Achluophobia (Kapitulo Anim)

PAGAPANG AT DAHAN-DAHAN AKONG UMATRAS SA PUWESTO KO. Tiningnan ko ulit yung dugo, baka dumi lang. Kaliwang kamay ko naman pinampunas ko. Tsk, dugo nga. Sinilip ko ulit ‘yung kuwarto: wala na ‘yung matanda, pero lalo akong kinilabutan sa nakikita ko ngayon. Nakatayo na si Weng at Mia sa ibabaw ng kama. Diretsong tayo, parang mga white lady. Yun nga lang mga nakahubad. Hindi gumagalaw, naka-poker face lang. Alam kong sa ’ien sila nakatingin kahit hindi gano maliwanag. Pakiramdam ko nakatitig lang sila sa’ken.

Nakita na kaya nila ako? P**a wala pang ilang seconds ‘yung pagpunas ko ng dugo kanina a?

Hindi na tuloy ako makagalaw. Nakatingin lang ako sa kanila. Ayaw kong kumurap baka biglang lumabas na naman ‘yung matanda. Ayaw ko rin lingunin yung puwesto nila Mon-Mon. Ewan ko, basta hindi na ko makagalaw sa posisyon ko.

Asan ‘yung matanda?

Bigla ako nilamig. Parang may dumaang hangin ng aircon sa bandang batok ko. Kinilabutan na ko. Pigil-hininga ako na nata-taeng ewan. Gusto ko sumigaw pero hindi ko magawa. Natatakot na nininerbyos na p***g i*a hindi ko na alam gagawin ko! Nawala na nga ata tama ko, p**a! Butil-butil na ‘yung pawis ko sa batok kahit para naman akong giniginaw.

Hindi na tama ‘to. Hindi ako dapat natatakot. Lasing lang ako. Guni-guni lang ‘to. Baka pinagti-trip-an lang ako nung dalawa.

Iba na hangin dito sa loob. Parang biglang lumamig. Ang weird lang kasi kahit nilalamig ako pinapawisan pa rin ako. P**a may sa-demonyo nga ata ‘tong bahay na ‘to! Kaya pala kung makapagbigay ng reward si prof parang wala lang.

T**g i*a talaga ‘tong thesis na ‘to! Dapat gantong oras natutulog lang ako e!

Mga dalawang hakbang ulit akong umatras. Dahan-dahang gapang. Hindi ko inaalis ‘yung tingin ko kila Mia na p**i ng i*a sobrang creepy talaga ng itsura! Labas-dy*ga nung dalawa pero hindi ako nalilibugan. Kahit sino atang manyak matatakot pag nakita itsura nila.

Biglang hinto ako sa huling steps nung hagdan. Dahan-dahan kasing bumaba ng kama sila Mia ng hindi rin inaalis ang tingin sa’ken. Yung mga paa lang nila gumagalaw, yung dalawang kamay nasa tagiliran lang. Huminto sila sa tapat ng pinto. Ganun ulit posing nila pero hindi ko na gaano maaninag ‘yung mukha. Halos silhouette na lang. Nagkakatitigan lang kami. Papalit-palit ang tingin ko kila Mia at Weng. Napalunok ako. Lunok na walang tunog. Sa sobrang takot ko ngayon parang naririnig ko na ‘yung tibok ng puso ko. Mabilis. Sobrang bilis. Naramdaman ko na namang may tumulo sa ilong ko. Dahan-dahan kong pinunasan. Hindi ko na tiningnan. Wala na kong pake kung dugo, sipon o pawis tumutulo sa mukha. Ang mahalaga…

HUWAG KANG MAINGAY…

Halos maihi ako sa boses na narinig ko galing sa likod! Napabalikwas ako sa pagkakadapa ng makita ko yung matanda na nakaluhod sa likuran ko habang nagsusuklay! Nakangiti pero walang ngipin! Wala ding itim ‘yung mga eye balls niya! Halos umabot na hanggang sa sahig ‘yung buhok niyang puro puti! Sa sobrang takot ko napasigaw na ko pero walang lumalabas na boses sa bibig ko! Nilingon ko yung pinto ng kuwarto. Wala sila Mia. Pagtingin ko ulit sa matanda, andun na sila! Parehong nakahawak sa magkabilang balikat nung matanda! Napapapikit ako sa takot habang pinipilit kong sumigaw! Naramdaman ko na lang na naihi na ko sa takot. Dahan-dahan naglabasan ang ihi ko sa pantog habang ramdam na ramdam ko ng unti-unting nababasa yung brief ko pati yung short ko!

