Aalis na Si Nene

(Photo credit: Pinoyexchange)
(Photo credit: Pinoyexchange)

Tuwang-tuwa si Nene; nakatanggap siya ng text galing sa agency.  Dumating na ang visa niya papuntang UAE.  Excited na excited niyang ibinalita agad sa kanyang pamilya at pangalawa, mega post sa Facebook.  Natural naman, ang kanyang mga kaibigan ay humirit na magpainom siya dahil paalis na nga siya.  Hindi naman nagdalawang-isip ang ale; ayun, nagpunta kay aling Marta at nangutang ng gin bulag saka pulutan.  Siyempre, dahil sa maliit lang ang kanilang lugar madaling kumalat ang balitang paalis na si Nene, kaya nagpuntahan ang mga usyusero at usyusera, tambay at manginginom sa kanto. Ayun, ang kanyang nanay hindi magkamayaw sa pag-aasikaso sa mga bwisita at natural ulit, pupunta na naman siya ke aling Marta upang mangutang.

(Mga kapatid, isa po ito sa maling gawa nating mga Pilipino.   Huwag mo nang itaas ang kilay mo, basahin mo muna. Bago po tayo gumastos ng pang-treat agad-agad, isipin po muna natin kung bakit kailangan nating mangibang-bansa. Lalayo ka kasi kailangan mong tumulong sa pamilya mo, pero paano ka makatutulong kung hindi ka pa nga nakakaalis eh, baon ka na agad sa utang sa tindahan? Hindi naman nakamamatay kung umiwas ka muna sa mga kaibigan mo na walang alam gawin kundi magpalibre ng inumin .  hehehe Pero kung sila ang bibili, aba, go… why not?)

Ayan na si Nene, nag-iimpake na ng gamit, maluha-luha.  Ilang pirasong sando, short at kung ano-ano pang anik-anik (muli po, mga kapatid, isaalang-alang natin ang bansa na ating pupuntahan.  Kung sa Gitnang Silangan, alam naman po natin na muslim na bansa ito. Dapat ba tayong magsuot ng short at sando sa labas? Natural na pagtitinginan ka ng ibang lahi at ang pinakamatindi diyan, mababastos ka pa, keri mo ba yon?  Kung makatingin pa naman silaay  para ka nang nakahubad; keri mo ba ulit yon? at higit sa lahat, paano kung bigla kang mahila sa isang sulok, sa alam mo na, matsuk tsak ka ayyy nako it’s a big no no no).

Nagkukumahog na ang pamilya ni Nene sa pagpunta sa agency dahil late na natapos sa pagliligpit ng gamit at pagkukuwentuhan.  Panay ang pangaral ng magulang ni Nene.

“Anak,  huwag mong kalilimutan yung size ng sapatos ng kuya mo ha.  Yung ate mo naman, gusto niya ay gold na kuwintas at hikaw at si bunso naman, padalhan mo naman ng Psp saka celpon na din.  Alam mo naman, ang hirap kasing hanapin ng kapatid mo; para itetext ko na lang siya kapag kakain na kami.  Ayyy, ‘yung mga pamangkin mo nga pala, padalhan mo rin ng mga sapatos, laruan saka pati na rin gatas ha.  Balita ko, mas masarap daw mga gatas dun eh at  saka pala sa tatay mo, gusto niya iphone; mahilig sa music tatay mo eh.”

(Patay… ang daming bilin kay Nene, makahinga pa kaya siya?  Mga kapatid, alalahanin po natin na ang mga mahal natin sa buhay ay mangingibang-bansa upang makatulong sa pamilya, hindi para ibigay ang mga luho ng bawat isa.  Kung maibibigay man nila ito, bonus na lang po ito.  Isipin din natin; magkano ba ang sahod ni Nene?  Ano bang trabaho niya doon?  Magiging ok kaya siya dun?   At higit po sa lahat, gastusin  natin nang wasto ang ipinadadala ng ating kaanak at kung makapagtatabi pa tayo buhat sa kanya padala ay napakainam po niyan kung halimbawa man na nagka-emergeny, hindi na niya kailangan pang mangutang sa mga nagpapa-5-6 sa ibang bansa.)

 Ang pangingibang bansa ay pakikipagsapalaran na with God’s will ay ok ang mapuntahan mo. ‘Wag ka rin makalilimot sa kanya kasi dito sa ibang bansa, wala kang ibang kakapitan kundi ang ating Lord Jesus Christ.

cf.12/06/12

About cheche_francesca

simpleng babae mahilig magbasa ng blog trying hard na magsulat 😀