Real-life superhero: Lalaki sa India, makapigil-hininga ang pagsagip sa batang nahulog sa riles ng tren

  • Nakuhanan ng CCTV ang pagkahulog ng isang bata sa riles ng tren sa India
  • Isang trabahador naman sa nasabing train station ang nakakita sa pangyayari kaya naman dali-dali siyang tumakbo kung saan nahulog ang bata at agad itong sinagip
  • Naging mabilis ang pangyayari at aksyon ng trabahador kaya nailigtas agad ang bata mula sa paparating na tren

Marami ang maaaring mangyari sa loob ng isang minuto o kahit segundo. Sa mga hindi inaasahang sitwasyon, ang pagtakbo ng kada segundo ay mahalaga upang dito matukoy ang magiging resulta ng mga pangyayari.

Imahe kuha mula sa video ng Ministry of Railways, Government of India

Tulad na lamang ng video na nakuhanan ng CCTV sa India kamakailan kung saan makikita ang makapigil-hiningang pagsagip ng isang lalaki sa batang nahulog sa riles ng tren habang mayroong paparating na tren.

Sa kanilang Facebook page, ibinahagi ng Ministry of Railways, Government of India ang isang video na may habang 30 seconds kung saan mapapanood ang nasabing pagsagip sa bata.

Imahe kuha mula sa video ng Ministry of Railways, Government of India

Sa video ay makikita na naglalakad sa platform ng Vangani station ang anim na taong gulang na lalaki at ang kaniyang ina. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi napansin ng mag-ina ang tinatapakan hanggang sa nahulog sa riles ng tren ang bata.

Sinikap ng bata na makabalik sa platform dahil mayroon nang paparating na tren subalit nabigo ito. Makikita naman sa video ang mabilis na pagtakbo ng trabahador sa nasabing train station na si Mayur Shelke upang sagipin ang bata.

Imahe kuha mula sa video ng Ministry of Railways, Government of India (I-click ang imahe upang mapanood ang video)

Agad na narating ni Mahur ang kinalalagyan ng bata at iniangat ito sa platform. Nagawa rin niyang makasampa dito ilang segundo lang bago dumating ang tren. Agad na niyakap ng ina ang kanyang anak at nilapitan din sila ni Mahur upang tignan ang kalagayan.

Dahil sa pangyayari, maraming netizens ang pumuri kay Mahur at sinabing isa siyang real-life superhero.

“He is an ordinary individual who finds strength to persevere and endure inspite of risking his life. He has done an exceptionally courageous act… it’s heroic,” ani ng isang nagkomento.