20 Mga Pamahiin Sa Kasal, Pinoy Style

 

600x600_1375299038962-full-moon
(Photo credit: weddingbee.com)

Bilang isang magulang na OFW, masaya akong uuwi upang makita na ang aking panganay na anak na si Christine ay ikakasal at handa nang lumagay sa magulo este,  sa tahimik pala.

Masarap at masayang feeling talaga ito lalo na sa dalawang pusong nagmamahalan. Excited much , ‘ika nga.

Kahit pa tume-trending kabi-kabila ang mga hiwalayan sa modernong panahon , iba pa rin ang sayang hatid ng kasalan dahil ito ang isa sa pinaka-paboritong get-together event ng pamilya. Simple man o bongga, instant reunion at happiness galore talaga.

Pero bilang mga tradisyonal na Pilipino, marami tayong namanang mga pamahiin mula pa sa ating mga matatandang kaugalian. Walang pang eksaktong kasagutan kung ang mga ito ba ay totoo o hindi pero napakaraming taon na itong naisaling-lahi ng ating mga ninuno sa atin. Naniniwala man kayo o hindi , naging parte na ito ng ating kultura. Kaya aminin nyo man o hindi, marami pa rin sa atin ang naging biktima at sumunod sa mga pamahiing ito.

Ang Pebrero ay panahon ng Valentines Day at maraming magkasintahan na nagpapakasal sa buwan na ito, Marami nang naisulat tungkol sa mga pamahiin pero narito ang ilang mga nausong pamahiin, mga paliwanag at ang aking pananaw tungkol sa mga ito. Babala: Katuwaan lang po. Huwag seryosohin, baka ma-istroke. Napapag-usapan lang po. Happy reading!

1. Bawal isukat ng bride ang trahe de boda dahil bad luck daw at baka di ito matuloy ang kasal.  Sa totoo lang po, mas lalo namang  mahirap kung hindi ito isinukat. Paano kung biglang tumaba ang bride? Paano kung meron itong diprensya na kailangang ayusin? Kapag ito ay hindi kumasya  , ang bagsak noon ay bumili na lang ng ready-made sa Divisoria o sa mga malls. Pero para sa mga naniniwala dito, madaming brides ang nagda-diet na lang bago dumating ang araw na ito, Sexy ka na, iwas bad luck pa. Actually, marami talaga ang pumapayat dahil di sila makatulog at makakain pag malapit na ang special day. Maraming dalaga na rin ang nag-defy ng tradisyon na ito lalo na sa bandang West na merong liberal ideas tungkol dito  pero natuloy pa rin ang kasal.

2. Bride lang daw ang dapat nakaputi sa araw ng kasal dahil puti ang simbulo ng busilak na pagkadalaga na inihahalintulad kay birheng Maria. Noon man o ngayon, Katoliko man o hindi , puti pa rin ang ginagamit na kulay ng damit na pangkasal dahil ito na ang nakagawian ng mga Pilipino at sa buong mundo.  Birhen man o pangalawang pag-aasawa na,  puti  man o off white color  man mas lilitaw at mamumukod tangi pa rin ang ganda ng bride  sa kulay na ito. Ang mga abay naman ay magiging makulay depende sa tema at kulay na pipiliin ng ikakasal. Pero dala ng modernong panahon marami na ding pagbabago sa kulay at istilo ayon sa personalidad ng ikakasal.

3. Hindi raw dapat magkikita ang bride at ang groom sa araw ng kasal dahil baka di matuloy ang pag-iisang dibdib. Naku naman ang tradisyon talaga o, papahirapan pa ang ikakasal eh excited na nga sila diba? Kayo kaya makakatagal na di magkita? Aber! Ito daw ay upang maging supresa ito para sa isa’t isa at madama nila ang lubos na pagmamahal at kasiyahan sa unang pagharap sa altar. Awww!

