Abaya at Trahe de boda

O ang makasama kang nakatago sa likod ng Abaya at ang tanging kalayaan ay ang ikaw ay makasama.

Abaya at Trahe deboda
Mary Margareth Castaneda

O ang makasama kang nakatago sa likod ng Abaya at ang tanging kalayaan ay ang ikaw ay makasama.
O ang makasama kang nakatago sa likod ng Abaya at ang tanging kalayaan ay ang ikaw ay makasama.

Sa likod ng maitim na tabing
kitang kita ko pa rin ang mundo
na minsan ko nang nakasanayan
noong nasa piling mo.

Sa kabila ng butil ng mga buhangin
na araw araw kong nilalakad
ay ganun din karami ang mga
rason kung bakit ako naglayag

Sa dami ng aking mga pangarap
na ayaw mong hakbangin
Dahil sapat na sa iyo ang
diyan lang tayo makarating.

Natagpuan ko ang sagradong ligaya
sa piling ng ibang bituin
Na siyang sumakop sa kadiliman
at muling bumuhay sa akin.

Ang krus at ang buwan ang naglalaban sa isip
Kung ganap nga ang pagmamahal,
saan ako papanig?

Kaya ko bang talikuran ang buhay na iniibig?
kung kapalit nito ang kamatayan ng kalayaan,
ako ba’y padadaig?

Sa likod ng maitim na tabing
at balot na kasuotan.
‘Di ako sigurado kung kayang panindigan

Ang pagbitaw sa lahat
ng masasayang kinasanayan,
ay hindi kasiguraduhan na magiging akin ka lamang.

Dito sa gitna ng itim at puting linya ng pagdududa
ipagpapaliban ko ang puso at sa utak ko aasa.

Dahil kung ako’y magkamali
hindi ko na makikita
ang bukas na inaasam sa pagdilat ng mga mata.

Ang maglakad sa pasilyo nang may suot na puti
At bulaklak ang ihahagis sa bawat pagngiti.

O ang makasama kang nakatago sa likod ng Abaya
at ang tanging kalayaan ay ang ikaw ay makasama.

About emstarr14

A Nurse OFW, formally school journalist whose passion is to create piece of art through writing. "Ang paghalik ng pluma sa manipis na anyo ng kahoy ay isang pag-ibig na wagas" ang pagbabalik loob sa pagsulat
Source :

Abaya at Trahe de boda