4 Simple Ways to Be Socially Responsible Filipinos (Paano Magmalasakit sa Bayan sa 4 na Simpleng Paraan)

Kahapon may nakatabi ako sa bus. Mag-nanay, naunang sumakay yung anak (adult) tas ako tas sumunod pala yung nanay (siguro 50s na) sa likod ko. Halos puno na ang bus pero bakante yung isang row bandang mlapit sa likod. Tatluhan. Shempre nauna yung anak, tapos sabi sa akin paupuin ko daw muna nanay nya at tabi sila. Syempre ayos lang yun sa’kin. Pagkaupo ng nanay, ako naupo sa dulo. Yun pala galing ibang bansa ang nanay. Tapos narinig ko kwento ng nanay sa anak, sa *toooot* daw di ka makakapasok ng bus if wala kang gawin na (something sa harap) para magbayad. Sabi ng anak, “E doon yun, Pilipinas dito.” Parang medyo masama sa pandinig ko yung sinabi so sabi ko, meron sa ibang siyudad, mga bus sa *toooot* gano’n. Dedma sila pareho.

Ang point ko mga friends, masyado natin dina-down ang sariling bayan. Hindi ba natin alam na bata pa ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa like UK at US? Ang dami pa nating growing up na kailangan gawin bilang isang bansa pero nakikipagsabayan na tayo sa kanila. Kumbaga sige mas matanda pa ang Egypt, Greece and Italy kaysa sa UK at US tapos isipin mo yung Pilipinas ikukumpara mo sa ibang bansa na 1st world? Malamang ida-down mo talaga imbes na isipin mo paano aasenso.

Kaya ngayon mga kababayan, narito ang mga suggestion ko para makatulong tayo sa pag-asenso ng ating bansa. Napakasimple lang ng mga ito kabayan. Uunahan ko na kayo, lahat ng nakalista dito ginagawa ko kaya don’t assume na I don’t practice what I preach because I do all of these.

Sige di ko masyado hahabaan, alam ko naman mga tao ngayon atat e. Apat lang ito. Kung tamad ka magbasa eto yung apat na pwede mong gawin para magmalasakit sa sariling bayan natin:

  1. Wag magkalat pag walang makitang basurahan.
  2. Wag siraan lahat ng ginagawa ng mga tao sa gobyerno bagkus tulungan itong maging epektibo.
  3. Matutong pumila ng maayos.
  4. Bumoto tuwing eleksyon, gumawa ng mabuti at wag puro reklamo lang ang alam.

Di ko na isasama diyan yung kaguluhan na aalisin yung subject na Filipino sa mga schools. Nakupo, ano magiging Amerikano na tayo na tayo pa ang mas may alam ng English grammar kaysa sa kanila? Yung sariling wika natin di natin alam gamitin tapos aaralin natin iba pa at mga banyagang languages kesa sariling national language?

Naku mahabang topic na naman yan kaya eto na lang kabayan, sige basa!

1. Wag magkalat pag walang makitang basurahan.

Ugali natin tapon lang ng kalat kung saan saan eh. Meron naman basurahan sa di kalayuan, itatapon pa rin yung kalat sa kung saan-saan gaya ng sa kalsada o bangketa. Merong basurahan sa unahan ng jeep, tapon pa rin sa labas ng jeepney. May kotse, tapon pa rin sa labas ng bintana. Nag-enjoy lumangoy sa malayo at malinis na dagat, nag-selfie sa magandang beach pero nag-iwan at nagkalat ng mga plastic na bote/kutsara/tinidor, straw, styrofoam atbp. Yung totoo? Ang galing talaga ng Pinoy.

Wala kang paki kung dumagdag ka sa dahilan ng baha, dumi sa dagat, pagkonti ng isda, sea cucumber at mga sea creatures, pagtaas ng bilihin, atbp.? Akala mo hindi ka apektado? Walang bag mga mam ser? Walang bulsa? Walang kamay at paa? Tapos ituturo nyo sa mga anak/pamangkin/mga estudyante nyo gano’n? Paano aasenso ang Pilipinas? Pupunta ng ibang bansa hindi magkakalat doon pero sa Pilipinas walang pakialam tas sasabihin pangit sa Pilipinas? Yung totoo, saan ka ipinanganak at saan ka nakatira?

