5 Life Lessons sa MRT

Karamihan ng mga nasa Metro Manila at ng mga nakasubok na sumakay dito, kakambal na ng araw-araw na pamumuhay ang pagsakay sa mga problemadong mga tren sa bansa. Maisikip, mainit, bigla kang ihihinto, minsan pa, maaaring magdulot ng aksidente. Pero, ano nga ba ang ang pwede nating makuha kapag sumasakay tayo sa MRT?

1. Kung hindi na kaya, huwag nang ipilit. Pumila ka ng napakahaba para makabili ng ticket. Pumila ka ulit pagpasok mo sa abangan ng railway. Pipili ka ngayon kung saan mo gustong maghintay, doon sa dulo, sa gitna, sa bandang gitna o sa kabilang dulo. Dumating ang tren. Excited ka. Uwing-uwi ka na. Sakto, ikaw pasakay ka na. Pero hindi na kasya. Pinasok mo ang kanang paa mo. Nagpaka-John Cena ka banggain yung tao sa may entrance. Pero hindi talaga puwede. Tiningnan ka ng taong nakapasok na nagsasabing “Huwag mo na ipilit. Doon ka na sa susunod.” Minsan, pinipilit natin ang mga bagay kahit hindi na pwede. Kahit ayaw ka na niya sa relasyon, sinisiksik mo pa rin ang sarili mo. Kahit gusto ka na tanggalin sa trabaho at ayaw sa’yo ng boss mo, nandoon ka pa rin. Kung hindi na kaya, huwag nang ipilit. May susunod na tren pa. Kapit lang.

MRT-crowd

2. Nagmamahal ang lahat. Laking gulat mo nang malaman mong beinte pesos na pala ang Ortigas to North Ave. Hindi mo ito inaasahan. Katulad mong iniwan din at nagmahal, ganun din ang ticket. Nagmamahal din ang ticket ng MRT. Minsan nga lang. Napapamura ka sa pagmamahal nito.
IMG_20140808_230152

3.Kung para sa’yo, para sa’yo. May mga oras na pagbili mo pa lang ng ticket, maririnig mo na yung ingay ng MRT na paparating, ipapasok mo yung ticket card mo, at mas matutuwa kang maluwag sa oras na ‘yon. Walang pagpila, walang hassle. Papasok ka na lang. Bonus: Makakaupo ka pa. Totoo ito sa buhay natin. Kung para sa’yo, para sa’yo. Kung mahal ka niya kahit gaano man kayo kalayo, kayo talaga. Kung hindi ka niya mahal, kahit ilang selfie ang gawin mo at gaano kakapal ng make-up ang ilagay mo sa mukha mo, sorry pero hindi talaga. Uulitin ko, baka bukas makalawa, kasing swabe lang ng maluwag na MRT ang buhay mo. Swertihan lang. Kung para sa’yo, para sa’yo.

4. Dalawahan lang. Hindi puwede tatlo.  Madalas kang sawayin ni manong guard dahil kahit alam mong dalawang linya lang dapat ang pila, sinusuway mo ito kapag malapit na yung tren. O di kaya, ginagaya mo yung mga taong sumusuway din dito. Usapan, dalawahan lang. Walang third party, walang kabit, walang sabit. Sa pag-ibig, alam mo yan. Huwag kang manghimasok sa lovelife ng iba. Respeto lang. Pakinggan si manong guard. Makakasakay din po tayo.
MRT

5. Daig ng maaga ang matiyaga. Kung maraming nagrereklamo sa haba ng pila sa MRT at sobrang puno nito kahit hindi rush hour, may isang solusyon para ma-enjoy mo ang malamig na aircon, maluwag na upuan sa mga tren na ito: Agahan mo. Mga tipong 4:30am nasa MRT ka na. E, ganun talaga. Lahat ng masarap at maluwag sa buhay ay dinadaan sa kaunting sakripisyo. Sabi nga nila, daig ng maaga ang masipag o sa MRT, matiyaga pumila. So, kung tamad ka talaga sa work, agahan mo na lang para mamaya hindi ka na pagod. Kung nanligaw ka at naunahan mo yung boyfriend niya, baka makajackpot ka pa kay pabebe girl.

May buhay kang ipinaglalaban. May pinapakain kang kapamilya, may goal kang pilit mong inaabot, may lovelife kang ayaw mo mawala sa’yo. Lahat ito ay ang madalas na pilit nating naiisip na lang sa tuwing natutulala at nag-iisip sa MRT habang tinitiis ang iba’t ibang amoy ng mga nakasakay sa loob na katulad mo, gusto na ring makauwi at makarating sa pupuntahan.

Katulad ng MRT, mabagal man, sira man, nagmamahal man, bumabangga man pero sa bandang huli, sabi nga nila, makakarating din tayo sa paroroonan.

Kapit lang.

Naku, hindi na kasya.

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com