4. Dapat mas maaga ang groom sa simbahan kesa sa bride para good luck naman at hindi lumabas na ander si mister.  Mas okay talaga kung maaga dahil bukod sa iwas trapiko na, baka magbago pa ang isip ni ate at kuya. Nyahaha! Daming kasong ganyan. Ikaw din mahirap na lalo na kung huling biyahe na ni ate ito, syempre ayaw niyang ma-tense sa kakahintay ng matagal.  Pero, mas okay naman talaga ang maaga upang maiwasan ang mga aberya at nakakapag-relax pa ang couple sa pagharap sa dambana. Cool, diba?

5. Something old, something new, something borrowed, something blue. For something old-lumang hikaw ni lola, something new – bagong biling sapatos sa SM, something borrowed– humiram ka muna ng pera  kay Tito Julio (babayaran mo after salary next month dahil honeymoon period pa eh). Something blue- eh, blue po ang kulay ng 1000 piso na hiniram kay Tito Julio. Kidding aside, isa sa mga pampamilyang tradisyon at  nauso ang quote na ito noong araw as signs of goodluck para sa ikakasal na sinusunod pa rin hanggang ngayon. Nag-iiba lang ayon sa creativity ng mga wedding planners at ikakasal. Tulad ng sa anak kong si Christine, tinahi ko ang petsa ng kanilang kasal sa loob ng laylayan ng kanyang wedding dress gamit ang kulay blue na sinulid.

6. Bawal ikasal ang magkapatid na sukob sa taon .Syempre ikaw man ang lumagay sa katayuan ni tatay, masakit talaga sa bulsa yan lalo na kung lalaki ang anak mo. Di ba pwedeng sabay na lang para tipid sa gastos? Mahirap ang buhay.O kaya hintay hintay lang ng announcement mula kay munisipyo para makasali sa mass wedding project ni mayor. Da best na ideya yun. Iniiwasan talaga ang sukob sa kasal upang makaiwas daw sa masamang maaring mangyari sa mga magkasintahan. O kung mayroon kang kamag-anak o kapamilya na namatay sa taong yun , inuurong ang kasal sa susunod na taon upang pagbibigay respeto sa namatay o pagkatapos ng 40 days.

7.Hindi dapat matapakan ng bride ang paa ng groom habang nagsasayaw kung hindi maa-ander ito habang buhay.  Naku e, wag nang magsayaw para sigurado, mag-videoke na lang masaya din yun, paalala lang wag kakantahin ang My Way dahil meron pa ring sumpa ang kanta na yan, kahit na ipinanalo na ni Rose Fostanes sa X-Factor Israel.  Baka me paglamayan pa at mauwi sa iyakan ang saya. Pero kung gusto mo pa ring sumayaw, payo ko lang magpraktis na lang muna para di naman magkamali. Syempre, sa isang relasyon mas okay kung balanse ang mag-asawa.Walang ander de saya o dominante.  Walang kumpetisyon dahil hindi naman labanan ang pag-aasawa. Mas maganda kung magtulungan at magbibigayan na lang sa isa’t isa. Pareho pang masaya,diba?

8.Kapag inulan ang kasal, swerte. Magkakaroon daw ng maraming anak. Sana ambon na lang ha, wag naman sana bumagyo sa araw ng kasal at baka kalaunan magtayo ng day care center ang mag-asawa. Itinuturing kasi noong araw na may dalang power ang ulan. Kapag panahon ng tagtuyot merong ginagawang rain dance ang mga katutubo upang maging masagana ang ani.  Blessing din yan. At meron ngang nag-trending sa Facebook dati na kasalang nagpakuha pa sa gitna ng baha habang bumabagyo. Kasi nga, love conquers all , even super typhoons. Di ko lang alam kung ilan na ang anak nila ngayon.

9.Naghahagis ng bigas for prosperity at fertility sa mag-asawa pagkatapos ng kasal. Okay lang yan basta NFA ang bigas para medyo mura naman, ang mahal kaya kung dinurado o sinandomeng pa yan. Magkano na nga ba kilo ng bigas ngayon? O, para mas creative ginupit na crepe paper na lang o aluminum foil para me shimmering, shining epek. Pero syempre para sa mga tradisyunal na pamilya , bigas talaga ang ginagamit dahil may dala raw swerte at blessings ito.

