Oplan Kaayusan: LED street lights nagbigay-liwanag sa mga barangay sa Pasig City; mga ‘spaghetti wire’ inayos

  • Kamakailan ay inilunsad sa lungsod ng Pasig ang proyektong “Oplan Kaayusan” kung saan ay pagagandahin at aayusin ang mga barangay
  • Kabilang sa proyektong ito ay ang pagkakabit ng bagong LED lights kada barangay
  • Bukod sa pagkakabit ng LED lights isinasagawa rin ang declogging, repainting, general clean-up, at iba pa

Tuloy-tuloy ang mga proyekto ng lokal na pamahalaan ng Pasig upang maisaayos ang lungsod at mapaganda ang kapaligiran. At dahil sa banta ng COVID-19, on-going pa rin ang vaccination program at pagpapatupad ng health and safety protocols.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook

Sa kanyang Facebook page ay palaging nagbibigay ng update si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga plano, on-going project, at mga naisakatuparan na ng LGU sa mga nasasakupan.

Kamakailan ay inilunsad ang tinawag na “Oplan Kaayusan” kung saan kada barangay ay magkakaroon ng inspeksyon upang matukoy kung ano ang mga maaaring ipagawa at linisin sa lugar.

Isa sa mga isinusulong sa Oplan Kaayusan ay ang pagpapalit sa mga lumang street lights ng bagong LED lights. Bukod sa mas maliwanag ang LED lights, mas tipid rin ito sa kuryente at mas matagal na magagamit.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto via Facebook

Inumpisahan na ang Oplan Kaayusan at pagpapalit ng LED lights sa mga barangay sa Pasig. Bukod sa mga ilaw, inayos din ang mga “spaghetti wires” at pinalitan ang mga lumang kable ng mga bago.

Kabilang din sa Oplan Kaayusan ay declogging/repair ng drainage at mga sirang manhole, tree trimming, repainting ng mga pader at kalye, at general clean-up. Ayon pa kay Mayor Sotto, target na matapos ang Oplan Kaayusan sa loob ng isang linggo.

Nagpasalamat pa si Mayor Sotto sa mga kawani at departamento sa pagsulong ng proyekto.

“Proyekto ito ng ating Engineering Dept kasama ng ating Peace & Order Dept. Sa kasalukuyan nasa Banaag, Pineda ang Oplan Kaayusan. Susunod na rin ang iilang main road sa Santolan. Siyempre, ‘di rin tumitigil ang mga iba pang request sa 30 brgy ng Lungsod gaya ng declogging at pagpalit ng manhole.”