Simpleng ganun wala tayong paki, pa’no pa kaya yung waste segregation? Naku.

2. Wag siraan lahat ng ginagawa ng mga tao sa gobyerno o mga NGO, bagkus tulungan silang maging epektibo.

Oo sige may mga kurakot na opisyales. Bakit pag ikaw ba naupo sa puwesto di ka kukurakot? Pag ikaw ba naupo sa puwesto akala mo madali maging huwarang lider? Baka ikaw pa ‘yung maunang kumurakot, ‘di ba?

 

Paano mo maiiwasan yung kurakot sa gobyerno?

E ‘di wag mong bigyan ng lagay at ‘wag kang tatanggap ng lagay. Napakasimple. Traffic enforcer, government agencies, customs, ano pa ba? Gusto mong lumusot kaya ka nagbibigay ng lagay. ‘Yung iba panay reklamo lang, ‘di naman nagrereport sa gobyerno rin o kaya sa mga news agency or news TV personalities.

Gusto mo madali ang pera kaya tumatanggap ka ng lagay. Tapos ano? Yung mga kababayan mo nagrereklamo dahil sa corruption pero ikaw, walang pakialam basta makalusot o magkapera. Pag may sumita sa ‘yo ikaw pa ang galit. Iba talaga ang Pinoy eh. ‘Yung iba mangingikil tapos mananakot para ‘di maireport yung kabulastugan nila. Napakahusay talaga natin, nakakabilib ano?

Hilig kasi natin sa mabilis at walang hirap, ‘di ba? Bakit, yung pagkakaroon nga ng anak 9 months bago mabuo di ba? Yung pagtayo ng condo 5 years bago matapos. Yung paggawa at pagluto ng pagkain gaya ng masarap na cake o kaya litson inaabot ng oras-oras. Yung mga baboy, baka at manok inaalagaan at pinapataba ng ilang linggo, buwan at taon tapos tayo gusto natin mabilis agad-agad ayaw dumaan sa tamang proseso? Tapos magrereklamo kurakot yung gobyerno? Sino may kasalanan di ba tayo rin? Isipin mo na lang, aakyat ka ba sa langit dahil sa ginagawa mo?

Karamihan sa atin kung hindi man reklamador lang tungkol sa gobyerno, manlalait pa ng kapwa na may ginagawang ikabubuti ng marami. Yung matuwid gumawa sa gobyerno pinapatay. Yung mga reporter tinatakot at binabayaran din. Maninira pa yung iba diyan ng mga bumubuo o nakabuo ng organisasyon na tumutulong sa kapwa e sila nga walang ginagawa kundi ngumawa lang at magbasa at mag-comment. Nasaan ang progreso pag ganyan? Hindi lang mga grupo-grupo ang dapat tumulong sa bansa natin para umunlad. Ikaw sa sarili mo kung akala mo maliit ka lang, may silbi ka pa rin basta may gagawin kang mabuti. Makakatulong yung maliliit na bagay na ginagawa mong tama para sa bansa. Ang maliliit na bagay pag nagsama-sama lumalaki yan, parang yung ipon mo lang. Hahaha.

3. Matutong pumila nang maayos.

Yan sa MRT/LRT pa lang ang daming singit ng singit sa pila. Ok lang yung sisiksik ka kasi ikaw kasya pa kesa yung nasa unahan mo, pero yung nasa likod/dulo ka ng pila tapos tatakbo ka bigla sa harap pagbukas ng MRT/LRT? Anong klaseng ugali yan? Uunahan mo yung kasya pa sana na sumakay na nasa harap ng pila kase mas importante ka? Bakit ka pa pumila kung pa-VIP ka pala? Hindi dahil naunahan ka ng iba dati manglalamang ka na rin ng ibang tao. Sumakay ka na lang ng bus at makipag-tulakan ka doon dahil walang pila-pila lalo pag rush hour.

