na daw siya, takot na magka-cancer. Tapos last week, biglang balik sa yosi. Wala daw kwenta mag-vape. Walang nicotine. Bahala na daw baga niya mag-adjust.

“Malapit sa’n? Sa bahay nila? Putang inang alas-siyete ‘yan…” inis na sabi ni Mon-Mon. Pero hindi naman ako affected sa pagkainis niya kasi parang natatawa pa ko. ‘King inang boses kasi ‘yan. Kengkoy talaga e.

“Ilang oras ba biyahe dun?” tanong ko. Maiba lang topic.

“Tiningnan ko na sa Waze kanina, mga isang oras din kung walang traffic. Kaso hahanapin pa natin ‘yun kaya hindi ako sure na isang oras.”

“Lapit lang pala.”

“Oo nga, pero ‘yung isa hindi pa dumarating. Edi sana nakaalis na tayo ngayon,”

“Kalma lang, maaga pa naman,” si Sisa. Sa wakas nagsalita din.

“Putsa andiyan ka pala?” sabi ni Mia na kunwaring nagulat. Hindi naman na nag-react si Sisa.

Mag-a-alas-otso pa lang pero parang tanghali na sa init. Ang damot ng oxygen, walang kahangin-hangin. Maalinsangan na nga, maingay pa. Mainit ang ulo ng haring araw. Hindi ko alam kung war sila ng oxygen kaya hindi humahangin. Hindi kasi makapag-aircon, ‘yung yosi kasi ni Mia. Ayaw naman niyang magyosi sa labas at baka raw may makakita sa kanya.

“What if…makakakita tayo dun ng multo?” sabi ni Sisa. Walang makapag-react agad. Hindi ko alam kung ayaw nilang patulan ‘yung tanong o masyado lang mahirap sagutin ‘yung tanong.

What if nga?

Ako? Puta hindi ko ata kakayanin. Manuod nga lang nga mga horror hindi na makatulog, ‘yung live pa kaya? Kahit magbasa lang ng mga ghost stories puta minsan hindi ko na tinatapos e. Nagi-stuck kasi sa utak ko.

“Ako, siguro, hindi ko alam. Matatakot siguro. Pero kung wala naman siyang gagawing masama sa’ken e okey lang…” si Mia. Seryoso ‘yung boses. Pero hindi ko alam kung seryoso ‘yung sagot. “Ikaw ba Cesar?”

“Mas maganda siguro kung ‘wag na. Tangina ‘yung dream girl ko nga hindi nagpapakita sa’ken, multo pa?” medyo natawa sila.

“Tanginang ‘to e, seryoso tanong ko e. What if nga lang e…”

“Seryoso naman ako a?”

“Gagi hindi naman third eye makakakita nun. Fourth eye,”

“Fourth eye daw e. Pauso. Wala namang ganun,”

“E wala din namang dream girl e, ikaw ang pauso!” tawanan ulit.

“Pero seryoso. Kung may magpakita man sa’ken, hindi ko alam magiging reaction ko. Matatakot siguro. Ikaw ba pareng Mon?” ipasa ang topic sa mainit ang ulo. Baka mahimasmasan pag nag-divert ang topic.

“Wala. Hindi magpapakita sa’ken ‘yun, takot niya lang.” seryosong pagkakasabi niya. Halatang inis pa din. Pero somehow e pinatulan niya ‘yung topic. Okey na din.

“Seryoso nga kasi. What if nga? Halimbawa naliligo ka sa banyo tapos pagtingin mo sa bintana may nakadungaw?” sabi ni Mia. Isang mahabang hipat, isang mahabang buga bago niya pinitik ang halos kalahati pang yosi sa bangketa.

“Ang tanong, ano ‘yung nakadungaw?”

“Bahala ka. White lady. Kapre. Aswang. Ganun.”

“Kung kapre, aabutan ko ng yosi. Kung aswang, babatuhin ko ng Magic Sarap. Puta ewan ko lang kun’di pa masunog ‘yun. Kumpleto na ‘yun. Tapos ‘pag white lady, aayain ko maligo. Sabay na kami. Pwede naman kasi makisabay bakit mamboboso pa ‘di ba?” ako sumagot. Natawa sila lalo na si Sisa. Cute tumawa, parang hinihikang bata. Ang tinis ng boses. Wala lang. Agaw-eksena lang.

“Ano na?” kinalabit na ni Mia si Mon-Mon.

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.