Sa Navotas walang multa o community service kapag walang face mask; sa halip ay pinapa-swab test

  • Bumaba ang bilang ng mga lumalabag sa face mask protocolssa Navotas City matapos magpatupad ng pagbabago ang kanilang mayor sa local ordinance
  • Imbes kasi na mamultahan o magsagawa ng community service ang mga makikitang hindi sumusunod sa pagsusuot ng face mask, sila ay kinakailangang sumailalim sa RT-PCR tests
  • Ayon sa mayor ng Navotas, marami ang natakot sa RT-PCR test

Mahigpit na ipinatutupad sa buong bansa ang ordinansa tungkol sa pagsusuot ng face mask sa tuwing lalabas ng bahay o sa kahit na anong lugar. Kalimitan sa mga lumalabag dito ay dahil nasa labas lamang ng kanilang bahay o kaya naman ay may face mask nga subalit mali naman ang pagkakasuot nito.

Imahe mula PNA

Matatandaan na mariing ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdampot sa sinumang makikitang lumalabag sa health and safety protocols kontra COVID-19 lalo na kung ang mga ito ay hindi nakasuot o hindi maayos ang pagkakasuot ng face mask.

Nakasaad sa local na ordinansa na ang sinumang lalabag sa health and safety protocols ay pagmumultahin o kaya ay magsasagawa ng community service. Subalit maaari umanong baguhin ang local ordinance na ito ng lokal na pamahalaan.

Tulad na lamang ng isinagawa ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na imbes na pagmultahin o magpagawa ng community service sa mga lumalabag sa safety protocols, sila aypinasasailalim sa RT-PCR test upang malaman kung positibo sila sa COVID-19.

Imahe mula PNA

Sa kanyang panayam sa Dateline Philippines ng ANC, sinabi ni Mayor Tiangco na bumaba ang bilang ng kanilang mga nasisita dahil sa pagbabagong ipinatupad niya sa lokal na ordinansa tungkol sa magiging parusa sa mga mahuhuling lumalabag sa pagsusuot ng face mask.

“Mas kaunti na ngayon. Mas takot sila sa RT-PCR kesa sa fine or community service,” ani Mayor Tiangco. Dahil umano sa takot ng mga ito na sumailalim sa COVID-19 test at malaman na sila ay positibo, bumaba ang bilang ng mga lumalabag sa lungsod.

Ayon pa sa Navotas City mayor, marami sa kanilang mga nasisitang lumalabag ay nakasuot naman ng face mask subalit hindi tama ang kanilang pagkakasuot.

“Kahit anong ordinansa laging merong hindi sumusunod. Ang question kung bumababa o dumadami,” ani Mayor Tiangco.