A Story of Love (The Sequel) – “Pancakes”

(Ako si Ronoroa, nasa third year sa kursong Architecture. Nagtapat ng pag-ibig sa isang napakaespesyal na babae, ang best friend kong si Char, pero sa biro ng tadhana, sa mismong araw na nagtapat ako, nagkaroon kami ng aksidente, at nawala ang alaala n’ya na nagtapat ako sa kanya at tinanggap nya ako. Gumising siya na best friend pa din ang tingin sa akin. Hanggang kailan ko kakayanin ang ganitong set – up?)

(Read the first part here: http://www.facebook.com/note.php?note_id=383985338296669)

Umaga na naman. Nagising ako sa tunog ng alarm clock. Ako na lang yata gumagamit ng alarm clock ngayon, karamihan kasi cellphone na din ang pumalit sa trabaho ng relo. Maaga akong gumigising para makapagbihis agad. Dadaanan ko si Char, araw-araw, sa buong Linggo, bumababa siya ng hagdan ng bahay nila na ako ang nabubungaran nya.

Kailangan kong bilisang gumayak, magluluto pa ko ng pancakes; sana may saging pa kami sa ref. Peace offering ko sa kanya. Ewan ko ba kung kailan nagsimula, pero tuwing may kasalanan ang bawat isa sa amin at masyadong mabigat kailangan namin ipagluto ng pancakes yung isa’t isa. Pag level one ang kasalanan, syrup lang ang kasama, pag level two syrup at fresh bananas, pag level three, syrup, fresh bananas at cheddar cheese. Hayz… Sana may saging, balak ko magprepare ng level three. Mukhang nagalit siya nang husto sa ginawa ko kagabi.

Hanggang ngayon, tuwing maaalala ko, nanggigigil pa din ako kay Jairus. Gago talaga siya para bastusin si Char nang ganun. Kahit kaibigan ko pa siya, o governor pa siya ng school namin, wala akong pakialam, dahil siya naman ang ‘di lumugar sa tama.

Tama na siguro tong tatlo, kailangan ko nang umalis. Pupunta pa ko sa kabilang bahay. Gising na sana si Char. Halos ‘di na ko nakakain ng almusal, at patakbong pumunta sa kabilang bahay. Nag-door bell ako. Matagal na walang nagbukas, pumindot ulit ako… Wala pa din… Isa pa…

Maya-maya lumabas yung yaya nya, nakangiti ito nang makita ako. “Good morning pretty nanang… Si Char po?

Ngumiti ang matanda, binuksan ang gate at ginusot ang buhok ko. Umiwas naman ako, alam n’ya na ayaw kong hinihimas yung ulo ko, para kako akong paslit pag ginagawa n’ya yun. Hinanap ko ulit si Char. Nagulat si Manang, sabi kaaalis lang; akala daw nya eh dinaanan ko na. Nagulat ako, tiningnan ko yung relo ko, 6: 30am… Eto naman yung usual na alis namin dalawa. Naangat ko ng di-oras yung hawak kong pan cakes na nasa styro… Natingin si manang… “Eh kaya naman pala nagmamadali umalis… nagkatampuhan pala kayo…” Nagtataka man ako kung bakit alam ni manang yung tungkol sa istorya ng pancakes, nagpaalam na ko para makasakay sa bus papasok sa school namin.

Maghapon kong hinahanap si Char sa building namin, pero hindi ko siya makita. Tinanong ko na siya sa classmate nya, sabi hindi daw yata pumasok, maghapon na daw nilang ‘di nakikita. Nag-alala ko… Sinubukan ko siyang tawagan. Ring lang. Tawag ulit. Ring lang talaga. Nagsisimula na ko mag-alala. Bitbit yung pancakes na ginawa ko, nag-ikot-ikot ako sa school. Hanggang sa makita ko yung janitor na naglilinis ng Botanical Garden para sa Biology Department. Nakita daw niya si Char, malapit sa floral garden, nakaupo sa bench. Kanina pa nga daw dun, mga isang oras na daw. Nakahinga ako nang maluwag. Ano kaya naisip ng babae na yun at hindi pumasok eh nandito naman pala sa school?

