Child star Xia Vigor pangarap ngayon na maging magsasaka: ‘They feed the world, and I want to feed the world din po’

  • Ibinahagi ng child actress na si Xia Vigor ang kanilang pamumuhay ngayon sa Mindoro kasama ang pamilya
  • Ayon kay Xia mas na-enjoy niya ang manirahan sa probinsya dahil bukod sa COVID-free, nagagawa rin niya rito na magtanim
  • Ikinuwento rin ni Xia ang mga napagtanto sa matagal niyang pananatili sa probinsya

“Parang gusto ko pong maging career ang isang farmer kasi, ngayon ko po na-appreciate at mas nalaman ko kung gaanong hard work ang ginagawa nila para magkaroon tayo ng kanin,” ganito ang ibinahagi ng child actress na si Xia Vigor sa isang eksklusibong panayam tungkol sa kanilang paninirahan sa Mindoro.

Imahe mula Instagram

Matapos i-lift ang enhance community quarantine noong nakaraang taon, umuwi si Xia kasama ang kanyang pamilya sa kanilang probinsya sa Mindoro at simula noon ay hindi na muli sila nakabalik sa Maynila.

“Hindi ko pa po alam kung kailan po ako ulit makakapag-shoot. Sa ngayon po, nasa probinsiya po kami at mas maganda po rito kasi COVID-free at mas nakakapag-enjoy po ako rito. Nakakatuwa rin po kasi, mas meron po akong family time, and I get to spend a lot of time with my family,” kuwento ng 11-anyos na child star.

Mindoro ang hometown ng ina ni Xia na si Mommy Christy Bernardo, at dito bukod sa COVID-free ay may iba pang nadiskubre sa kanyang sarili ang child actress tulad ng kanyang galing sa pagtatanim.

Imahe mula Instagram

“Marami na po akong tanim dito sa sarili ko pong garden. Meron na po akong kamatis, sitaw, okra, petchay, sibuyas ,at marami pa po akong itatanim at saka mga tumutubo na sa seedlings,” pagbabahagi ni Xia. Dahil dito, pinangarap na umano niya ang maging isang magsasaka.

“Parang gusto ko pong maging career ang isang farmer kasi, ngayon ko po na-appreciate at mas nalaman ko kung gaanong hard work ang ginagawa nila para magkaroon tayo ng kanin. It’s like they feed the world po, and I want to feed the world din po,” ani pa ni Xia.

Bukod sa pagtatanim, nae-enjoy din umano ni Xia ang dagat dahil malapit lang sila dito, “marami po kaming na-e-experience, nakakapag-fishing din po kami kaya minsan po iyong kinakain namin, iyong nahuhuli po namin.”