18 na bansa nag-withdraw sa Miss Universe 2020; Rabiya Mateo tumaas ang tsansang makuha ang korona

  • Malaki ang naging epekto ng pandemya sa iba’t ibang bansa, kaya naman 18 na mga bansa at teritoryo ang hindi sasali sa darating na Miss Universe pageant sa Amerika
  • Hindi nakapagdaos ang ilan sa mga bansa ng kanilang national pageant, habang ang iba ay may travel restrictions
  • Naniniwala naman ang marami na malaki ang epekto nito lalo na sa pambato natin na si Rabiya Mateo upang makamit nito ang korona

Sa darating na May 16 (May 17 sa Pilipinas) ay gaganapin na ang prestihiyosong 69th Miss Universe pageant sa Seminole Hard Rock Cafe in Hollywood, Florida. Maraming Pinoy fans ang nag-aabang na at umaasang makukuha ng ating pambato na si Rabiya Mateo ang ikalima nating korona ng Miss Universe.

Imahe mula Facebook

Ayon sa mga lumabas na balita, malakas na kandidata ang 24-anyos na Ilongga na sumailalim sa iba’t ibang training upang mapaghandaan ang nasabing pageant. Ipinakilala rin niya ang kanyang sarili bilang “next Miss Universe” sa isang panayam kamakailan.

Naniniwala naman ang maraming Pinoy fans na mas tumaas ang tsansa ni Rabiya na masungkit ang korona matapos lumabas ang balitang nasa labingwalong bansa at mga teritoryo ang binawi ang pagkakalahok nila sa 69th Miss Universe pageant.

Malaking dahilan ng pag-withdraw ng mga bansa at teritoryo ay ang nagaganap ng global pandemic. Sa unang pagkakataon, hindi makapagpapadala ng kanilang kandidata ang Germany. Marami rin sa mga bansa ang hindi nakapagdaos ng kanilang national pageant kaya naman walang napiling kandidata sa Miss U.

Imahe mula Instagram

Binawi rin ng mga bansang Angola, Egypt, Equatorial Guinea, Georgia, Guam, Kenya, Lithuania, Mongolia, Namibia, New Zealand, Nigeria, Saint Lucia, Sierra Leone, Sweden, Tanzania, Turkey, at ang U.S. Virgin Islands ang paglahok sa Miss Universe pageant dahil sa travel restrictions.

Bukod sa mga nag-withdraw, 30 sa official Miss Universe candidates ang “appointed” ng kanilang bansa dahil hindi nakapagdaos ang mga ito ng kanilang national pageant. Ibig sabihin, hindi tulad ni Rabiya na sumailalim sa kompetisyon upang maging pambato ng Miss Universe Philippines, ang 30 candidates na ito ay pinili na lamang.

Marami ang naniniwalang dahil sa pag-withdraw ng maraming kandidata ay “more chances of winning” para sa ating representative. Matatandaan na noong October 2020 ginanap ang Miss Universe Philippines pageant sa Baguio City.