10.Kapag namatay ang kandilang sinindihan ng candle sponsor me mangyayaring masama sa kabiyak na malapit sa namatay na kandila. Naku baka naman kasi  hindi esperma ginamit na kandila kaya ganun o baka mahangin lang talaga sa labas. Kayo naman nega-star agad, malay mo me parating na bagyo lang pala. Magdala na lang kaya ng flashlight. Pero sa tingin ko hindi naman isang kandila lang ang magdadala ng swerte o sakuna sa iyo. Nasa paniniwala na lang yan.

11.Kapag ang isang regalo ay arinola, ito ay magdadala ng swerte sa mag-asawa. Meron sayantipikong paliwanag diyan.Una, hindi istorbo ang pag-ihi sa gabi ng kasal kahit malayo ang banyo, kaya iwas UTI. Pangalawa , tiyak makakabuo agad si mister at misis kasi ihi lang ang pahinga, madalian pa. Kaya kapag apat na ang anak, itapon na ang arinola. Delikado, baka umabot pa sa sandosena. Ha ha.

12.Bawal magbiyahe ang ikakasal dahil malapit ito sa disgrasya. O sige , para iwas sakuna, sa bahay ka na lang, mag-dvd marathon o mag-candy crush maghapon hanggang sa araw ng kasal , mahirap na diba? Wala namang mawawala kung susundin ito. Kahit na meron ngang mga kasong ganyan pero Diyos lang naman ang nakakaalam niyan. Kaya, kung lalabas , ingat-ingat din pag may time.

13. Bawal ang mga kutsilyo at matutulis na bagay na pangregalo sa kasal dahil ito ay malas.  Alam na yan! syempre kutsilyo eh, katakot talaga yan. Baka mapasigaw at himatayin pa ang bride kapag nakitang kutsilyo pala ang laman ng unang regalo na binuksan niya. Baka akalain niya ay me threat pa sa buhay niya. So ingat lang. Kung pwede buong set ng kubyertos na ang iregalo nyo. Safe na, sosyal pa.

14.Bawal magsuot ng damit na itim sa kasalan. Bakit kamo? Baka mapagkamalan kang naligaw lang sa simbahan o masyado ka lang maagang dumating dahil yung libing na pupuntahan mo ay sa hapon pa ang skedyul. Kaya, antay-antay lang wag excited. At next time mag-fuschia pink ka para me luminous epek pa. Dahil sa negatibong konotasyon ng kulay itim sa mga patay, ayaw ng mga konserbatibong pamilya natin ng magsuot nito sa araw ng kasal. Yun lang. Pero iba na nga ang panahon ngayon.

15.Swerte ang pagbabasag ng plato sa reception . Ang pagbabasag sa mga kasalan ay hindi lang basta trip lang. Ito daw ay ginagawa upang paalisin ang mga masasamang espiritu o negative vibes na magiging hadlang sa magandang pagsasama ng bagong kasal. Kung ang isang kasalan ay may ganito dapat tandaan na ito ay hindi kadalasang libre.  Lagot ka sa may ari ng catering service at matsa-charge ka pa ng malaki dahil hindi yan libreng basagin. Dagdag gastos diba? Ikaw rin. Siguro hindi ito masyadong naging sikat masyado sa atin dahil na rin sa mahal ng platong babayaran mo at sayang din naman diba? Pero kung napanood nyo ang movie na ,  My Big Fat Greek Wedding  , parang ilang  sets ng plato talaga ang binasag nila doon as signs of happiness and abundance. Kaya siguro ang bill ay charged  sa groom lahat dahil kasama sa tradisyonal Greek wedding nila yan.

