Nakapaskil na larawan ni Sen. Lito Lapid sa isang flyover project sa Pampanga, ipinatanggal ng DPWH

  • Napuna ng maraming netizens ang tungkol sa nakapaskil na larawan ni Senator Lito Lapid sa isang ginagawang daan sa Pampanga
  • Ayon sa Department of Public Works and Highways, isa ang senador sa mga nag-allocate ng pondo para sa proyekto
  • Ipinatanggal din ng DPWH ang mga larawan ng senador dahil ipinagbabawal ito ayon na rin sa umiiral na batas

Nagiging daan ang social media upang makapuna at makarating sa mga awtoridad ang hindi magagandang gawain lalo na ng ilang mga nasa kapangyarihan. Kabilang na rito ang pagpapaskil ng mga pulitiko ng kanilang larawan sa mga inilulunsad na proyekto na ipinagbabawal ngayon sa umiiral na batas.

Imahe mula sa video ng CLTV36 Official via YouTube

Naiulat ng CLTV36 kamakailan ang tungkol sa mga nagrereklamong netizens dahil sa nakapaskil na larawan ni Senator Lito Lapid sa ginagawang flyover sa Pampanga. Agad itong ipinagbigay-alam sa mga kinauukulan upang magpatupad ng agarang aksyon.

Sa ginagawang Cutcut flyover project sa Angeles City, Pampanga, makikita sa gilid ng notice to the public traffic advisory board ang malaking larawan ni ni Sen. Lito Lapid. Umani ito ng ilang batikos mula sa netizens at isinangguni rin ito ng CLTV news sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pahayag sa CLTV news, isa umano ang senador sa mga nag-allocate ng pondo upang maisakatuparan ang nasabing proyekto. “Joined project po ni Sen. Lito Lapid and Congressman Jon Lazatin,” ani Engr. Arnold Ocampo, assistant district engineer ng DPWH District 3.

Imahe mula sa video ng CLTV36 Official via YouTube

Bagama’t DPWH ang may hawak ng proyekto, itinanggi nila na sila ang naglagay ng larawan ni Lapid. Nilinaw din nila na sumusunod ang kanilang kagawaran sa umiiral na batas patungkol sa pagbabawal ng paglagay ng mga pangalan o larawan ng pulitiko sa mga inilulunsad na proyekto ng gobyerno.

“Pinapa-inspect natin. Once na nakita kung sino ang naglagay then sasabihan natin para tanggalin or tayo na rin ang magtatanggal,” ani pa ni Engr. Ocampo. Nang balikan ulit ng CLTV News ang ginagawang flyover ay wala na ang mga nakapaskil na larawan ni Sen. Lapid.

Wala pang pahayag ang kampo ng senador tungkol dito.