Achluophobia (Kapitulo Otso)

“NAPAINOM NYO NA BA SIYA NG GAMOT?” tanong niya ulit sa ’ken. Ibinalik niya ang tingin kay Sisa. Mga isang metro ang layo ko sa upuan ni ateng hindi ko kilala. Natapos na ang ilang hakbang na slo-mo papalapit sa kanya mula sa pinto ng likod-bahay, pero yung question mark sa ulo ko hindi pa rin natatanggal.

Sino ba ‘to?

“Hindi pa po…bumibili pa lang mga…”

“Nakakain na siya?” putol niya. Ewan ko, pero nakakatakot siya magsalita. Para siyang Tita Mercy ko. Bawat salita para kang binabara.

“Opo…” yun na lang nasagot ko. Gusto ko pa sana magpaliwanag sa sitwasyon ni Sisa kaso mukhang mababara na naman ako. Nanahimik na lang muna ako saglit.

Hindi siya kumibo. Hinipo-hipo niya yung noo ni Sisa na nakatulog na. Ako naman napalingon sa cellphone ni Mia na nasa mesa. Patay na yung sounds. Weird. Umatras ako ng ilang hakbang, hinila yung monoblock na nasa mesa saka dahan-dahan umupo.

“Aah…eeh…ate…sino po sila?” hindi ko na natiis. Baka lumundag kami agad sa ibang topic pag nagtagal nang hindi ko man lang nalalaman kung sino man siya.

Tumayo siya saka inayos-ayos ang kumot ni Sisa. “Sabel. Tawagin mo na lang akong Ate Sabel. Dati akong nakatira dito. Matagal-tagal na rin…matagal-tagal ng panahon…”

Yung part na ‘matagal-tagal ng panahon’ talaga ang creepy dun. Ewan. Yung pagkaka-deliver niya kasi parang script sa mga horror movies, tss.

Anyway, Sabel. Astig. Parang pang-bold-star ng nayntis yung pangalan. Parang ka-batch niya sila Rosanna Roces tsaka…yung sa ano yun…sa…ayun! Si Priscilla Almeda. Yung sa Sutla. Kaso malabo siyang maging bold star. Naglalabasan na yung mga puting buhok, yung katawan niya parang kulang sa kanin. Hindi naman siya ganun kapayat pero masyadong malaki sa kanya yung t-shirt niya. Ni wala ngang umbok yung boobs. Hindi ko rin makita yung bakat ng bra. Yung pagkakatali ng buhok parang kagigising lang. Pam-probinsya yung tsinelas niya na in fairness, parang hindi nilalakad sa alikabok at putik.

Bumalik na sa pagkakaupo si Ate Sabel ng hindi man lang ako nililingon. Nakatitig lang siya kay Sisa. Ang weird lang ng set-up kasi, well, hindi naman niya kilala si Sisa. Hindi ko siya kilala. At isa pa, nakapasok siya agad dito ng hindi ko man lang alam (oo, alam kong medyo nagtagal ako sa labas).

Pero kilala niya ko. Tinawag niya kong ‘Cesar’ kanina.

Hulaan ko — either kamag-anak ‘to ni Mang Hulyo o kilala ni si Ka Andong. O kilala ni prof. Either way. Gaya nga ng sabi niya kanina, dati raw siyang nakatira dito. So, anyare? 

“Pano niyo po nalaman pangalan ko?”

“Cesar, tama?” tumango ako. “At ito naman si Sherly…” tango ulit. “Mabilis kumalat ang balita dito. Ang lugar na ito ay sagrado para lamang sa mga nakatira dito. Alam namin kung sino ang dayo, at kung sino ang taga-rito. Maliit lang ang baryo na ‘to kaya kabisado na namin ang mga nangyayari sa araw-araw. Ang pagbabago sa kabilang kalsada ay nalalaman sa kabilang kalsada ng mas mabilis pa sa inaakala niyo…”

Wow. Hi-tech. Parang may tatalo na sa mga kapitbahay naming mas mabilis pa sa internet at CCTV ang talent.

Pero hindi naman niya nasagot tanong ko. Pano niya ko nakilala. Kung nagkausap man sila ni Mang Hulyo o yung mga tao sa palengke, imposible pa rin. Wala akong matandaan na nagpakilala kami kay Mang Hulyo, o nagpakilala sa mga tao sa palengke.

O baka naman binigay na ni prof yung pangalan namin sa kanya? Di kaya?

