1983

(c) Charina Echaluce

Malayo na ako sa taong 1983 pero hanggang ngayon ay naroon pa rin ako.

Hunyo 20, 1983, Ika-3 ng madaling araw…

Gusto kong humiga sa ilalim ng mga tala kasama ka, balikan ang mga panahong simple lamang ang lahat. Gusto kong panoorin muli natin ang paglubog ng araw, sa Kanluran, nang hindi iniisip na baka iyon na ang huli nating pagsasama. Gusto kong sumayaw tayo sa ilalim ng ulan, magpaumaga sa daan, kalimutan ang nakapanlulumong kinabukasan.

Mahigit anim na buwan na rin pala ang lumipas mula noong lumabas ang resulta ng kung anu-anong eksaminasyong ginawa nila sa iyo. Ayaw kong maniwala sa mga resultang iyon! May sakit ka raw, kalahating taon na lamang ang itatagal mo sa mundo at… ano nga ba iyon? Wala na akong ibang naunawaan, palagay ko ay tanging ang manggagamot lamang na iyon ang nakakaintindi – o sadyang hindi lamang kayang abutin ng mapurol kong utak ang mga paliwanag niya. Alam mo naman, kaya ko lang bumasa at sumulat, pero kapag agham at matematika na ang pinag-uusapan ay hindi ko na talaga kaya. Pasenya ka na, kung nakatapos ako ng pag-aaral ay nadala sana kaagad kita sa pagamutan. Hindi ka sana lumala.

Pero sino ba sila para unahan ang tadhana? Sino ba sila para bigyan ng taning ang buhay mo gayong ang Lumikha lamang ang nakakaalam ng bawat simula at pagtatapos? Lalaban ka. Lalaban ta

 

Hunyo 20, 1983, Ika-9 ng umaga

Lalaban tayo.

Hindi ko na natapos ang isinusulat ko kanina. Bigla ka kasing sumigaw. Sobrang sakit ‘ka mo ng ulo mo. Wala ka na nga palang gamot sa cabinet. Pasensya ka na, ha? Kung nakatapos sana ako ng pag-aaral, naibili na marahil kita ng gamot noong isang lingo pa.

Kanina, wala akong ibang nagawa kung hindi ang yakapin ka, haplusin sa ulo at sabihang: Tahan na, tahan na.

Sabi ng mga tinatawag nilang “eksperto,” malapit na ang araw ng iyong kamatayan. Hindi ka na raw aabot ng isang linggo. Kagabi, nagtalo pa kami ng nanay mo. Kung hindi raw kita kinuha, kung hindi raw tayo nagtanan, hindi ka magkakaroon ng karamdaman. Oo, sa harapan mo lang sila mabait sa akin. Pero kahit ganooon, hindi ko pinagsisishang lumapit ako sa kanila noong bigla ka na lamang natumba habang nagsasampay ng mga nilabahan – dahil kung hindi, sabi muli ng mga eksperto, ay mas maaga ka marahil bumitaw. Hanggang ngayon, hindi ka pa rin bumibitaw.

 

Hunyo 20, 1983, Ika-2 ng hapon

Nakatulog ka na.

Parang ayaw ko na umalis sa tabi mo. Kung puwede lang hindi ka mawala sa buhay ko. Kinuha kong muli itong kuwaderno, ngunit hindi na ako sa silong magsusulat ngayon. Mas gusto kong magsulat sa tabi mo.

Mas gusto kong tingnan ang maamo mong mukha habang natutulog. Baka sakaling lumakas pa ang loob ko. Siguro nga ay nawala na ang lahat ng hinangaan ko sa pisikal mong anyo – ang itim at mahaba mong buhok, ang mapupula mong labi, ang maputi mong balat, at ang buhay mong mga mata na ngayon ay naging salamin na ng hirap ng pinagdadaanan mo. Ngunit, sa aking mga mata, ikaw pa rin ang pinakamaganda.

Naisip ko tuloy bigla, paano kaya kung hindi kita kinuha sa mga magulang mo? Paano kung nagdalawang-isip muna ako bago ko sinabing kaya natin lahat basta nagmamahalan tayo? Paano kung ipinagpatuloy ko muna ang pag-aaral ko bago ako nagmayabang sa pamilya mo?

Naisanla na nga pala natin ang mga alahas mo, kasama ang kuwintas na galing pa sa lola ng iyong ina. Hindi mo na rin nabibili ang paborito mong pabango.

Sana hindi na lang kita pinilit sumama sa akin noong sabihan ako ng ama mo na layuan ka. Sana, hindi mo na lang tinakbuhan ang iyong ina nang mahuli ka niyang may dalang maleta, noong gabing katatagpuin mo ako sa abandonadong gusali sa tapat ng paaralan.

Sana nag-isip muna ako.

Patawarin mo ako, mahal. Babawi ako sa iyo. Hihintayin kita. Hihintayin kita.

Noong Hunyo 20, 1983, nagising na lamang ako at natagpuan si Fidel na duguan sa tabi ng kama, may kutsilyong nakabaon sa dibdib niya. Dahil nanghihina, wala akong nagawa kung hindi umiyak. Maya-maya pa ay nagdatingan ang mga kapatid niya na nakatanggap daw ng liham mula sa kanya, susubukan sanang pigilan ang pagpapakamatay niya.

Hunyo 20, 1983 – isang taon simula noong magpakalayu-layo kami – pumanaw si Fidel sa edad na labing-anim.

Hindi ko na siya muling nakita pagkatapos noon. Halos dalawang linggo ako sa ospital, hindi makatayo at makapagsalita, parang lantang gulay. Ngunit ilang araw pagkatapos mailibing si Fidel, bigla raw akong kinakitaan ng malaking pagbabago – hanggang sa tuluyan na akong gumaling. Hindi makapaniwala ang mga eksperto, milagro raw iyong maituturing.

Paglabas sa ospital, pinuntahan ko ang mga kapatid ng lalaking mahal ko. Tinanong ko sila kung bakit ako iniwan ni Fidel. Sabi raw nito, hindi niya raw ako hahayaang mag-isa. Bago sumulat sa kanila ay nanggaling daw ito sa ospital at napag-alamang hindi na magtatagal ang buhay ko. Mauuna na raw siya sa langit upang hindi ako mag-isa roon pagdating ko.

Ngunit 2015 na ngayon, wala pa rin sa langit ang hinihintay niya. Katulad ng sinabi niya sa sulat, Diyos lamang ang may alam ng lahat. Naluluha ako sa tuwing maiisip ito: Paano niya nagawang sabihin iyon, gayong uunahan niya rin pala ang plano ng Panginoon?

Pero dinudurog ako tuwina ng kaisipan na baka muntik na magbago ang isip niya noon kaya lang, nakita niya na mukhang hindi na talaga ako magtatagal sa mundong ito.

Masakit mawalan ng minamahal. Masakit ngunit hindi ko magagawang sumuko na lang basta.

Ipinagpatuloy ko ang buhay ko pagkatapos noon, kahit alam kong hinihintay niya ako. Ayaw kong maging isa pang Fidel. Alam ko ang pakiramdam ng iniwan. Alam ko ang pakiramdam ng nawalan.

Bumalik ako sa pag-aaral. Nagtapos ako at nagtagumpay.

Ngunit hindi na ako umibig pa.

Malayo na ako sa taong 1983 pero hanggang ngayon ay naroon pa rin ako – sa piling ni Fidel, kung saan kasalukuyan pa ang nakaraang binabalik-balikan ko.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.