Community pantry organizers sa QC nakatatanggap ng mga banta; PNP chief Eleazar handang magbigay proteksyon

  • Nangangamba ang community pantry organizers sa Quezon City dahil sa mga natatanggap nilang pagbabanta
  • Kabilang sa mga pagbabantang ito ay comments sa social media at mga natatanggap na text
  • Muling humiling ang community pantry organizers ng proteksyon mula sa gobyerno

Hindi pa rin natatapos ang mga pangambang nararamdaman ng community pantry organizers lalo na sa Quezon City dahil umano sa mga natatanggap nilang pagbabanta.

Imahe mula Virtual Pinoy

Isa sa mga nakapanayam ng ABS-CBN News ay si Rich Salas, organizer ng community pantry sa Krus na Ligas sa QC. Ani Salas, pinangangambahan niya ang kanilang seguridad lalo na ng kanilang mga babaeng volunteers dahil sa mga nakababahalang mga banta.

“‘Yong mga nagko-comment kasi sa mga post namin, nanghihingi ng names namin, ‘yong names ng mga organization namin… sino-sino ‘yong mga nagdo-donate sa akin, saan daw nanggagaling ‘yong pondo ko, ano daw ‘yong mga pinagkukunan ng expenses ko,” kuwento ni Salas.

Bukod kay Salas, hindi rin nakaligtas ang Claretian priest na si Fr. Educ Apungan, kura paroko ng Immaculate Heart of Mary Parish at isa sa mga sumuporta sa community pantry sa Maginhawa.

Imahe mula DF Buzz

Ani Fr. Apungan, nakatatanggap umano siya ng text messages, “‘yong word sa text is ‘ipapatimbog kitang walanghiya ka’. Puwedeng biro pero ang dulo delikado ang ganyang mga biro,” aniya.

Dahil sa mga nakababahalang pangyayari, hiniling ni Fr. Apungan sa gobyerno ang kanilang proteksyon at aniya ay hayaan na lamang silang tumulong sa mga nangangailangan.

Subalit ang pinakalabis na naaapektuhan sa mga pagbabantang ito ay ang founder ng kauna-unahang community pantry sa Maginahawa na si Ana Patricia Non.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Non na hindi niya mapigilang maiyak sa pagod dagdag pa rito ang mga natatanggap na banta.

Imahe mula DF Buzz

Kaya naman hinikayat ng bagong PNP chief en. Guillermo Eleazar si Non na maghain ng pormal na reklamo. Matatandaan na bukod sa mga pagbabanta, nauna nang nasangkot ang pangalan ni Non sa naganap na red tagging ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Tiniyak naman ni PNP chief Gen. Eleazar na handa ang PNP na bigyan si Non ng proteksiyon sa gitna ng mga natatanggap na banta.