Abangan Ang Susunod Na Kabanata.

09:25 P.M. | 02/01/2013
ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA LOGO (Photo credit: youtube.com)

Balik-tanaw sa dekada nobenta, ang panahon na kada gabi ay parte palagi ng primetime television block ang mga situational comedy o “sitcom.” At sa tingin ko, e dapat muling isabuhay ang mga ito sa panahon ngayon.

Isang palabas na nagsisilbing “political satire” sa Pamahalaan ng bansang Pilipinas. Isa sa mga sarswela na naglalarawan ng tatlong estado ng buhay sa Pilipinas, mula sa mga elitista, hanggang sa may-kaya hanggang sa mga dukha. Abangan ang susunod na kabanata.

Una itong sumahimpapawid noong a-6 ng Enero, 1991 at tumagtal ng anim na taon. Bagamat noong nagkamalay ako sa mundong ito, madalas ko itong napapanood nang kada Martes, alas-9 yata yun ng gabi. Kasama ang mga tanyag na artista sa katauhan nila Tessie Tomas, Noel Trinidad, Nova Villa, Joji Isla, Anjo Yllana, Carmina Villaroel, Jennifer Sevilla, Roderick Paulate, Sammy Lagmay, Winnie Cordero, Carmi Martin at marami pang iba.

Isang pamilya mula sa mataas na antas ng lipunan – ang erpat ay korap na pulitiko, ang asawa naman ay pangsariling luho lamang ang inaatupag, at isang saksakan ng pagkabayolenteng anak (palibhasa may sapak sa utak). Samahan mo pa ng isang bodyguard na handang makipagdahasan sa iba maprotektahan lang ang kanyang pinaglilingkuran. Ang Pamilya Tengco na mas naihahalintulad pa sa pamilya ng dating diktadurya.

Ang nasa ibang katauhan naman sa nasa middle class ay isang social climber na uhaw sa pagkamit ng kayamanan. Isang baklang beautician na asawa naman ay isang tangang night club dancer. Oo, tanga dahil sa isyu ng sekswalidad ng kayang kabiyak.

At sa lipunan ng mga pobre (teka, pobre nga ba?), ay may isang mama na palpak ang diskarte sa paghahanap ng mapagkakakitaan, at samahan mo pa ng isang asawa na walang inatupag kung ngawa nang ngawa sa kanya.

Akda ito ng batikang direktor, kritiko at manunulat na si Jose Javier Reyes, sa direkyon ni Johnny Manahan. Sa kabila ng pagpapatawa, ang isa sa mga adhikain ng palabas na ito ay ang maging aware ang manunood sa mga nagaganap sa kanyang kapaligiran. Ano talaga ang nangyayari sa bansang Pilipinas noon, maliban pa sa mga nakakaurat na masasamamang balita na laging nakikita sa mga pambalitaan tulad ng TV Patrol at The World Tonight.

tumblr_l6n1lkJGX31qatgzn1
Photo credit: memorykill.tumblr.com / bebsisms.wordpress.com

Hindi man ako totally aware sa mga nagaganap noon (dahil bata pa nga ako noong pinapalabas ito sa TV), ngunit hindi ko makakaila na isa ito sa mga palabas na nagpaalala sa akin ng magandang kalidad ng programa sa telebisyon noon. Alaala pa nga ito ng masayang childhood.  Iyun pa ang panahon na nagagawa pa magbiro ng media sa mga sitwasyong pulitkal at kasalakuyang kaganapan, partikular na ang ABS-CBN noon.

Minsan habang pinapanood ito sa Jeepney TV block ng  Studio 23, minsan pumasok sa isipan ko na “bakit kaya wala na ang mga ganitong palabas sa primetime TV ngayon? Panay romansa espesyal at mga karahasan-sa-ngalan-ng-pagmamahal na lamang ang nakikita?”

Isa lang masasabi ko, tulad ng pamagat ng palabas na ito at ng mga eksena sa lipunan… ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA!

Author: slickmaster|(c) 2013 september twenty-eight productions
Sources:
http://en.wikipedia.org/wiki/Abangan_Ang_Susunod_Na_Kabanata
http://carlrulestheuniverse.blogspot.com/2013/01/abangan-ang-susunod-na-kabanata.html
http://memorykill.tumblr.com/post/903664878

Follow slickmaster via:
Twitter @slickmasterphThe SLICKMASTER's Files on Tumblr; 
and like him up on his Slick Master Facebook page. 
Know him more via the article DFBI Blogger of the Week 9 (Slickmaster).

 

 

 

 

Enhanced by Zemanta