1.23 A.M.

1:23 A.M.

Nagising na naman ako. Bigla-bigla na naman ang gising ko. Medyo masama yata ang aking panaginip. Hindi pa rin kasi maalis sa aking isip. Hindi ko pa rin matanggap ang malungkot na katotohanan na, wala na tayo.

Nakahilata lang ako sa kama. Tahimik ang buong kwarto. Nakatitig lang ako sa kisame habang dinadamdam ang nakakabinging katahimikan na naghahari sa bawat sulok ng kwarto. Ang nakakabinging katahimikan ay may dalang matinding kalungkutan.

Napaluha ako habang nakatitig sa kisame. Kinakausap ko ang kisame na nakatitig rin sa akin. Tinatanong ko kung saan ako nagkamali. Kung saan ako nagkulang. Kung saan lumiko ang lahat. Paano. Bakit. Ano. Lahat na ng tanong na pwede kong ibato ay binato ko sa kisame.

Matagal nang walang kami. Ilang buwan na ang nakalipas nang naghiwalay ang aming landas at nagkanya-kanya. Ngunit sa lahat ng minutong naglaho,araw na lumipas,buwan na dumaan ay ikaw pa rin ang patuloy na tumatakbo sa isip ko. Ikaw pa rin.

Patuloy ang agos ng luha ko. Bumibigat ang aking pakiramdam. Bawat alaala namin ay tumataga sa aking puso. Nakakapangigil. Nakakainis. Nakakalungkot. Nakakapraning.

Balang araw ay makakalimutan ko rin siya. Baka mamaya. Bukas. Sa susunod na linggo. Sa darating na mga buwan. Sa mga lilipas na mga taon. Balang araw ay mararamdaman ko na ulit ang kasiyahan na matagal ko nang inaasam.

Malay mo, sa susunod na 1:23 A.M. ay matatanggap ko na rin ang malungkot na katotohanang, hindi mo na ako mahal.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.