600 kilos ng basura nakolekta sa Batangas at Davao del Norte, karamihan sa mga ito ay face masks

  • Isinagawa ang paglilinis ng basura sa mga karagatan ng Batangas at Davao del Norte kamakailan upang maprotektahan ang biodiversity
  • Hindi inaasahan ng mga scuba divers na sumisid sa ilalim ng dagat na halos 600 kilos ang makokolekta nilang mga basura
  • Karamihan sa mga basurang ito ay plastic at face masks na sadyang peligroso sa marine species

Bagama’t kasalukyang nakararanas ng pandemya ang bansa, mainam pa rin na pangalagaan ang lahat ng namunuhay sa kapaligiran kabilang na ang mga nasa lupain at karagatan.

Imahe mula Facebook

Kaya naman isinagawa kamakailan ng Coast Guard District Southeastern Mindanao, katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor ang paglilinis sa ilalim ng karagatan sa Batangas at Davao del Norte.

Tinawag nila ang proyekto bilang “Scubasurero: Stand Up, Save our Reefs,” at ito ay inorganisa rin ng Department of Tourism XI sa paglalayong mapangalagaan at maprotektahan ang marine biodiversity sa Davao Gulf.

Sa paglilinis ng ilalim ng dagat, sumisid ang ilang scuba divers sa bahagi ng Talikud Island sa Island Garden City of Samal (IGACOS) upang mangolekta ng mga basura na naipon.

Sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa sa Batangas at Samal Island, halos 600 kilos ng mga basura ang nakolekta  ng scuba divers. Tinatayang nasa 378 kilos ang nakolekta sa Samal Island, isang tourist destination sa Davao del Norte, at mahigit 200 kilos naman sa dagat na sakop ng Brgy. Mainit sa bayan ng Mabini, Batangas.

Imahe mula Facebook

Dahil karamihan sa mga nakolektang basura ay mga plastic at face masks, muling nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na huwag basta-basta magtatapon ng mga ito dahil peligroso hindi lamang sa yamang dagat kundi maski sa naninirahan dito.

“We gathered some divers and then we went to a few sites na alam namin na palagi kaming nakakakita ng basura, tapos may mga mesh bags kami and then siguro we went on 2 dives, mga 40-50 minutes each shallow lang and we collected as much garbage as we could which is a lot,” pahayag ni diver instructor Ross Veridiano sa ABS-CBN News.

Hiniling din ng grupo ni Veridiano sa pamahalaan na magkaroon ng mahigpit na hakbang upang maiwasan ang ganitong pagkasira sa yamang kalikasan lalo na sa karagatan. Kailangan ding maging responsableng mamamayan ang mga residente lalo na sa pagtatapon ng basura.