16.Ang bridesmaid na makakasalo ng bouquet ay ang susunod na ikakasal.  Ayos talaga yan, pagkakataon na ng mga single ladies, pwera lang syempre kung me asawa na ang babaeng makakasalo nito. Isang tradisyon na paborito pa ring gawin sa mga kasalan. Exciting pa rin dahil pipila sa harap ang mga natatanging bridesmaids na  always a bridesmaid na lang ang peg.  Syempre gusto ng bride na walang matirang dalaga sa barkada niya dahil sama-sama din sila sa hirap at ginhawa.

17.Ang paggamit ng perlas sa kasal ay di maganda dahil ang perlas ay parang simbulo ng mga luha na magbibigay ng kalungkutan sa pagsasama. Okay fine, gold and silver bling bling na lang o kaya yung 3-for-100 na alahas kahit mura basta sumaya lang. Pero wala naman siguro sa alahas yan, dahil kung fate nyo ang maghiwalay dahil sa incompatibility and irreconcilable differences, eh wala nang dapat pag-usapan pa. Sabi nga, trials in marriage are good, dahil dito nasusukat ang tunay na pag-ibig. Pero minsan kahit true love, natatalo pa rin ng pagsubok. So, game over.

18.Sabi nila maswerte daw ang ikasal ng full moon o new moon basta wag lang daw yung patapos na ang ikot ng buwan.  Mayroong paniniwala sa ancient Greece na ang ikasal ng full moon ay magkakaroon ng masaganang pagsasama. Meron ding ibang kultura tulad ng mga tao sa India, Sri Lanka at Chinese na sumusunod diyan for good luck and good fortune. Para sa akin kahit naman anong moon  phase pwede yan. Nasa pagsasama na lang yan.  Basta ang alam ko, swerte at sikat  si Sailor Moon sa Japan at Pilipinas na me shout-out na  Moon prism power !

19.Ang mag-asawa ang unang maghahati ng wedding cake bilang simbulo ng mahabang pagsasama.Tapos saka hihiwain ito para sa mga guests. Syempre naman kung maunang kumain ng cake ang guests , sa dami ba naman ng pumunta baka wala nang matitira sa bagong kasal. Ang totoo nyan, ang mag-asawa talaga ang unang maghahati sa cake na simbulo ng ” sweetness” ng pagsasama at saka ise-share ang blessings sa mga taong malapit sa mag-asawa.

20.Kapag mas maraming pagkaing handa sa resepyon ng kasalan, mas masaganang buhay ang tatamasahin ng mag-asawa. Aba, oo naman.  Kapag bongga ang handaan, mas maraming tao ang pupunta at makikisaya, minsan pa nga sa probinsiya tatlong araw at gabing kasiyahan, pati kabilang barangay imbitado pa. Tradisyonal na kaugaliang Pilipino talaga yan upang ipagdiwang ang mahalagang araw na iyan. Saka na lang problemahin ang kakainin pagkatapos ng kasal. Importante maipagdiwang ang araw na ito ng bonggang-bongga! Haha.

Sumunod man kayo o hindi , kayo pa rin naman dalawa ang magdadala ng swerte at malas sa inyong relasyon. Walang guide kung ano ang magiging success or failure rate nito. Wala rin namang school for perfect marriage. Ang meron lang, yung love ninyo para sa isa’t isa. Tiwala lang.

Kung kayo po ang isusunod na ikakasal susundin ba ninyo ang mga nakaugaliang pamahiin na iyan?

Nagkaroon na rin ba kayo ng mga di malilimutang karanasan tungkol sa mga nasabing pamahiin? 

Meron pa ba kayong alam na kakaibang pamahiin sa kasal na maaring ibahagi?

Mabuhay ang mga bagong kasal!

 

Source:

wikipilipinas.org/pamahiin sa kasalang pilipino

 

 

About miradelle14

She;s a midlife woman who works somewhere in the Gulf and on the path of discovering her life's calling. She aims to share the lessons of life and to inspire others through art and creative writing. She enjoys the day in silence with nature, zen writing, a hot cup of coffee and a book in hand. Get up close and personal thru her personal blog: https://pinayinrosecoloredglasses.wordpress.com/ Please visit and like this page: https://www.facebook.com/theblogjourney/