Lakad-takbo na ang ginawa ko. Nakita ko si Char, medyo nakatagilid na nakaupo sa bench. Nakahinga ako nang maluwag, at nangiti. Naglakad ako, nakaangat ang kamay na may dalang pancakes, tinawag ko siya, “Char, peace offering oh… bati na ta…. yo…”

Muntikan ko ng di matapos ang sasabihin ko… May kasama pala siya. Si Jairus, may pasa pa malapit sa kaliwang kilay. Di ko agad napansin pero parang may napakaimportante silang pinag-uusapan. Magkalapit pa nga silang mabuti, siguro ayaw nilang may ibang makarinig.

Lumingon si Char nung tinawag ko siya. Hindi ako makapagsalita. Ang sakit. Ang sakit-sakit. Gusto kong sumigaw. Umiyak sa harapan niya. Magmakaawa siguro. Gusto kong sabihing sana ako na lang. Na sana ako na lang ulit gaya dati. Gusto ko siya yakapin, sabihin na mahal na mahal ko siya. Gusto kong makiusap na alalahanin nya lahat ng pinagsamahan naming dalawa. Gusto kong palayain yung napakabigat sa dibdib ko. Gusto ko sabihin sa harapan na, “Mahal kita Char, mula noon pa… Andito lang ako lagi sa tabi mo… Kailan mo ba ako maaalala…?”

“..ah… eh…. ahm… sorry char, di ko napansin may kasama ka...” pilit kong pinatatag yung boses ko, kahit pakiramdam ko eh kahit ano mang oras ay maiiyak na ko. Unang beses nangyari na umalis siya at nakipagkita sa iba na di ko alam. Umaasa kasi ako, na kahit bilang best friend nya, may espesyal pa din akong lugar sa puso niya. Kaso pati yun, mawawala na yata.

“…p’wede bang mamaya na lang tayo mag-usap, Ron…” mahinang sabi ni Char. Hindi man lang makuhang tumingin sa akin. Ganun ba talaga katindi yung galit niya sa ginawa ko kay Jairus? Ni hindi niya ako matingnan sa mata. Nagkiskis na yung ngipin ko sa ngingit habang nakatingin ako sa kanya.

“…ahm, eto yung pancakes… level three yung ginawa ko…” kasunod ang napakatamis na ngiti na matamis pa yata sa syrup na nilagay ko. Pero ni hindi ulit siya tumingin. At sinabing iwan ko na muna sila… Nasaktan man, pero nirespeto ko pa din yung hiling nya. Nang marinig ko si Jairus, na nagsalita ng mahina na “mas makakatulong siguro kung alam n’ya…?”

Hindi ako nakapagpigil. Halos pasigaw akong nagsalita habang nakatingin kay Jairus. “Ano yung kailangan kong malaman?!”

Parang bigla nagulat si Char, napatingin sa akin, naninimbang ‘yung mata nya kung ano ang susunod kong gagawin. Tapos lumipat yung tingin nya kay Jai. “Ano yun sabi..?!” akmang susugod ako kay Jai nang tumayo si Char at pumagitna sa aming dalawa.

Tumingin ako sa kanya. Punong-puno ng tanong. Manhid na lang siya kung di niya maaaninag sa mata ko ang sakit at bigat. “Umalis ka na muna Ron, tsaka ko na sa’yo sasabihin…” nagbaba siya ng tingin. Lalo akong nanggigil malaman yung tinatago sa akin. Inabot ko sa damit si Jai, at sabing “pare! sabihin mo na… ano ba yun!”. Pero itinulak ako ni Char.

Nakayuko ako at hinayaang tumulo ang luha ko. Parang eksena sa pelikula. Para kaming tanga. Pero yung sakit na nararamdaman ko, hindi arte. “Gusto mo ba talagang malaman ha! Gusto mo?!…” Ni hindi ko kayang magtaas ng ulo upang tingnan siya. Basag yung boses ni Char, para siyang naiiyak.