“Dito po pala kayo nakatira dati?” medyo mabait yung tono ng tanong ko. Para mabait din yung tono ng sagot niya. Iniba ko na rin usapan. Mukhang wala naman siyang balak magsabi kung paano niya talaga nalaman pangalan ko. Ang haba ng intro e.

old house photo
Image via Pixabay

Tumango siya. Sunod-sunod. Saglit niya kong nilingon, wala pa atang one second. Parang tsinek niya lang kung may kausap ba talaga siya o isa akong guni-guni. “Hindi ko na matandaan kung kelan ako huling nanirahan dito. Ang natatandaan ko lang…hindi maganda pakiramdam ko sa bahay na ito. Hindi magandang manirahan ng matagal. Mahirap ngumiti, bawal tumawa. Mas mahaba ang oras na madilim kesa sa maliwanag. Bawal maging masaya. Mas natatandaan ko pa kung ilang luha ang naiiyak ko dito kesa sa mga panahong ngumiti ako. Hindi ako sigurado, pero mukhang dito sa bahay na ‘to nakalimutan kong maging masaya…”

Dahan-dahan nagtatayuan ang mga balahibo ko sa braso sa mga narinig ko. Eto p*ta walang talk-shit, yung tono ng pananalita niya parang premonition na may mangyayaring hindi maganda dito. Alam ko, ang korni at masyadong matalinghaga yung pagkakasabi. Masyadong deep…pero p*ta, sa mga sinabi niya kinilabutan talaga ako.

Hindi ako sigurado, pero mukhang dito sa bahay na ‘to nakalimutan kong maging masaya… 

Bawal tumawa. Bawal maging masaya.

Kaya pala. Sumubora nga ata kami sa pagkaligalig.

Iginala ko ang paningin ko sa buong bahay. Pinakiramdaman ko lahat, magmula sa pinto ng banyo, likod-bahay, mga kwarto hanggang dun sa harap. Nasa bandang likod ko nagpakita yung matanda kagabi, wag naman sana siya biglang bubulong o tatabi sa’ken. Ayawan na talaga.

“Kumuha ka ng tubig, yung maiinom…” utos sa’ken ni Ate Sabel. Para naman akong robot na automatic kumuha ng baso sa may lababo sabay salin ng tubig galing sa pitsel na nasa gilid lang ng hugasin. Mabilis kong inabot kay Ate Sabel. Saglit pa, inalalayan niya si Sisa tumayo, saka pinainom. Ang nakakapagtaka lang, ni hindi man lang dumilat o nag-react si Sisa. Basta na lang niya inangat ulo niya saka ininom yung tubig. Pagtapos nun, natulog na siya ulit. Parang wala lang. Para lang siyang…ewan.

P*ta, may sapi na ‘to?

Inabot sa’ken ni Ate Sabel yung baso. Bumalik ako sa pagkakaupo, inilapag ko muna yung baso sa tabi ng cellphone.

“Yung kabilang kwarto, binuksan niyo ba?” tanong ni Ate Sabel ng hindi ako nililingon. Hinahaplos-haplos niya yung buhok ni Sisa.

“Hindi po. Bilin po kasi ni prof na wag gagalawin yung naka-lock na kuwarto. Bale dun po sa isang…”

“Kailan kayo dumating dito?”

“Kahapon lang po, mga tanghali. Ahm, magkakilala po ba kayo ni Mang Hulyo?”

Tumango siya. “Gaya ng sabi ko, maliit lang ang baryo na ‘to. Iilan lang magkakakilala. Kakaunti lang ang kinikilala.”

“E dati daw pong bahay ni Ka Andong to, kaano-ano niyo po siya?

old house photo
Image via Pixabay

“Wala akong kakilalang demonyo,” matigas niyang sabi.

Demonyo? Demonyo si Ka Andong? E yung tingin ng mga taga-palengke sa kanya para siyang boss dito. Lodi-ng petmalu. Tapos demonyo? Kahit nga si Mang Hulyo wala namang nasabing masama tungkol dun. Basta sabi niya lang, dati niyang bahay ‘to.

Ang laki nga galit siguro nito kay Ka Andong. Bakit kaya?

“Sabi ni Mang Hulyo…si Ka Andong daw po yung…”

Bigla akong napatigil sa pagsasalita. Tumitig kasi siya sa ’ken nang matalim. Isang malalim na buntong-hininga bago siya nagsalita. “Ano ang pakay niyo sa bahay na ‘to?”

“A-ano po…bale ano po, para sa school namin. Thesis po…”

Tiningnan niya ko mula paa hanggang ulo. Ngumiti, umiling-iling. Iniharap na niya yung pagkakaupo niya sa puwesto ko. Ipinatong ang kanang kamay sa bandang hita, yung isa naman inayos-ayos yung manggas ng t-shirt. “Ano ba ang mapapala ng pag-aaral niyo sa pagtagal dito? Bakit kelangan niyong idamay ang bahay na ‘to para lang sa edukasyon niyo?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.