HuWag kANg mAiNgay…

“Wuy! Wuy! An’yare sa’yo?” si Mon niyuyugyog ako gamit ang paa. Napatingin ako sa paligid. Halos masilaw ako sa ilaw. Nasa dating puwesto ako, nakahiga, nakadikit ang likod sa pader. Napatayo ako sabay sandal sa pader. Nilingon-lingon ko yung paligid. Nakahiga si Mia sa sofa. Nasa bandang ilalim naman ng mesa si Weng at Sisa na parehong tulog na din.

P**sa panaginip lang pala!

“Wuy? Binabangungot ka ba? Kanina ka pa umuungol p**a porn pa ata pinapanaginipan mo e?” sumandal sa sofa si Mon saka dinampot ang Mang Juan. Tahimik na ‘yung paligid. Patay na ‘yung sounds. Yung ingay na lang ng electric fan ang maingay. Yung alak hindi naubos, halos one-fourth pa ‘yung natira.

“Oo, sama ng panaginip ko…p**a…” para akong hinihingal. Pasimple akong tumitingin dun sa direksyon papuntang kuwarto. Gusto ko i-check kung talagang binabangungot lang ako. Parang totoo kasi yung nangyari. Vivid pa rin yung mga eksena. Parang totoong-totoo talaga.

“O, ano ‘yang nasa ilong mo? Dugo?”

P**sa. Yun na.

Mabilis kong pinunasan ‘yung ilong ko. May dugo nga, pero halos parang patak lang.

“Ano nga yun? Balinguyngoy?” nilapag na niya yung pulutan saka kinuha yung alak. Sinalinan yung baso, inabot sa’ken. Tumanggi naman ako pero hindi ako pinansin. Nilapag yung shot glass sa tapat ko.

Bakit may dugo ilong ko?

Huwag mong sabihing…?

“Ihi lang ako…” mabilis akong tumayo kahit halos hilahin ako ng katawan ko pababa sa pagkalasing. Ang lakas pa rin pala ng tama ko, p**a.

“Dahan-dahan uy, lasing ka na…”

Tiningnan ko agad ‘yung pinto nung dulong kuwarto. Nakasara naman. Napahawak ako sa lababo habang tinititigan yung padlock nung pinto. Hindi naman nagalaw. Walang signs na binuksan o bumukas.

Pero bakit may dugo ilong ko?

Dumiretso na ko ng banyo. Nai-imagine ko ng may bubulaga sa’ken pagbukas ko ng ilaw kaya hinanda ko na sarili ko. Wala naman. Nakahinga na ko ng maluwag. Paspasan akong umihi, hindi ko na rin binuhusan. Medyo basa ‘yung brief ko, mukhang naihi nga ata kanina. Hindi naman halata sa shorts ko kaya okey na rin.

Pero hindi talaga okey. Yung dugo. Bakit may dugo.

“Tagal ko ba nakatulog?” tanong ko kay Mon pagkabalik ko sa puwesto. Namumulutan siya habang nakasandal ang ulunan sa likod ni Mia. Nakapikit din ang g**o. Kinuha ko ‘yung pitsel, chineck kung may chaser pa. Nauhaw kasi ako, parang kakatapos ko lang mag-jogging. Habang nagsasalin ako ng iced tea nai-imagine ko ulit yung matanda pati ‘tong dalawa babae. Imbis na matuwa ako sa dyoga nila kinikilabutan lang ako. Lalo na dun sa matanda. Ang weird. Tsaka parang totoo talaga, p**a.

“Di naman. Nung umayaw ka na plakda ka na din agad. Kala ko nga gising ka pa kaya tinatagayan pa kita. Tulog ka na pala…”

“E sila?” nginuso ko si Mia pati sila Sisa.

“Kani-kanina lang kami natapos. Kami na lang tatlo nila Sisa at Weng naiwan. Eto natulog na din. Bigla na lang humiga.”