“Kami na ni Jairus. Kaya ayoko nang manggugulo ka pa.” Parang pinukpok ng maso ang buo kong pagkatao na naging dahilan para tumigil yung mundo ko. “Hayaan mo na ako. Kaya kong mabuhay ng walang tulong mo…”

Tumalikod ako at walang tinging naglakad palayo sa lugar na yun. Naulinigan ko pa silang nag-usap, narinig ko pa si Jairus na nagsabing, “sigurado ka bang ayos lang ginawa mo…?”

Kung ano man ang sinagot ni Char, wala na akong pakialam. Ganito pala yung pakiramdam. Parang gusto kong tumawa na umiyak. Hindi ko alam kung ano yung pakiramdam na yun. Literal pa lang nakakabaliw. Naglakad lang ako ng naglakad ng walang iniisip. Nakayuko at hinayaan ang paa kong kumilos mag-isa.

Huminto ako pagkatapos ng matagal-tagal na paglalakad, nag-angat ng ulo at muntikan na namang maiyak na makita ang sarili ko sa ilalim ng punong mangga sa park. Umupo ako sa ilalim nito, pag-angat ko ng kamay ko, nakita ko bitbit ko pa din yung pancakes. Ibinato ko ‘to sa puno ng mangga. Tumama sa katawan ng puno at nalaglag walang abog malapit sa mga nakausling ugat. Habang nalaglag yung pancakes, parang nakita yung katawan ni Char nung gabing iniligtas n’ya ko sa aksidente. Yung Char na minamahal ko. Yung Char na unti-unti nang nawawala sa buhay ko.

(...I don’t wanna run away, but I can’t take it, I don’t understand...) Putcha, timing si Manong tindero ng fishball. Huminto pa nang medyo malapit sa akin. Todo sounds pa.

(…If I’am not made for you then why does my heart tells me that I’am

Is there any way that I can stay, in your armmmms……)

Kaya ko pa bang mag-intay? Kaya pa! Sabi ng mas mahinang parte ng sarili ko. Pero ang sakit-sakit na. Umiyak ako. Sinuntok yung pancakes. Ang sarap pala. Sinuntok ko ulit, hilam ng luha ang mga mata, sinuntok ko nang sinuntok yung pancakes.

(…’Cause I miss your body and soul so strong

That it takes my breath away

And I breath you into my heart

And I pray for the strength to stand today..)

Huminto ako, pinakiramdaman yung kamay ko. Sa dulo nun ay durog na pancakes. Hindi pa, hindi pa sapat. Sinuntok ko ulit. Walang pakialam sa tumutulong luha sa mata ko.

(…‘Cause I love you, whether it’s wrong or right

And though I can’t be with you tonight

And though my heart is by your side…)

Nang biglang may humawak sa kamay ko at pumigil dito.

Tama na Ronoroa, dumudugo na yung kamay mo.”. Oo nga, ‘di iisang sugat ang nakita ko sa kamay ko. Pero bakit parang wala lang yung sakit nun kumapara sa nasa dibdib ko.

“Tatalian ko ng panyo ha.. tama na.. kumalma ka na…” babae ang pumigil sa akin. Si Charie. Classmate ko. Kinalma ko yung sarili ko. Hinanap yung bag ko na sumabog yata yung laman nang iitsa ko sa tabi ng puno.

Ako ng kukuha ng gamit mo.” sabi ni Charie, hinayaan ko na siya. Tumahimik na ko. Nagtataka ako kung bakit andun siya o kung bakit ‘di siya nagtatanong kung bakit sinusuntok ko yung kawawang mangga, o kung bakit ako umiiyak kanina.

“Bakit nandito ka?” bigla kong naitanong sa kanya.

Pasensya ka na, sinundan kita.” Nagtataka akong tumingin sa kanya. “Narinig ko ang nangyari, andoon ako malapit sa inyo nila Char…” Natahimik ako.

“Ang swerte niya...” tumingin ako sa kanya, nagtataka dahil may ilang luhang gustong pumatak sa mata n’ya. “...ang swerte niya dahil umiiyak ang kagaya mo para sa kanya… ikaw na handang gawin lahat para sa kanya...” kumunot yung noo ko, nakahanda sana akong magpaliwanag na magkaibigan lang kami ni Char.

