42 anyos na dating OFW at single mom, nagtapos na cum laude

Image from ABS-CBN News via YouTube

Hindi hadlang ang edad para hindi matupad ang mga pangarap.

Ito ang ipinakita ni Michelle Sison, 42 taong gulang, na nagtapos na cum laude sa kursong secondary education sa National Teachers College (NTC).

Tunay ngang isang inspirasyon sa lahat ang kuwento ni Sison na dating overseas Filipino worker (OFW) at ngayon ay single mom.


Image from ABS-CBN News via YouTube

Bilang panganay sa limang magkakapatid, si Sison ay nagsakripisyo muna upang magtrabaho sa ibang bansa para masuportahan sa pag-aaral ang iba niyang mga nakababatang kapatid.

Hindi naman siya binigo ng kaniyang mga kapatid. Noong sila ay nakapagtapos na, ang kanilang ate naman ang kanilang tinulungan upang makapag-aral at maituloy ang pangarap niyang maging isang guro.

Image from ABS-CBN News (i-click ang imahe upang mapanood ang video)

Kuwento ni Sison, “Walang maayos na trabaho mga magulang ko. May isa akong kapatid ngayon na teacher din, isa siya sa tumulong sa akin para ako naman ang mag-aral.”

Maliit pa lang po ako, education na po talaga yung pangarap ko. Maging teacher po talaga,” dagdag pa niya.

Naging extra special ang graduation ceremony ni Sison dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nagbigay ang NTC ng Gawad Haraya; ang umano’y pinakamataas na parangal ng paaralan.

Namili ang NTC ngayong taon sa mga nagtapos na estudyante upang pangaralan ng Gawad Haraya. At si Sison nga ang kanilang napili dahil na rin sa natatangi niyang kuwento at pagsusumikap upang marating ang pinapangarap.

Image from ABS-CBN News via Youtube

Ang pagpili ng gagawaran ng Gawad Haraya ay hindi lang nakadepende sa academic honors kundi ang pagtukoy sa makabuluhang kuwento ng buhay na magbibigay impluwensya sa ibang mga magsisipagtapos.

Kung may pangarap, dapat panindigan natin. Kailangan abutin natin dahil kung hindi natin gagawin yung mga bagay na magdadala sa atin doon sa pangarap natin, walang mangyayari sa buhay natin,”  pagbabahagi ni Sison.

Sa kaniyang pagpasok sa mundo ng pagiging guro, bitbit ni Sison ang kaniyang mga karanasan at pagsusumikap na nais niyang maging inspirasyon para sa kaniyang mga magiging estudyante.