“Buti gising ka pa nung binabangungot ako?”

“Tutulog na din sana ako nun, umihi lang. Ihi-suka nga ako, putsa. Pagbalik ko umuungol ka na…” mas okey pala boses nitong g*gong ‘to pag lasing. Nagkakaron ng adam’s apple pansamantala. “Ano ba napanaginipan mo?”

“Basta…yun na yun. Nakakatakot…”

“KJ ang p**a, kwento mo na.”

“Wag na, sabihin mo nananakot lang ako. Tsaka baka matawa ka pa.”

“Oh? Kala ko ba nakakatakot? E ba’t ako matatawa?”

Hindi na rin ako nakatiis. Kinuwento ko na rin yung buong panaginip ko. Yung mga highlights lang. Di ko na binanggit yung nakahubad sila at baka magdada-daldal pa ‘to sa kanila. Natawa siya nung sinabi kong naghahalikan ‘yung dalawa.

“P**sa ang creepy nga! Hahaha! Mas creepy pa dun sa matanda! Hahaha!” tinuro-turo pa nito yung nasa likuran pati sila Weng. Maubo-ubo pa siya habang tumatawa.

Hindi na ko kumibo. Pasimple akong sumisipat dun sa direksyon papunta sa ‘forbidden room’. May hangover din kasi ako ng panaginip ko, parang totoo talaga.

Huwag kang maingay. Huwag kang maingay. Ume-echo ulit sa tenga ko. Kabisado ko pa rin yung boses. Parang matatandang boses sa mga horror movies.

“Anong oras na ba?” tanong ko. Humiga na ko ulit, pero ‘yung ulunan ko nasa harap lang nila Weng. Nahihilo na ko talaga at kelangan ko ng itulog ‘to. Bale yung harap ko kita ko yung daan papunta dun sa banyo, yung paanan ko nasa bandang pinto. Ayoko umulo sa bandang pinto at baka pagmulat ko may matanda na naman.

“Past one na…” sagot niya pagkatingin dun sa cellphone ni Mia na nakasiksik lang din dun sa bandang ulunan niya. “Patayin ko na ilaw, tulog na tayo…” saka siya tumayo nang dahan-dahan.

“Wag na, p**a ka! Yaan mo na nakabukas!” halos pasigaw kong sabi. Takot na kung takot, p**a!

“Haha! Oo nga! Baka biglang may matandang tumabi sa ’kin…” umupo ulit siya sakaa inusog-usog yung mga pinag-inuman saka siya humiga. Nakapatong ‘yung isang paa sa sofa malapit dun sa paanan ni Mia.

Galawang manyak din si g*go.

“Patugtog tayo para makatulog agad…” pahabol ni Mon. Di naman na ko nag-react. Hindi ko rin kasi alam kung mas okey may tugtog para wala akong ibang marinig, o huwag na kasi baka may biglang sumingit na boses na naman sa kanta.

“Hinaan mo…” sabi ko nung medyo malakas yung volume nung kanta Medyo hininaan din naman niya, saktong para lang kaming nakikinig ng radyo. Now playing: Faithfully by The Journey.

Hindi ko alam kung matagal-tagal na ko nakakatulog, Nagising akong sobrang tahimik, nakapatay ang ilaw AT PATAY YUNG SOUND. Tiningnan ko si Mon, tulog na tulog pa din. Ganun din si Mia na hindi pa rin nababago yung puwesto. Natigilan lang ako bigla ng may marinig akong humihikbi at sumisinghot. Pag-angat ko ng ulo, kita ko si Sisa: nakaupo habang nakadukdok yung ulo sa dalawang tuhod. Nakatakip ‘yung dalawang kamay sa mukha. Si Weng tulog na tulog pa din.

Katakot naman itsura nito! Baka nananaginip na naman ako, p**a talaga ayawan na!

“Huy? Bakit? An’yare sa ’yo?” tanong ko sabay pilit ko siyang inaabot para kalabitin. Nangalay ako agad sa bigat ng kamay ko. May tama pa rin pala ako. Kinalabit-kalabit ko siya hanggang sa iangat niya yung ulo niya.

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.