Alam kong gusto mo siya… na mahal mo siya… Alam ko ang pakiramdam ng pagmasdan lang yung mahal mo… parang ang lapit lang n’ya sa ’yo dahil abot tanaw mo siya… pero napakalayo pala ng pagitan ng mata sa puso… kahit anong gawin.. hanggang tanaw lang...” Di ko maintindihan kung para sa akin pa din ba yung sinasabi nya.

“Naiintindihan kita dahil ako man, hanggang tanaw lang ang kaya kong gawin para sa’yo…” Tumingin ako sa kaya na may pagtataka.

“Mahal kita Ron. Noon pa, pero alam kong mahal mo si Char. Kita ko sa sigla ng mata at ngiti mo pag nasa paligid na siya. O sa lungkot at tamlay pag mag-isa ka na. Nakakatuwang isipin na dalawang letra lang ang pagkakaiba ng pangalan namin ni Char, pero para sa’yo, maaring habangbuhay na kaligayahan yung pagkakaiba na yun…”

Sinabi ko na hindi ko alam na ganun pala yung pagtingin n’ya sa akin. Ayos lang daw. Hindi ko naman daw obligasyon na alamin yun, sinisikap daw niyang maging masaya kapag masaya ko. Pasensya na daw at dumadagdag pa yata siya sa maaring iisipin ko, hindi lang daw niya matiis dahil nasasaktan siya na nakikita akong nagkakaganito.

…sabi nila, bulag daw yung paningin ng taong sobrang nagmamahal… hindi ako naniniwala… ang totoo, nakikita nila lahat… kagandahan… kapintasan… pagkukulang.. pero dahil nakikita nila lahat, pati dahilan sa bawat nakikita nila sa taong yun, alam nila… kaya sa dulo, pinipilit nilang intindihin lahat… kaya kahit sabihan silang bulag, tanga o manhid… ok lang… nagmahal sila eh… kagaya nila, nagmahal lang din ako…” sabi ni Charie habang nakatingin sa papalubog na araw. Tsaka ngumiti nung naglipat siya ng tingin sa akin.

Natahimik kami sandali, malapit nang lumubog yung araw. Bigla ko nabanggit, “bakit ganun magmahal yung tao… walang sigurado… bakit kailangan mo pang masaktan… bakit ka nakakasakit kahit di mo sinasadya…?”

“...hindi ko din alam eh… kung bakit yung mahal mo, may mahal na iba… at bakit yung mahal na iba ng mahal mo, may mahal din yatang iba…” sabay kaming nangiti ni Charie… “hindi ko alam kung bakit pag nagsimula ka ng magmahal, di mo to madiktahan… kahit sabihin mong hindi pwede, o masasaktan ka lang… hindi pwedeng hindi siya pagbibigyan…” sabi pa nya.

“…mahal mo ba ang tao dahil sa pagkakilala mo sa kanila… sa pinagsamahan… sa pinagdaanan… sa alaala… o mahal mo ang tao dahil sa siya ay siya…? Nawawala ba ang pagmamahal pag nawala ang alaala mo sa taong mahal mo…? “bigla ko ulit nabanggit. Noon lang kasi gumaan yung pakiramdam ko, parang noon lang ako nakaharap ng makakaintindi sa akin.

Ha? Ano yun?” naguluhan yata siya.

“…wala, kalimutan mo na yun… paano uwi na tayo?..” yaya ko sa kanya.

“...sige mauna ka na, may kailangan pa akong puntahan eh…” Iniwan ko na si Charie. Gumaan ang pakiramdam ko, yun ang totoo. Pero masakit pa din, tuwing maaalala ko yung sinabi ni Char. “Hayaan mo na ako. Kaya kong mabuhay ng walang tulong mo…” Napakahirap naman kasi ng gusto niyang mangyari, simulan kong mabuhay na hindi na siya parte ng mundo ko…