 

Isa pa yan, sa mga bus station pag rush hour sa EDSA. Walang pila-pila. Tulakan at ipitan ang labanan. “Bahala ka sa buhay mo basta makasakay ako.” Ganyan araw-araw. Etong mga malls na may bus stations walang pakialam din basta may bus station sila para dayuin sila ng mga tao at mas maraming kitain. Sa taxi at FX area may pila pero sa mall bus stations? Wala, nganga ka na lang. Ilang taon na ganyan wala man lang nakaisip na i-improve kasi yung mall management di naman sumasakay ng bus. Walang pakialam kung gaano kahirap mag-commute kasi may mga sasakyan naman sila. Ang problema na lang nila traffic at gas. Bibili ng kotse para iwas siksikan at tulakan at pila pero dadagdag din sa traffic, late pa rin s trabaho. May nagbago ba?

4. Bumoto tuwing eleksyon, gumawa ng mabuti at huwag puro reklamo lang ang alam.

Yan, may mga kilala ako, may pinag-aralan, edukado pero hindi bumoboto pag eleksyon. Tapos ang gagawin, magrereklamo sa Facebook or Twitter kase bulok daw ang gobyerno. Sino may kasalanan? Yung mga mahihirap na nauto at walang alam kaya nababayaran para bumoto? Sila lang ba ang dahilan? Nasaan ka na edukado o kaya may kaya sa buhay nung kailangang bumoto ng mga mamamahala sa gobyerno? Wala kang oras para bumoto tapos magrereklamo ka lang?

Sige, sabihin nating hindi ka nakapag-aral, iniisip mo bobo ka at walang silbi pero nakakapag-Facebook ka naman kasi may Free Facebook, ‘di ba? Ano ang tinitingnan mo sa Facebook? Yung mga trending lang? Tapos pag may pumunta sa barangay n’yo, namigay ng pera, tatanggapin mo na lang ‘yung pera kaysa magutom. ‘di ba? Ano pa ba ang ginagawa mo para umasenso sa buhay? Mag-Facebook kasi libre lang pagkatapos mo gamitin yung binigay sa ‘yo para pang-load at data?

 

Tumatanggap ka ng bayad para bumoto sa isang taong hindi mo naman alam siya pala ‘yung dahilan kaya maraming utang ang Pilipinas? Tumatanggap ka ng bayad para iboto ang taong dahilan bakit laganap yung illegal na droga sa barangay n’yo kasi baka patayin ka nila? Wala kang mapagsabihan sa mga iligal na pangingisda at bawal na nangyayari sa inyo pero ‘di ba may Free Facebook ka?

Eto pa, paano pag hinuli ka ng traffic enforcer kahit wala kang ginagawang mali? E ‘di i-report mo sa tamang government office tapos saka mo i-post sa Facebook/Twitter/Instagram at kung bet mo, ipa-Tulfo at ipa-news mo pa. Pero ‘yung alam mong ikaw na yung mali babayaran mo pa rin sila para ‘di ka hulihin, e ‘di alam mo na bakit laganap yang kurakot na mga traffic enforcer. Tapos magrereklamo ka na kurakot ang gobyerno kasi lumabag ka sa batas, nagbayad ka kaya ‘di mo ire-report yung tao pero online ka puputak?

Sa government offices, ayaw mo ng ilang araw o linggo bago makuha dokumento mo kaya maglalagay ka  or maghahanap ka ng puwede bayaran para makuha mo na kaagad. Tapos magrereklamo ka na bulok ang gobyerno? Yung totoo, sino ang bulok?

O kaya ganito. Ikaw lang na private motorist yung hinuli imbes na tricycle driver na lumabag sa traffic rules, di mo irereklamo yung traffic officer? Hassle ba? Mas walang hassle magbayad ba? Or hinuli ka kase walang lisensya or beating the red light, babayaran mo ‘yung traffic officer tapos ikaw pa yung galit sa mundo?

Credit to owner

 

Eto pa, mga Pilipinong ayaw na may mga pulis o gobyerno. Mas gusto ng walang batas. So gusto n’yo bumalik sa Middle Ages? Mga hari at reyna? Mga alipin at amo? Pareho lang noon at ngayon, naiba lang ang sistema. Kung ayaw ng gobyerno paano tatakbo nang maayos ang isang komunidad? Kung ayaw sa gobyerno pumunta sa walang mga lider at tingnan natin kung anong klaseng buhay ang kalabasan. Pati nga mga wolves may pack leader, tao pa kaya?

