James Reid tampok sa Times Square billboard na matatagpuan sa New York City

  • Tampok kamakailan sa digital billboard sa Times Square sa New York City ang larawan ng singer-actor na si James Reid
  • Ito ay matapos ilabas ni James ang bagong single na “Crazy” sa international streaming platform na Amazon Music
  • Matatandaan na bago pa maitampok si James sa Times Square ay una nang lumabas dito ang larawan din ni Nadine Lustre

Nakatutok ngayon ang singer-actor na si James Reid sa pagsusulat, pag-compose, at pag-produce ng mga kanta sa ilalim ng sariling agency na Careless Music. Inilunsad ni James ang sariling record producing company upang ma-develop ang kanyang artistry sa music scene.

Imahe mula Instagram

“Driven to discover and cultivate artists, James seeks to elevate the local music industry to an international level by providing Careless artists exposure through a global platform,” ayon sa website ng Careless Music.

Hawak ng Careless Music ang ilan sa mga local artist kabilang na ang dating nobya ni James na si Nadine Lustre. Matatandaan na noong October 2020 ay inilabas ni Nadine ang visual album “Wildest Dreams” kung saan nakasama niya sa pag-produce nito si James.

Bagama’t time-out muna sa paggawa ng mga teleserye at pelikula, tuloy-tuloy ang pagpupursigi ni James sa music scene at isa nga sa mga nakamtan niyang tagumpay kamakailan ay ang maitampok sa international audience ang kanyang pinakabagong kanta.

Imahe mula Instagram

“We up in NYC again,” ang caption ni James sa Instagram post kasama ang kanyang larawan kung saan ay tampok siya sa digital billboard sa Times Square, New York City.

Inilabas kamakailan ni James ang bagong kanta na “Crazy” sa streaming platform na Amazon Music at naging parte rin ito ng Mixtape Asia playlist.

“The song is an upbeat tune that gets you ready for the summer vibes. With catchy verses and chorus, it’ll have you going crazy for the song,” ayon sa inilabas ng Myx Global tungkol sa pinakabagong kanta ng aktor.

Matatandaan na noon lamang Abril, naitampok din si Nadine sa digital billboard sa Times Square dahil sa kanyang kantang “Wildest Dreams.”