Lumipas ang ilang linggo, at napapadalas kaming magkausap ni Charie sa ilalim ng mangga. Binabasa n’ya yung tula ko, at tinuruan ko na din siyang gumawa. “Ayan, ganyan sana ngiti mo… Kagwapo lang.. Tangos ilong oh…” madalas niya kong lokohin, pero inaamin ko napapangiti niya ko. Sinimulan naming tumingin ng bituin, maligo sa ulan… Parang nagbalik na yung dating Char sa buhay ko. sa pamamagitan ni Charie… Parang ok na lahat… Magkita man kami ni Char, ako na ang umiiwas…

Minsan, tumawag si Charie sa akin, punta daw ako sa may mangga sa park, magkita daw kami dun. Dali-dali naman akong nagbihis, may naisip na naman sigurong gawin yun. Habang nag-iintay di ko maipaliwanag kung anong excitement nararamdaman ko… Para akong batang iihip ng kandila sa cake… “Ano ba tong nararamdaman ko, nahuhulog na ba ko kay Charie?..” Nakaupo ako sa mangga ng biglang may tumawag sa akin…

“RONOROA!!!…”

“Char… ie…” Pabulong ko na lang nasabi yung huling parte.Hindi si Charie ang nakita ko dun, kundi si Char. Nagulat ako, pinakiramdaman ko kung anong nararamdaman ko nung panahon na yun… Malabo… Napansin ko, umiiyak si Char habang nasa likod n’ya yung dalawang kamay nya…”

(…Lying here with you, listening to the rain

Smiling just to see the smile upon your face…)

Shit naman si manong fishball. Timing pa din? Napakagaling naman magpapatugtog ng music.

“...baket..? anong kailangan mo…?” tanong ko, umiiyak nga si Char…

Ronoroa…”

(…These are the moments I thank God that I’m alive

These are the moments I’ll remember all my life…)

“Ano..?” Inilabas n’ya yung isang kamay nya.. Pancakes… may bitbit siyang pancakes, ‘di man lang nakuhang isupot..

Pancakes... “(tuloy-tuloy ang luha ni Char) nagtataka man, tumahimik lang ako…

Ronoroa bati na tayo….” di ako sumasagot… Inilabas n’ya ‘yung isang kamay n’ya. Laking gulat ko sa nakita ko…

(…I found all I’ve waited for

And I could not ask for more…)

“Ronoroa… sabi mo I let you see the world through my eyes…”

Hindi pa din ako makapaniwala, paano napunta sa kanya yun.

Pero alam mo bang nakita ko yung ganda ng mundo dahil din sa’yo..?”

Nagsisimula na din akong umiyak.

“I was damned more of an idiot for not to remember…

…that I promise to love you forever…”

“Naaalala ko na lahat..!.”

“Ronoroa… Mahal kita…!”

(“…I could not ask for more than this time together

I could not ask for more than this time with you

Every prayer has been answered

Every dream I have’s come true…)

Inangat niya ang kamay n’ya, dala ang limang sticks ng fishball habang hawak din ang maliit na notebook na sulatan n’ya nun ng tula. Notebook na matagal ko nang itinago sa kanya mula nung gabing naaksidente kami, at mawala yung alaala nya.

“…And right here in this moment is right where I’m meant to be

Here with you here with me…)

…Hoy! Ronoroa! Magsalita ka naman gago ka… Mahal kako kita!…” pasigaw niyang sinabi sa akin at parang batang nagmamaktol. Ngumiti ako… Ngumiti din siya, pero hindi mapigil ang pagbagsak ng luha sa mata nya… Umihip ang hangin, nalaglag ang mga tuyong dahon ng mangga na parang sumsayaw sa hangin, nakikisaya yata sila, dahil sa wakas, naalala na n’ya… Nakatulala ako sa kanya, takot kumurap at baka mawala siya…

(“…And I could not ask for more

I could not ask for more…)

….at sa kabila ng pagpatak ng luha, binuka ko ang aking bisig, para yakapin ang babaeng kaytagal kong inintay….

Music Credits: (Baka mademanda tayo ng paglabag sa copyright law.. :P)

If you’re not the one – Daniel Bedingfield
Could not Ask for More – Edwin McCain

 

Bitin sa nabasa? May third part pa: http://www.facebook.com/note.php?note_id=396609050367631

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^