4 na Dahilan Kung Bakit Pangit sa Isang Tao ang Pagiging Palamura

Photo credit to www.grandparents.com
Photo credit to www.grandparents.com
Photo credit to www.grandparents.com

Sino nga ba ang taong hindi nakapag- mura kahit minsan sa buhay niya?

Ito ‘yung mga salitang binibitawan kung galit ang isang tao para ipakita ang kasukdulan ng damdamin, o kaya naman ay para bigyang diin ang mga bagay na sinasabi.

Madalas itong naririnig sa mga matatanda, pero sa panahon ngayon madami na ring kabataan ang  malayang nagmumura. Ito kasi ay naririnig sa matatanda o napapanuod sa mga palabas sa telebisyon o sine na may tema ng mga rebeldeng “teenager” o mga kwentong  ukol sa mga “gang”.

Naririnig  rin ito sa mga taong mahilig magpatawa, nagagamit nila ang pagmumura kapag mahusay ang “timing”sa komedya o pagpapatawa.

Kahit nga sa ating mga kaibigan na komedyante, mahusay silang nakakapagpatawa lalo na kung sinasamahan nila ng pagmumura.  Kung kaya’y hindi nila ito nakikita na kabawasan sa kanilang personalidad.

Meron nga bang pakinabang sa isang tao ang pagmumura? Bakit pangit  pa rin ang maging palamura?

1. Kung ikaw ay isang magulang na palamura, napakahirap sa damdamin ng iyong anak na marinig ka bilang magulang na nagmumura habang ito ay pinagagalitan mo. Ang pagmumura ay nagdadagdag ng “trauma” sa mga anak na nakikinig sa mga salita ng galit na magulang. Ang pagmumura ay masakit hindi lang sa tenga, kundi higit sa lahat, sa damdamin ng taong pinatutungkulan nito.

Ang paggamit ng mga murang salita sa pakikitungo sa pamilya ay lubhang sumisira sa samahan ng pamilya. Ito ay pagpapakita ng kawalan ng paggalang, pagging sensitibo sa damdamin at pagmamahal sa isang kapamilya. Kung ikaw ay magulang na palamura — hindi malayong lalayo ang loob sa’yo ng iyong kabiyak at lalo na ng iyong mga anak. Maaari rin itong matutunan ng mga bata sa murang edad na aakalain na normal ito at hindi naman nakakasakit.

Walang lugar ang pagmumura sa loob ng nagmamahalang pamilya sapagkat ito ay masamang mga salita na walang idudulot na buti.

2. Kung ikaw ay propesyonal, ito ay nakakabawas sa magandang imahe na gusto mong ipakita sa iyong mga kasamahan sa trabaho. Ang paggamit ng mga salitang mura ay nagpapakita lamang ng iyong kakulangan ng pag-aaral o paghahanda upang maipahayag ang iyong mga ideya sa iyong mga kasamahan sa paraang ito ay madali nilang maunawaan. Hindi ka nagiging epektibo sa iyong propesyon kung gumagamit ka ng pagmumura sa pagtuturo o pageengganyo ng magandang resulta sa lugar ng iyong pinagtatrabahuan. Ang pagmumura ay hindi magandang motibasyon , bagkus , ang taong minumura mo ay nawawalan ng respeto at  maari pang magtanim ng sama ng loob sa’yo at pagdudahan ang tunay mong kakayahan.

3. Sa mga kabataan na nakasanayan ang pagmumura dahil sa mga kaibigang sinasamahan, ay nagkakaroon ng panget na imahe. Habang sila ay nakikilala na palamura – lingid sa kanilang kaalaman, hinuhusgahan na rin ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang at kung anung uri ng pamilya mayroon sila.

Madaling isipin na kulang ka sa saway ng magulang upang makasanayan ang ganitong ugali. O dili kaya ang pagmumura ay pinahihintulutan sa inyong tahanan at maari pang tinitingnan sa inyong pamilya na isang senyales ng kalakasan o ” maturity”.  Ito ay hindi kailanman indikasyon na kaya mo nang humarap sa buhay dahil marunong ka nang magmura gaya ng ibang matatanda. Ito ay indikasyon lamang na pinupulot mo ang mga panget na naririnig at inuugnay mo ito sa personalidad mo sa akalang ito ay magpapatibay sa’yo.

4.  Sa mga kababaihan, ang pagmumura ay lubhang nakakababa ng karakter lalo na at binibitawan ito sa mga lugar na pampubliko at naririnig ng karamihan. Kahit anung ganda ng mukha o ng bihis ng isang babae, kung ang salitang lumalabas sa bibig ay puro mura- ito ay nakakababa ng pagtingin sa kanya lalo na ng mga kalalakihan.

May mga pagkakataon na nagagawa ito ng may kalayaan kung ang mga kaibigan din ay mahilig magmura. Ngunit ang pagmumura ay isang gawi na hindi basta-basta naiiwasan kaya’t kung minsan nadadala ito sa harap ng ibang tao na hindi naman dapat makarinig nito gaya ng mga anak o mga taong maaring may kuneksyon sa iyong negosyo o trabaho.

Kung minsan naman upang maging katanggap- tanggap o hindi gaanong masakit sa tenga, ang mga kababaihan ay nagmumura sa salitang ingles. Ang iba naman ay dahil sa kabiglaanan kaya nakakapag bitaw ng mga salitang mura. Ngunit kahit anupaman ang gamit na lengguwahe o dahilan ng pagmumura — ito ay magdadala ng negatibong epekto sa nagmumura at sa mga nakakarinig nito.

Ang pagmumura kung hindi iingatan ay madalas ding pagsimulan ng away ng mga kababaihan.

Ang salitang lumalabas sa bibig ay siya ring nilalaman ng damdamin at ng isip ng taong gumagawa nito ayon sa bibliya. Ito rin ay impluwensya ng  ginagalawang  lipunan, ngunit  nasa tao pa rin kung nais nitong maging palamura o hinde.

Sa pangkalahatan ang pagmumura ay walang benepisyo. Sa halip maari ka pang iwasan ng mga taong ayaw makarinig ng mga salitang masasakit sa tenga. Nakakawala ito ng kredibilidad dahil ang pagmumura ay kawalan ng disiplina sa matanda man o bata.

Ito ay nakakasakit ng damdamin at hindi rin naman kawalan kung tuluyan nang hindi gamitin. Palitan ang mga salitang mura ng mga salitang nakakapagpa- angat ng tiwala sa sarili ng iba, o ng mga salitang makapag bibigay ng magandang araw sa makaririnig nito.

Maraming salita na maaring ipalit kung ikaw ay galit, nabigla, labis na humanga o nasaktan. Maari ring palitan ng katunog ngunit walang masamang kahulugan, ngunit mas makabubuti kung disiplinahin ang sarili na linisin ang bokabularyo.

Dahil ang magandang salita ay higit na mabuti– kesa sa murang masakit sa pandinig.

About Marguerite Andres

Marguerite Andres is a freelance writer in Yahoo Contributor Network with published articles in Yahoo Voices, A blogger and a " life coach". A full time Bookkeeper, Finance Manager and Auditor for various private companies before she discovered her love for writing. She is passionate in parenting and complex relationships topics and life in general. She is a homemaker and a mother of a university student, who is an aspiring novelist. Her interests includes Business, Interior Design and Achitecture. Likes the books of Sidney Sheldon, Danielle Steel, Mary Higgins Clark and John Grisham. Loves AI, The Voice, X Factor and AGT. Follow me on [email protected] https://twitter.com/MargueriteAnd1 and my email add is [email protected]