Community pantry damang-dama pa rin sa QC, nagdagdag na rin ng ‘pantry wish list’

  • Isang barangay sa Quezon City ang patuloy pa rin na naglulunsad ng community pantry
  • Upang malaman ang kinakailangan ng mga residente, naglagay na rin dito ng “pantry wish list”
  • Subalit may ibang nilagay sa wish list na hindi maaaring ibigay bilang donasyon tulad ng formula milk at ilang gamot

Mahigit isang buwan na ang nakararaan simula noong ilunsad ang kauna-unahang community pantry sa bansa. Dahil sa magandang hangarin ng bayanihan sa community pantry, patuloy pa rin itong inilulunsad sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Imahe mula Facebook

Ang pinakaunang community pantry sa Maginhawa, Quezon City ay naging drop-off point na lamang ng mga donasyon na ipamamahagi. At bagama’t nababalutan ng isyu ang pagkakatatag ng community pantry ay patuloy pa rin itong umuusbong at tumutulong sa mga nangangailangan na Pinoy.

Iba’t ibang bersyon na ng community pantry ang naglipana, at hindi pa rin natatapos na magkaroon ito ng kakaibang twist na patok na patok sa mga Pinoy. Isang community pantry organizer ang nakaisip na maglagay na rin ng “wish list” upang malaman ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga residente.

Nagsimula ang community pantry ni Mimi Santos noong Abril sa kanilang lugar sa East Riverside, Brgy. Paltok, San Francisco Del Monte, QC. At habang namimigay ng mga libreng suplay, naisip ni Mimi na upang lubos na makatulong, kinakailangan niyang malaman ang nais na matanggap ng mga residente na pumipila.

Imahe mula Facebook

Kaya ilang araw lamang matapos ilunsad ang kanilang community pantry ay naglagay na siya ng “pantry wish list” upang mapulsuhan ang mga residente kung ano ang nais nilang matanggap na suplay.

Sa mga larawan na ibinahagi niya sa Facebook, makikita na ilan sa mga isinulat ng mga residente sa wish list ay bigas, diaper, at mga ginagamit sa pagluluto gaya ng mantika, toyo, suka pati na rin asukal, kape at mga delata.

Imahe mula Facebook

Subalit ipinagbigay alam din ni Mimi na hindi lahat ng isinusulat sa wish list ay maaari nilang ibigay bilang pag-iingat tulad ng mga gamot.

“Nung tinanong ko din po ‘yung may kailangan wala po siyang reseta. I am aware po na may mga pantry na may inabot nang siguro vitamins o over the counter meds pero sa amin po gusto ko lang avoid,” ani Mimi.

Bukod sa gamot, hindi rin umano sila namimigay ng formula milk bilang pagsunod sa milk code 1986 o Executive Order (EO) 1, na nagsasabing bawal ang pagdo-donate ng formula milk o ano mang substitute sa breastmilk.