Maituturing na ‘poorest of the poor’ na mga pamilya sa Payatas, nananawagan ng ayuda dahil sa matinding gutom

  • Nasa 5,000 pamilya sa Payatas ang nanghihingi na ng tulong o ayuda dahil sa gutom
  • Ayon sa barangay chairman ng Payatas, sa una ay may mga nagmagandang loob na tumulong sa kanilang mga residente subalit kulang ang mga ito
  • Lumapit na sa grievance committee ng QC LGU ang mga pamilya na nanawagan ng dagdag ayuda

Sa kabila ng kaliwa’t kanang inilulunsad na community pantry sa buong bansa, hindi naman lahat ng mga mahihirap na Pinoy ay naaabutan ng sapat na tulong para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Imahe mula YouTUbe

Sa iniulat kamakailan ng ABS-CBN News, nasa 5,000 pamilya sa Payatas, Quezon City ang nanghihingi na ng dagdag ayuda upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang gutom.

Ang mga nakatira sa Payatas ang maituturing na  “poorest of the poor” ayon mismo sa kanilang barangay chairman na si Manny Guarin. Malaking porsyento ng kahirapan sa lugar ay dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

Matatandaan na nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hangga’t maaari ay huwag nang makipila ang mga residente sa community pantry dahil sa isyu sa social distancing sa dami na rin ng mga pumipila rito upang makakuha ng libreng suplay ng pagkain.

Imahe mula GMA

Matapos ang pahayag na ito ng pangulo, sinabi ni Brgy. Chairman Guarin na naisipan nila sa Payatas na mag-house to house na lamang upang mamigay ng stubs na kanilang ginamit upang makakuha ng donasyon mula sa non-government organizations.

Subalit ayon din kay Chairman Guarin, noong una ay may mga nagpaabot ng tulong sa Payatas. Sa pagdaan ng mga araw ay pakonti na nang pakonti ang mga nakikipag-ugnayan sa kanila na nais magbigay ng ayuda. Kulang din umano ang mga unang naibigay na tulong sa mga residente.

“Kung may magagandaang loob, good samaritan na makakatulong sa barangay namin, welcome po sila rito… Mga bigas, kung may gulay,” pahayag ni Guarin. Bagama’t naipamigay na ang lahat ng ayuda sa nagdaang ECQ, kulang pa rin umano ito sa ilang mahihirap na residente.

Imahe mula Facebook

“Minsan wala nang almusal… Nagsasaing ako ng kanin tapos toyo na lang ulam. Di ko na rin pinapalabas anak ko para ‘di makakita ng mga batang kumakain tapos wala siyang makain,” pahayag ng isang residente sa Payatas na nakausap ng news team.

Upang makakuha ng tulong, ang ilan sa mga pamilya ay lumapit na sa  grievance committee ng QC LGU.