Sa school group work pa lang kailangan na ng leader kasi lahat ng estudyante mag-aaway-away o kaya walang gagawin, e ‘di walang grade lahat ng members sa group? Papasa ba sa school yung gano’n? O kaya pagtutulungan ng grupo ‘yung isang tao para siya gumawa ng lahat ng research at kung anu-ano pa, tama ba yun?

Paglaki ng mga yun, ano alam nila sa pamamalakad ng gobyerno o kaya pagiging pinuno ng grupo sa opisina? Paano ka magiging epektibong manager kung sa paaralan pa lang wala kang natutunang tama? May natutunan ka ba bilang estudyante kung hindi ka gumagawa ng school work? Ngayong malaki ka na panay gulangan sa kapwa ginagawa mo, ‘di ba? Tapos ‘di natin kailangan ng gobyerno kamo kaya di ka bumoboto? Naisip mo ba yung mas ok na yung merong ginagawang mabuti kaysa wala? Yung mas okay na ang sobra kesa kulang? Ano, mas okay ba yung hindi bumoto at walang gawin para sa kapwa kasi mas madali magreklamo lang dahil di natin kailangan gumawa para maitama ang mali?

O baka naman ayaw mo bumoto kasi mahaba palagi ang pila? Bakit ‘yung masasarap na bagay sa buhay ba hindi pinaghihirapan? Gusto mo mayaman kaagad kahit hindi nagtatrabaho? Yung simpleng pagpunta ng dagat ba hindi mo paplanuhin at pag-iipunan? Yung simpleng pagpapamilya ba hindi mo iisipin saan ka kukuha ng pampakain sa magiging anak mo, basta sarap lang ng sex at halik gusto mo?

Yung pagkakaroon ng magandang buhay at pangingibang bansa hindi mo ine-effortan? Yung pakikipag-chat mo dyan sa Amerikano o Briton para gawing asawa hindi mo pinaglalaanan ng oras? Kung yan lang mga yan ginagawa mo, paano pa kung iisipin mo kung paano patatakbuhin nang mabuti ang isang bansa gaya ng Pilipinas? Tapos magrereklamo ka lang na mahirap ang buhay at sisisihin mo ang gobyerno. E ano ba ang ginagawa mo para tulungan ang sarili mo at ang Pilipinas?

Naku tama na nga, hanggang dito na lang ako. Nasasayang lang oras ko sa public service post ko na ito kung wala rin naman mangyayari pala. Babasahin mo lang pala ito tapos magco-comment ng marami at makikipag-away pa sa ibang nag-comment pero balik din sa dating gawi. Hahaha magbabago ka ba pag binasa mo ito? Or iisipin mo ibang tao ‘yung kailangan magbago at hindi ikaw at ako? 

Babalik na nga lang ako sa ginagawa ko kung saan kumikita ako ng pakonti-konti kesa nagfe-Facebook ako magdamag na panay bad news at reklamo lang din naman sa newsfeed. Oo, ‘di rin naman ako perpekto pero kahit papa’no hindi ako nagkakalat, pag may kilala ako na nagkakalat sinasabihan ko. Di ko sinisiraan ang gobyerno pero nagre-report ako ng mga maling ginagawa pag nalaman ko. Maayos ako pumila at naninita ako ng mga sumisingit, at naglalaan ako ng oras para mag-register/update ng voter status para bumoto tapos bumoboto ako. Napakasimple na niyan, imposible kung hindi mo rin kayang gawin.

Sana lang isip-isip din tayo kung paano pa pauunlarin ang sariling bayan. Pag may alam kang good news about sa Pilipinas, ipalaganap mo rin ‘yun. ‘Di ‘yung puro paninira sa bayan lang sinasabi natin at panggugulang sa kapwa ang ginagawa tapos sasabihin mahirap ang buhay sa Pilipinas.

Madali lang magsalita, oo, pero sana samahan din natin ng mabuting gawa gaya ng mga nakalista dito. Para matuwa naman tayong lahat sa bansa natin kapag hindi na panay reklamo lang ang alam nating gawin. Kung ‘di kaya palagi, kahit paminsan-minsan man lang gawa rin tayo ng tama para umunlad din naman ang Pilipinas, ‘di ba?